Kolektibong pagtutol sa tumataas na matrikula sa kolehiyo
Nagkakaisang tumindig ang maraming konseho ng mag-aaral, mga publikasyon at organisasyon mula sa iba’t ibang pribadong kolehiyo at unibersidad laban sa planong pagtataas ng singil sa matrikula at iba pang mga bayarin (Tuition and Other Fees Increase o TOFI) para sa taong 2025-2026. Sa huling tala ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), pumalo sa 2% hanggang 10% ang tantos ng mungkahing pagtaas sa singil ng mga unibersidad para sa susunod na akademikong taon.
Taun-taon tuwing Pebrero, tumatanggap ang Commission on Higher Education (CHEd) ng mga petisyon para sa panukalang TOFI. Ang “karapatan” na ito para magtaas ng singil ay alinsunod sa CHEd Memorandum Order No. 03 Series of 2012. Bahagi nito ang pagsasagawa ng “konsultasyon” sa mga estudyante para maipaliwanag ang layunin ng TOFI.
Gayunman, huwad ang mga konsultasyong ito, alinsunod sa karanasan ng mga konseho at estudyante. Sa kaibuturan, ginagamit ang mga ito para isagasa ang TOFI. Sa iba pang mga pagkakataon, tahasang binabalewala ng administrasyon kahit ang itinakdang proseso na ito ng CHEd.
Karaniwang idinadahilan sa pagtataas ng matrikula ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pagtataas ng sahod ng guro at ibang empleyado at pagpapaunlad ng mga pasilidad at serbisyo. Ayon sa NUSP, gasgas na ang pagdadahilan na ito dahil malinaw na ang pagtataas ng matrikula at ibang singilin ay para sa pagpapalaki ng kita. Sa nakaraan, wala namang nagbago sa mga pasilidad, kalagayan ng mga guro at kawani sa mga unibersidad.
Makatwirang pagtutol
Nasa abereyds na ₱130,000 ang kinakailangan kada taon para makapagpaaral ng isang estudyante sa kolehiyo. Hindi magkakasya kahit igugol dito ang buong taong kinikita (₱120,000) ng karaniwang manggagawang sumasahod ng minimum. May mga tayang umaabot sa ₱2 milyon ang kailangang gastusin para makatapos sa isang 4-taong kurso sa kolehiyo sa mayor na mga unibersidad ng bansa.
Sa harap ng higit pang tumataas na presyo ng batayang mga bilihin, makatwirang labanan ng mga estudyante ang dagdag na matrikula. Sa nagdaang mga buwan, naglunsad sila ng mga porum, pulong, rali at iba pang tipo ng aktibidad para ipahayag ang pagtutol dito.
Nagkaroon ng mga pagkilos sa University of the East (5% TOFI), De La Salle University (3%), University of Santo Tomas, Ateneo de Manila University (6%), Adamson University (5%) at iba pang mga unibersidad sa Metro Manila.
Sa Saint Louis University sa Baguio City na unang ipinanukala ang 9% pagtaas, natulak ng pagkilos ng mga estudyante na ibaba ito sa 6.25%. “Isang tagumpay ang pagpapababa sa TOFI, ngunit ang 6.25% ay nananatiling pahirap sa libu-libong bagong [estudyante]. Ipagpapatuloy natin ang laban,” ayon sa grupong Walang Iwanan Louisian Network.
Sa Holy Angel University sa Pampanga, nagbabadya ang 3.5% pagtaas. Sa sarbey ng pahayagang The Angelite, tatlo sa bawat apat na estudyante ang hindi sang-ayon sa anumang TOFI para sa susunod na taon, at mahigit 60 porsyento ang may posibilidad na tumigil sa pag-aaral dahil sa TOFI. Pangatlong dagdag singil na ito sa loob ng tatlong taon.
Tuluy-tuloy pa ang konsultasyon ng NUSP sa mga konseho ng mag-aaral ng mga unibersidad na may nagbabadyang pagtataas ng matrikula. Pinalalakas nila ang pagkakaisa ng mga konseho at estudyante sa buong bansa para higit pang patampukin ang laban kontra sa pagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin. Pinapanagot nila ang CHEd at rehimeng Marcos sa pagpabor nito sa pribadong negosyo na higit pang kumita sa kapinsalaan ng mga kabataang Pilipino at kanilang edukasyon.
