Paglalayag ng USS Carl Vinson sa soberanong karagatan ng Pilipinas, dapat tuligsain

,

Nanawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa sambayanang Pilipino na mariing tuligsain ang paglalayag ng US Carrier Strike Group (CSG) One sa Surigao Strait sa pagitan ng Leyte at Mindanao noong huling linggo ng Disyembre 2024. Garapal ang ginawang pagtawid nito sa soberanong karagatang sakop ng Pilipinas mula Pacific Ocean patungong West Philippine Sea.

Ang pormasyong nabal ng US, na pinangungunahan ng USS Carl Vinson aircraft carrier, ay isang halimaw panggera na may kakayahang magdala ng isang malaking nukleyar na arsenal. Dala nito ang tatlo pang barkong pandigma.

Samantala, tahasang pagpapakatuta sa imperyalistang US ang pag-anunsyo ng AFP at Department of National Defense na nagpaplanong bumili ng Typhon Mid-range Capability (MRC) missile system mula sa US. Noong Abril 2024, nagpwesto ang US ng Typhon missile sa hilagang bahagi ng Luzon na ginamit sa Balikatan war games. Hindi pa rin ito tinatanggal.

Kasunod nito, muling itinulak ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers noong Enero 2 na magkaroon ng Enhanced Defense Cooperation Agreement site sa kanyang prubinsya. Aniya, kailangan ito sa prubinsya dahil “bulnerable ang silangang bahagi ng bansa sa mga ismagler at dayuhang panghihimasok.”

Ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido, sukdulan ang pagpapakatuta ni Marcos sa imperyalistang among US sa pakikipagsabwatan sa paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas. “Ipinakikita nito kung paanong ginagamit ang bansa bilang isang lunsaran ng mga operasyon ng US sa pagpapakita ng lakas sa Pasipiko at bilang tau-tauhan sa ginagawa ng US na pagpapatindi ng inter-imperyalistang tensyon,” aniya.

Paglalayag ng USS Carl Vinson sa soberanong karagatan ng Pilipinas, dapat tuligsain