Editoryal

Labanan ang pang-aapi, pasismo at pagtatraydor ng rehimeng US-Marcos

, ,

Taglay ang hindi matitinag na determinasyon, at sa tanglaw ng pamumuno ng Partido, ubos kayang babagtasin ng malawak na masa ng sambayanan sa darating na taon ang mahirap na landas ng pakikibaka upang pag-ibayuhin ang kanilang paglaban sa korap, mapang-api, brutal at taksil sa bansa na rehimeng US-Marcos.

Palubha nang palubha ang kalagayan ng mayorya ng mamamayang Pilipino dahil sa mga pahirap at pabigat na patakaran at programa ng rehimeng US-Marcos. Sa nagdaang taon, lalong bumulusok ang kalagayang panlipunan at kabuhayan ng taumbayan. Dahil sa mga patakarang palaasa sa importasyon at pumapatay sa lokal na produksyon, halos walang patid ang pagsirit ng presyo ng pagkain, langis at mga saligang pangangailangan, pati na ang gastusin sa kalusugan, edukasyon at iba pang serbisyo.

Nagtetengang kawali si Marcos sa sigaw ng masang manggagawa para sa karampatang sahod na nakabubuhay sa kanilang mga pamilya. Hinahagisan niya ng barya ang mga manggagawa habang busog na busog ang mga dayuhang malalaking kapitalista. Kaliwa’t kanan ang pangangamkam sa lupa ng mga magsasaka ng mga panginoong maylupa, at malalaking plantasyon at kumpanya sa pagmimina.

Inaagawan ng kabuhayan ang mga mamamalakaya, mga drayber at opereytor at iba pang sektor ng masang anakpawis. Kulang na kulang ang trabaho, laluna para sa mga kabataan, sa ekonomyang hindi industriyalisado. Kung anu-ano na lamang ang pinapasukang mapagkakakitaan ng milyun-milyong manggagawa at mayorya ng mga pamilyang nabubuhay sa kahig-tuka. Libu-libo ang araw-araw na napupwersang mangibang bansa para makipagsapalaran para kumita nang kaunti para sa kanilang mga pamilya.

Palala nang palala ang hindi pagkakapantay-pantay at inhustisyang panlipunan. Habang ang karamihan ay lumalaban para mabuhay sa gitna ng kahirapan, tuluy-tuloy namang nagpapakasasa sa kalabisan at luho si Marcos at ang kanyang mga korap na burukrata, pinapaburang mga kapitalista at malalaking panginoong maylupa. Ang pamilyang Marcos mismo ay nabubuhay sa layaw, maya’t mayang paglabas ng bansa, mga piging at konsyerto sa Malacañang, paggamit ng helikopter para sa pribadong biyahe at iba pa. Nagkakamal sila ng mas malaking kayamanan sa pamamagitan ng korapsyon, mga kikbak, pagsasamantala sa mga manggagawa at magsasaka, at pagdambong sa likas na yaman ng bansa.

Laluna sa harap ng parating na eleksyon, abala ngayon ang naghaharing pangkating Marcos sa konsolidasyon ng kanyang kapangyarihan para solohin ang poder. Ginagamit niya ito laban sa mamamayan at sa kanyang mga karibal sa pulitika. Sinisipa niya ngayon ang mga Duterte na inalyado niya sa pandaraya sa eleksyong 2022. Gayunman, nagbibingi-bingihan siya sa hinaing ng taumbayan na ipaaresto si Rodrigo Duterte at patalsikin si Sara Duterte upang mapagpasyang maparusahan sila sa laksang krimen ng pagpatay at pandarambong sa kabang-yaman ng bayan.

Walang-lubay ang brutal na gerang panunupil ni Marcos. Papatindi pa ang terorismo ng estado para gupuin ang kanilang pakikibaka. Sa tabing ng mga deklarasyong “insurgency-free,” ipinapataw ni Marcos ang di-deklaradong batas militar sa libu-libong barangay sa kanayunan na mahigpit na kinokontrol ng kanyang mga pasistang utusan. Pinakikitid nang pinakikitid ni Marcos ang larangan ng pakikibakang ligal. Sa kanayunan man o kalunsuran, walang-habas ang sarbeylans, panggigipit, Red-tagging, pag-aaresto at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa masang naninindigan at lumalaban para sa makabayan at demokratikong interes ng bayan.

Sagadsarin ang pagtatraydor ni Marcos sa sambayanang Pilipino sa pagyuko niya sa kapangyarihan ng imperyalistang amo. Sa ilalim ng papet na si Marcos, walang kasinggarapal ang panghihimasok militar ng US. Bulag niyang sinusunod ang lahat ng kagusutuhan ng US, kabilang ang pagtatayo ng dagdag pang mga base militar at sikretong pasilidad. Ipinaiilalim niya ang reaksyunaryong sandatahang lakas sa utos at kontrol ng mga upisyal militar ng US. Ipinagagamit ni Marcos ang bansa sa US sa pagpapainit nito ng armadong hidwaan sa imperyalistang karibal na China, kabilang ang paglalayag ng mga dambuhalang armada ng US Navy sa loob mismo ng kapuluan ng Pilipinas.

Sa darating na taon at panahon, dapat lalong palakasin ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino ang kanilang pakikibaka laban sa papet, pahirap at pasistang rehimeng Marcos. Dapat ubos-kayang pandayin ang determinasyon at kakayahan ng taumbayan na magbangon at magprotesta. Dapat nilang ipamalas ang kanilang galit sa pagkainutil nitong ibaba ang presyo ng pagkain at mga bilihin at kabiguang lumikha ng regular na trabaho para sa milyun-milyong manggagawa. Dapat nilang ipaglaban ang kanilang demokratikong kahingian para sa lupa, dagdag sahod at sweldo, kabuhayan at sapat na serbisyong panlipunan.

Puspusang patatagin ang determinasyon ng sambayanang Pilipino para basagin ang teroristang lagim ng rehimeng US-Marcos. Dapat nilang matapang na labanan sa lahat ng paraan ang pasismo ng estado. Bigyan ng boses ang lahat ng biktima ng mga pagpaslang at karahasang militar sa kanayunan at kalunsuran. Tipunin ang kanilang lakas sa sama-samang pagmartsa sa lahat ng dako ng bansa para isigaw at ipaglaban ang katarungan. Dapat tumindig ang buong bayan para sa karapatan at katarungan para sa lahat ng biktima.

Dapat ipamalas ng sambayanan ang patriyotikong galit kay Marcos, palakasin ang sigaw para lansagin ang lahat ng base militar ng US, alisin ang lahat ng sandatang pandigma ng US na iniimbak nito sa Pilipinas, tutulan ang mga pagsasanay sa gera, at palayasin ang lahat ng tropang Amerikano, pati mga tropa ng Japan na kinakaladkad ng US. Dapat ipaglaban ng bayan ang tunay na nagsasariling patakarang panlabas na nagtataguyod sa kapayapaan at dayalogo, partikular na para lutasin ang mga hidwaang pangkaragatan sa China.

Determinado ang Partido na pangibabawan ang mga kahinaan sa nakaraan at itaas ang kakayahan nito na malawakang pamunuan ang masa. Hinihikayat nito ang lahat ng kanyang kadre at ang rebolusyonaryong masa na ibayong pandayin ang kanilang determinasyon na palawakin at palakasin ang Partido, ang Bagong Hukbong Bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa, isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon at ubos-kayang kamtin ang mga tagumpay ngayong taon at sa panahong darating.

Labanan ang pang-aapi, pasismo at pagtatraydor ng rehimeng US-Marcos