Editoryal

Ibigay ang pinakamalawak na suporta sa welga ng mga manggagawa sa Nexperia

, ,

Noong Marso 5, sabay-sabay na tumigil sa pagtatrabaho ang mahigit 1,300 manggagawa sa Nexperia Philippines Inc at idineklara ang welga sa pagawaan nito sa Light Industry Science Park 1 sa Cabuyao, Laguna. Layunin nilang sama-samang isulong ang kanilang pakikibaka para sa umento sa sahod, pagbabalik sa tinanggal na mga manggagawa, at laban sa pambubuwag ng kanilang unyon.

Ilang taon nang tinitiis ng mga manggagawa sa Nexperia ang kapitalistang pagyurak sa kanilang kagalingan at pagbabalewala sa kanilang mga hinaing. Nagtetengang-kawali ang maneydsment ng kumpanya sa kanilang mga kahingian para sa nakabubuhay na sahod, laban sa pagsisisante at kontra sa mga pag-atake sa kanilang karapatan sa pag-uunyon. Pabor sa interes ng kapitalista, naglabas ng “assumption of jurisdiction” ang Department of Labor and Employment (DOLE) para ipahinto ang anumang balak na welga upang diumano ito ang “mamagitan.”

Sa halip, inaalok ng kapitalistang ang mapang-insultong umentong ₱17 kada araw kasabay ang sunud-sunod na tanggalan ng daan-daang manggagawa mula pa 2023. Para magkamal ng palaki nang palaking tubo, pinagdodoble-kayod ang mga manggagawa sa pagtatrabaho. Noong 2024, naabot ng kumpanya ang produksyon ng siyam na bilyong electronic chips na ginagamit sa produksyon ng mga sasakyan, kagamitang pangkomunikasyon at iba pa. Nagawa ito sa pagpwersa sa mga manggagawa na humawak ng hanggang apat na makina kada isa, na balak pang itaas sa siyam na makina sa mga darating na panahon.

Hindi maitatatwa ang pangkasaysayang kabuluhan ng welga sa Nexperia. Isa ito sa pinakamalaking welga sa nagdaang ilang taon sa isang kumpanyang pag-aari ng dayuhan. Ang welgang ito ay tuwirang paghamon sa patakarang “no strike” na mahigpit na ipinatutupad sa mga export processing zone. Ipinakikita ng kapangahasan ng mga manggagawa ng Nexperia na buhay ang diwa ng paglaban ng mga manggagawang Pilipino. Ipinaaalala nito sa lahat ng manggagawa ang kahalagahan ng pagkakaisa at kapasyahang lumaban para ipagtanggol ang kanilang kagalingan at maka-uring dignidad.

Sumiklab ang welga ng mga manggagawa sa Nexperia sa gitna ng papatinding sosyo-ekonomikong krisis na kinasasadlakan ng buong bansa. Salamin ito ng malawak na diskuntento ng masang manggagawa at sambayanan sa harap ng pagsirit ng presyo ng pagkain at mga saligang pangangailangan at serbisyo, mababang sahod at malawak na kawalan ng trabaho. Milyun-milyon ang inaagawan ng lupa at ng kanilang kabuhayan, at sinasagasaan ng mga dayuhang kapitalista, lokal na malalaking negosyo at panginoong maylupa. Ang welga ng mga manggagawa sa Nexperia, samakatwid, ay nagbibigay boses hindi lamang sa mga manggagawa ng Nexperia, kundi sa buong sambayanang nagdurusa sa ilalim ng mga patakarang pahirap at makadayuhan ng rehimeng US-Marcos.

Ipinamamalas ng mga manggagawa sa Nexperia ang tapang at militansya sa pakikibaka. Pinatutunayan nila na hindi sila yuyuko sa harap ng panggigipit, pananakot at pandarahas ng kapitalista at ng reaksyunaryong estado. Dahil tangan nila ang katwiran at katarungan, hindi sila nagpasindak sa sari-saring panggigipit at pagbabanta ng kapitalista na sila’y sisipain o kakasuhan. Kumukuha sila ng lakas at tibay ng loob sa isa’t isa, sa kanilang kapit-bisig na pagharap sa kapitalistang gahaman.

Marapat lamang na manawagan sa lahat ng manggagawa at buong sambayanan na tumindig at suportahan ang welga ng mga manggagawa ng Nexperia. Panahon ito ng pagkakaisa ng mga manggagawa, saan pa mang kabilang na pederasyon o linya ng industriya. Dapat ipabatid sa mga manggagawa, kabilang ang mga nasa empresa sa mga export processing zone, na ang pakikibaka ng mga manggagawa ng Nexperia ay pakikibaka rin nila. Ang pakikibaka para sa nakabubuhay na sahod, makataong kundisyon sa paggawa at karapatan sa pag-uunyon ay kolektibong paglaban ng lahat ng mga manggagawang Pilipino, maging ng mga manggagawa sa iba’t ibang dako ng mundo.

Dapat na magbigay rin ng suporta sa welga ng mga manggagawa ng Nexperia ang iba’t ibang demokratikong sektor. Dapat dalhin ang kanilang mga isyu sa pinakamaraming kampus, komunidad, upisina at simbahan, upang kunin ang malawak na suporta ng buong sambayanan. Tipunin ang pinakamalawak na suportang materyal at moral para sa mga manggagawa ng Nexperia. Ang tagumpay ng kanilang welga ay tiyak na magsisilbing inspirasyon para pukawin ang mga manggagawa at iba’t ibang uri at sektor na tumindig at lumaban sa pang-aapi at pagsasamantala.

Habang nagbibigay-pugay tayo sa tapang ng mga manggagawa ng Nexperia sa militanteng pagsulong ng kanilang mga demokratikong kahingian at interes, dapat din nating ilawan ang landas ng mas malawak na pakikibaka laban sa lahat ng anyo ng pang-aapi sa masang anakpawis at buong sambayanan. Ipakita natin kung papaanong ang pakikibaka ng mga manggagawa ng Nexperia ay nakakawing sa pangkalahatang rebolusyonaryong pakikibaka para wakasan ang bulok at mapang-aping sistema.

Ibigay ang pinakamalawak na suporta sa welga ng mga manggagawa sa Nexperia