Editoryal

Hindi papanglaw ang ningning ng mga rebolusyonaryong bituin

, ,

Sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Marso 8, bibigyang-pugay ng Partido ang lahat ng kababaihang tumindig sa karampatang lugar nila sa rebolusyon. Sila ang mga babaeng rebolusyonaryo, kadre, mga Pulang kumander at mandirigma, na bumagtas sa mahirap na landas ng paglaban, kumilos at namuno, at marami’y humawak ng armas, upang kamtin ang matatayog na pangarap para sa paglaya ng kababaihan at buong bayan.

Sila ang mga hindi yumuko o sumuko sa gitna ng matitinding labanan, puspos ng rebolusyonaryong diwa hanggang sa huling hininga. Sila ang mga rebolusyonaryong bituin na habampanahong magniningning.

Pinakamataas na pagpupugay ang ibinibigay ng Partido sa mga kababaihang namuno sa Partido, sa hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusan. Pinararangalan ng Partido ang mga kababaihang naging kagawad ng Komite Sentral na sina Ka Maria Malaya (Myrna Sularte), kalihim ng Panrehiyong Komite sa Northeast Mindanao at Komisyon ng Mindanao; Ka Bagong-Tao (Wilma Tiamzon), pangkalahatang-kalihim ng Partido; Ka Fiel (Eugenia Magpantay), pangkalahatang-kalihim ng Partido; Ka Elay (Helenita Parladis), kalihim ng Panrehiyong Komite sa Eastern Visayas; Ka Lalay (Aprecia Alvarez Rosete), kalihim ng Panrehiyong Komite sa Western Mindanao; Ka Sandy (Josephine Mendoza), pangalawang kalihim ng Panrehiyong Komite sa Southern Tagalog; at Ka Kaye (Sandra Reyes), kagawad ng Komisyon sa Mindanao.

Hindi rin malilimutan si Ka Concha Araneta Bocala, tagapagsalita ng National Democratic Front-Panay at daan-daan pang kababaihang nagsilbing mga kalihim, giyang pampulitika, kumander, mandirigma, duktor at nars ng masa, organisador, propagandista, taguyod, guro at tagasanay, hingahan ng loob at tagapayo, at iba pa.

Ipagdiwang natin ang napakalalaki ambag ng kababaihan sa rebolusyong Pilipino. Pahalagahan natin ang iniuukol nilang talino, sigasig at tikas na nagpapayaman at nagpatatatag sa pakikibaka ng sambayanan. Sa larangan ng pakikibaka para sa bayan at para sa kababaihan, natatamo nila ang kanilang kaganapan bilang tao at kapantay ng mga lalaki. Nilalabanan nila ang kulturang patriyarkal na nagtuturing sa kanilang mahina o mas mababa, at ipinamalas ang aserong paninindigan.

Ang mga babaeng rebolusyonaryo ay pag-asa para sa milyun-milyong kababaihang nagdurusa sa lipunang nagtuturing sa kanilang mas mababa at mas mahina. Huwaran sila para sa mga babaeng sumasahod ng mas mababa at binabagot sa paulit-ulit na trabaho; nagkakayod-kalabaw sa bukid pero hindi ibinibilang bilang produktibo; mga walang lupa at pinalalayas lupa ng kanilang mga ninuno; nakatali sa gawaing-bahay at pag-aalaga ng asawa’t anak pero limitado, kung meron mang boses sa loob ng sariling tahanan; sa mga di makahulagpos sa mga mapang-abusong relasyon dahil sa takot at kawalan ng kapangyarihan sa ekonomya; sa mga napilitang mangibang bansa para may maipakain sa pamilya; sa mga dumaranas ng diskriminasyon sa kasarian; at sa mga biktima ng sekswal na pang-aabuso at karahasan.

Kilalanin natin ang kanilang natatanging kontribusyon bilang mga ina at asawa sa pagbubuo ng mga rebolusyonaryong pamilya at relasyon, sa pagmumulat at militanteng pagtataguyod sa mga patakaran para sa proteksyon ng kababaihan, bata at LGBT laban sa pagsasamantala at pang-aapi. Kilalanin natin ang kanilang papel sa pagtataas ng kamulatan ng kalalakihan at sambayanan kaugnay sa mga usaping pangkababaihan, pagsusulong ng pantay na turing sa kasarian, at pagbubuo ng matatag na sistemang suporta para sa mga kapwa babae.

Pahalagahan natin ang kanilang mga sakripisyo, ang pagtalikod sa kumportableng buhay at pansariling pangarap, ang pag-inda sa maraming kahirapan sa digmaan, at laluna ang matagalang pagkawalay sa sarili nilang mga anak. Sa kabila nito, ang kanilang mga buhay sa pakikibaka ay lipos ng saya at sigla. Hindi mauubos ang mga kwentong magiliw, nakatatawa at nakaiiyak sa karanasan ng mga babaeng nakikibaka. Tulad ng pambihirang mga bulaklak sa gubat, pinakamamahal at pinakaiingat-ingatan sila ng masa at mga kasama.

Sa harap ng tumitinding kahirapan at pagdurusa ng puu-puong milyong pamilya sa gitna ng krisis sa ekonomya bunga ng korapsyon ng rehimeng Marcos, at mga patakaran at programang anti-mahirap at maka-dayuhang kapitalista, patuloy na namumulat ang kababaihan kasama ang buong sambayanan, sa pangangailangang tumindig at lumaban.

Kabilang ang mga babae sa unahang hanay ng mga manggagawa na puspusang nagtatayo ng kanilang mga unyon at iba’t ibang samahan. Kabilang sila sa mga nangunguna sa paggigiit sa mga hinaing at kahingian para sa dagdag na sahod, karapatan sa regular na trabaho at mas makataong kundisyon sa paggawa. Kabilang sila sa matapang na naninindigan sa pagharap sa ganid na kapitalista, sa kanyang mga armadong maton at pasistang ahente ng estado.

Nasa unahang hanay sila ng masang maralita na lumalaban sa walang patid na pagtaas ng presyo ng bigas, pagkain, langis, panggatong, gamot, pamasahe at iba’t ibang serbisyo. Sila ang mga nanay at anak na nakikipagkaisa sa kanilang mga kapitbahay para batikusin si Marcos at mga pulitiko sa pagwawaldas ng pera ng bayan sa kanilang marangyang buhay at tuligsain ang walang katapusang pangungutang ng gubyerno para pondohan ang korapsyon. Sa mga kampus, kabilang ang kababaihang kabataan sa nagmamartsa sa unahan ng paglaban sa walang awat na pagtaas ng matrikula at gastusin sa pag-aaral, gayundin sa paglaban sa pagpapakapapet ni Marcos sa US at pagkaladkad ng bansa sa imperyalistang gera.

Sa kanayunan, kabilang ang kababaihan sa masang nag-oorganisa at kumikilos laban sa rehimeng Marcos at sa patakaran nito ng todong liberalisasyon na pumapatay sa kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka. Kasama sila sa sama-samang sumisigaw para tunay na reporma sa lupa, at kagyat na mga kahilingan para ibaba ang upa sa lupa, interes sa pautang ng mga gahaman na usurero at bangko, at presyo ng mga kagamitan sa pagsasaka. Sa ilanlibong barangay na kinokontrol ng militar, matapang nilang binabatikos ang pang-aabuso at karahasan ng mga pasistang sundalo, laluna laban sa kababaihan at mga bata.

Kabilang ang kababaihan sa unahang hanay ng mga kabataang bagong mga Pulang mandirigma ng BHB. Katulad ng naunang mga salinlahi ng kababaihang mandirigma, ipinamamalas nila ngayon ang walang hanggang katapangan sa pagharap sa kaaway, at walang katapusang pagmamahal at pagkalinga sa masang kaisa nila sa hangarin para sa malaya at maaliwalas na bukas.

Hindi papanglaw ang ningning ng mga rebolusyonaryong bituin