Militarisasyon sa mga sakahan at komunidad sa Cebu

,

Umiigting ang militarisasyon at paghahasik ng terorismo ng mga pwersa ng estado sa mga sakahan at komunidad ng maralita sa Cebu. Sinusupil ng rehimeng Marcos ang pagkakaisa at paglaban ng mga Cebuano para sa kanilang mga karapatan bilang pabor sa mga panginoong maylupa at burgesyang kumprador.

Pangangamkam sa lupa sa Aloguinsan

Sapilitan at patagong pinasok at nagkampo ng humigit-kumulang 40 sundalo ng 31st Civil Military Operation (CMO) sa Sityo Camaren, Barangay Bonbon, Aloguinsan, Cebu noong Disyembre 4, 2024. Sakop ang lugar sa 168 ektrayang lupa na binubungkal ng San Roque Farmers’ Association (SRFA) na malaon nang kinakamkam ng pamilyang panginoong maylupa na Gantuanco.

Hindi ito ang unang pagkakataon ng panggigipit at pagkakampo ang militar sa lugar. Noong Agosto 2011, marahas na binuwag ng mga pulis at sundalo ang mga protesta at pagkakaisa ng mga magbubukid na nanindigan laban sa pang-aagaw ng kanilang mga sakahan. Inaresto noon ang 39 lider magsasaka at mga tagasuporta ng SRFA. Ito ay sa kabila ng pagkilala ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga magbubukid bilang lehitimong claimant ng lupa. Walang tigil ang panggigipit ng mga Gantuanco at militar sa kanila sa sumunod na mga taon.

Umigting muli ang atake sa SRFA noong Oktubre 2022 nang dumating sa barangay ang 31st CMO Special Company. Nagbahay-bahay ang mga sundalo para gipitin ang mga magsasaka na “magpalinis” ng kanilang mga pangalan, kapalit ang pamamahagi ng bigas, nudels, tsinelas at pera.

Tinakot ang mga magbubukid at pamilya na kung hindi pipirma ay ipakukulong ang mga ito. Sapilitan nilang “pinasurender” ang 17 magsasaka para buwagin ang SRFA. Nagtayo pa ang mga sundalo ng kontrolado nitong organisasyon ng mga magsasaka na Sta. Cruz Famers Association na kalaunan ay naging Camaren Farmers Association noong Hunyo 2023. Tahasang kinubabawan ng militar at National Task Force-Elcac ang lokal na gubyerno ng Barangay Bonbon at maging ang mga upisyal ng bayan ng Aloguinsan.

Sa harap nito, mahigpit na nanawagan ang SRFA sa mga magsasaka at lokal na gubyerno na kaagad palayasin ang militar sa komunidad. Dapat igalang ang karapatan ng mga magsasaka na manindigan laban sa mapagsamantala at mapang-aping panginoong maylupa at sa mga kasabwat nitong militar.

Militarisadong mga maralitang komunidad

Pangunahing anyo ng militarisasyong urban ang pagpakat ng mga yunit militar sa mga komunidad ng maralita sa Metro Cebu. Sa nakaraang mga buwan, iniulat ng mga maralita ang presensya ng mga elemento ng 14th CMO Battalion sa Ermita, Pasil at Mambaling. Liban dito, nag-ulat rin ng presensya ng militar ang mga maralita sa Qiout Pardo, at maging ang mga taga-Mandauae at Lapu-lapu City.

Nang magdaos ng asembliya ang mga maralita noong Disyembre 2, 2024, binisita ng mga sundalo ang mga myembro ng mga homeowners association para sabihan silang huwag dumalo. Laganap ang Red-tagging, intimidasyon at sarbeylans sa mga maralitang komunidad.

“Ginamit nila sa psychological warfare ang paulit-ulit na pagtatanong sa mga kapitbahay kung nasaan ang mga bahay ng mga lider, kahit pa alam na nila ang mga lokasyon nito… at bisitahin ang mga ito nang wala doon ang myembro o lider at ang mga anak o kapatid ang pinipilit na makipag-usap sa kanila,” pahayag ng Kadamay-Cebu.

Nag-ulat din ng katulad na panggigipit ang mga myembro ng Movement against Carbon Market Privitization, asosasyon ng maliliit na manininda na tutol sa pribatisasyon ng pampublikong palengke sa Carbon. Taktika nila ang pag-alok sa mga manininda ng ayuda at tulong mula sa gubyerno kung aalis sa organisasyon.

Sa Mandaue City, iniulat ng mga residente ang pagpabalik-balik ng 14th CMO para hanapin at gipitin ang mga myembro ng organisasyon ng maralitang lumabalan sa iligal na demolisyon. Tumulong pa ang lokal na gubyerno sa pagtuntuon sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay ng listahan ng mga lider nito.

Militarisasyon sa mga sakahan at komunidad sa Cebu