Mala-sakunang pinsala ang hatid ng rehimeng US-Marcos sa mamamayan
Hindi manigong bagong taon kundi dagdag na pahirap ang hatid ng rehimeng US-Marcos pagpasok ng 2025. Unang araw pa lamang ng taon, bumulagta na sa publiko ang panibagong serye ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at singil. Panibagong dagok ang mga ito sa kabuhayan at lumalalang kundisyon sa pamumuhay ng mamamayan.
Nagkabisa noong Enero 1 ang ikatlo sa serye ng pagtaas ng singil sa serbisyo sa tubig sa Metro Manila na ₱7.32 para sa Maynilad Water Services at ₱5.95 kada kubiko metro ng Manila Water Company. Nitong Enero 7, itinaas ang presyo ng kerosin at diesel nang ₱1 at ₱1.40/litro. Samantala, Enero rin ang pagsisimula ng pagtaas ng singil ng mga kumpanya ng kuryente batay sa inaprubahang pagtaas ng Energy Regulatory Board na ₱3.05 bilyon para sa buong taon.
Isinabay pa ang dagdag na 1% kaltas sa napakababa nang sahod ng mga manggagawa para sa Social Security System. Ang taas-singil na ito ay pang-apat na simula 2018, na nagtulak sa kaltas sa sahod ng ordinaryong mga manggagawa mula 12% tungong 15% kada buwan
Karugtong ang mga pabigat na ito sa mahabang listahan ng mga pahirap na ipinataw ni Ferdinand Marcos Jr mula nang maupo siya sa poder.
Sa nakaraang taon, hindi bababa sa 31 beses na itinaas ng mga kumpanya sa langis ang presyo ng mga produktong petrolyo. Nagresulta ito sa kabuuang pagtaas nang ₱13.05 sa kada litro ng gasolina, ₱11.30 kada litro ng diesel, at ₱6.95 kada kilo ng LPG (katumbas ng ₱83 kada 11-kilogramong tangke). Dagdag gastos ito sa pamamasada, pangingisda, pagtatanim, panggatong at pangkalahatang transportasyon. Noong Nobyembre 2024, iniulat ng mga drayber ng dyip na nabawasan nang hanggang ₱2,000 ang kanilang kita sa kada 25 araw na pamamasada. Nag-ulat naman ang mga mangingisda ng pagbabawas ng oras ng paglalayag mula 6-8 tungong 4-6 dahil sa taas ng presyo ng langis, na bumubuo sa 80% ng kanilang gastusin sa pangingisda.
Palaki nang palaki ang tubo ng mga kumpanya sa langis. Lumaki ang kita ng Petron, pinakamalaking kumpanya ng langis sa bansa, tungong ₱17.3 bilyon sa unang hati pa lamang ng 2024. Ang apat na kasunod na pinakamalalaking kumpanya ay tumabo naman ng ₱1.7-₱7 bilyon sa parehong panahon. Nakihati ang rehimeng US-Marcos sa supertubo na nakakamal sa mataas na presyo ng langis sa anyo ng patung-patong na buwis na binabalikat ng mga mamimili.
Pinahintulutan rin ng rehimen ang mga kumpanya sa kuryente na itaas nang anim na beses ang singil. Sa Metro Manila at kalapit na mga prubinsyang sakop ng kumpanyang Meralco, nagresulta ito sa pagtaas ng singil nang hanggang ₱2.07/kwh o dagdag na ₱415.02/buwan sa isang pamilyang kumukonsumo ng 200 kwh bawat buwan. Kinakain nito ang hanggang 17% ng minimum na sahod ng isang manggagawa. Sa ibang bahagi ng bansa, may panahong sumirit tungong ₱19/kwh ang singil ng mga distribyutor ng kuryente.
Ipinagtanggol ng rehimen ang “pangangailangan” ng mga kumpanya na itaas ang singil para diumano “mabawi” ng mga ito ang mga pagtaas generation charge na dulot naman ng pagtaas ng presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM). Tulad ng langis, ang WESM ay monopolisado ng pinakamalalaking burgesya kumprador, na may mga sapi, kundiman direktang nagmamay-ari ng mga kumpanyang distribyutor. Isa sa mga kumpanyang ito ang Meralco na lumilikha at nagbebenta ng enerhiya sa WESM sa pamamagitan ng Meralco PowerGen Corporation at Cebu Energy Development Corporation, at pumapasok sa mga Power Supply Agreement sa sarili nitong mga kumpanya.
Habang nagkakandakuba ang mamamayan na kumita para di sila maputulan ng serbisyo, ipinagmalaki ng Meralco na maaabot nito ang ₱43 bilyong netong kita na target sa 2024, na 17% mas malaki kaysa kita nito noong 2023.
Noong 2024, umabot sa ₱7.87 kada kubiko metro ang dagdag singil ng tubig sa Metro Manila. Pangalawa ito sa 5-andanang taas-singil na nagsimula noong 2023. Bahagi ito ng inaprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na 5-taong programa upang “mabawi” ng mga kumpanya ang “malulugi” sa kanila dulot ng implasyon at upang dagdagan ang imprastruktura para sa “mas maayos” na serbisyo. Itinakda sa programa na pagsapit ng 2027 ay aabot sa ₱19.25 hanggang ₱20.37 kada kubiko metro ang kabuuang dagdag na singil, pero tatlong taon pa lamang ay pumalo na ito sa ₱18.48 at ₱20.40.
Liban sa dalawang kumpanya sa NCR, nagpatupad din ng matarik na pagtaas ng singil ang Davao City Water District nang hanggang 32%. Bahagi ito ng kabuuang 60% na pagtaas na ipinatupad ng kumpanya mula 2022. Nangahulugan ito ng ₱60-₱80 dagdag na singil sa mga pamilyang kumukonsumo ng 20 metro kubiko kada buwan.
Sa kabilang banda, napakaliit, kung meron mang alwan na ibinigay ang reaksyunaryong estado sa mamamayan. Kakarampot na ₱31.29 kada araw ang karaniwang dagdag sa sahod na ipinag-utos ng 14 na regional wage board. Pinakamababa ang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa agrikultura (₱21/araw) at pinakamataas sa di agrikultura (₱75/araw), sa Calabarzon. Siyam na rehiyon naman ang nagtaas ng sahod ng mga kasambahay ng ₱500-₱1,000/ buwan. Lubos itong insulto sa mga manggagawa lalo’t nasa ₱1,200 na ang dapat na minimum na sahod para mabuhay nang disente ang isang 5-kataong pamilya.
Samantala, dinagdagan lamang nang higit ₱200 ang sweldo ng pinakamababang kawani sa kautusang inilabas ng rehimen sa maagang bahagi ng 2024. Hindi sinaklaw ng kautuang ito ang mga kawaning nakapailalim sa kaayusang job order/contract of service at mga lokal na gubyerno.