Panghawakan ang mga aral ng pag-aalsang EDSA

,

Sa okasyon ng ika-39 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA, nagpaalala ang National Democratic Front of the Philippines sa mahahalagang aral nito at sa pangangailangang lubusin ang mga nakamit nito sa pamamagitan ng pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Kinilala ni Elias Dipasupil, pangkalahatang kalihim ng NDFP, ang natatanging papel ng pag-aalsang EDSA sa kasaysayan ng mamamayang Pilipino. Binuo nito ang pagkakaisa ng iba’t ibang grupo, mula sa sinsero hanggang sa may sariling adyenda, para patalsikin ang isang diktador. Ang lawak at pagkakaiba-iba ng mga pwersa ang nagbigay dito ng lapad at lakas, pero ito rin ang dahilan kung bakit naging bulnerable ang kinahinatnan ng pag-aalsa sa distorsyon at kooptasyon.

Matapos ang halos apat na dekada, nananatiling lubog sa kahirapan ang bansa, pinaghaharian ng mga burukratang kapitalista at kanilang imperyalistang amo. Nakabalik na sa Malacañang ang pamilyang Marcos at namamayagpag sa kapangyarihan. Nitong nagdaang dalawang taon lamang, siyam na kaso kaugnay sa nakaw nilang yaman ang napabasura sa Sandiganbayan. Nadagdagan na rin ang kanilang nakopong pondo ng mamamayan sa anyo ng intelligence and confidential funds, unprogrammed funds, Maharlika Investment Fund at marami pang katulad na daluyan ng korapsyon.

Gayunpaman, nananatiling makabuluhan ang pag-aalsang EDSA at mga aral nito sa paglaban sa tiraniya. Mahalagang paalala ang pag-aalsa sa pangangailangan ng masikhay at puspusang pagmumulat at pag-oorganisa. Hindi napatalsik ang diktador sa tatlong araw lamang noong 1986. Sa 14 taon bago ito, ipinundar sa kalunsuran ang mga lihim na organisasyon hanggang kinaya ng mamamayan na maglunsad ng papalaking hayag na pagkilos para basagin ang teroristang lagim. Sa kanayunan, inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan ang armadong paglaban para labanan ang matinding militarisasyon, kaakibat ang mga pakikibakang magsasaka para isulong ang kanilang hinihinging tunay na reporma sa lupa.

Higit sa lahat, mahalagang aral ang pangangailangang lubusin ang karanasan ng pag-aalsang EDSA laban sa tiraniya hanggang makamit ang rebolusyonaryong pagbabago at pagbubuo ng isang tunay na demokratikong gubyernong bayan na hinahangad ng mamamayan.

Pagsasabuhay sa diwa ng EDSA

Noong Pebrero 25, sa mismong anibersaryo ng pag-aalsang EDSA, nagtipon ang 10,000 sa paanan ng Our Lady of EDSA shrine sa Mandaluyong City sa Metro Manila. Nagsanib pwersa sa pagtitipong ito ang Tama Na Alliance, Bagong Alyansang Makabayan, One Taft Alliance, Duterte Panagutin Network, estudyante, manggagawa, taong simbahan at marami pang iba.

Nagkaisa sila para mariing ipaabot sa rehimeng Marcos ang kanilang panawagan laban sa korapsyon at kawalang pakundangan. Gayundin, ipinanawagan nila ang kagyat na pagpapatalsik kay Sara Duterte, ang bise-presidente ni Ferdinand Marcos Jr.

Nagkaroon ng katulad na mga protesta sa syudad ng Baguio, Tuguegarao, Naga, Bacolod, Iloilo, Roxas, Capiz, Cebu at Davao na nilahukan ng mga myembro ng lokal na organisasyon sa ilalim ng Bayan at progresibong partido tulad ng Bayan Muna at Kabataan Partylist.

Mahigit 70 paaralan ang nagdeklara ng walang pasok para bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante, guro at mga akademiko na lumahok sa iba’t ibang aktibidad sa paggunita ng pag-aalsa.

Sa Metro Manila, daan-daang estudyante ang nag-walk-out sa kanilang mga klase, kabilang ang mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines.

Nag-walk-out din ang mga estudyante ng UP-Los Baños at Cavite State University, habang nagkaroon ng pagtitipon sa loob ng Southern Luzon State University sa Lucban, Quezon at Bulacan State University. Sa Visayas, nagkaroon ng walk-out sa UP-Tacloban at pagkilos sa University of Eastern Philippines sa Catarman, Samar.

Sa Mindanao, nagkaroon ng pagtitipon sa loob ng kampus ng Ateneo de Davao University, Ateneo de Zamboanga University at Xavier University sa Cagayan de Oro City.

Panghawakan ang mga aral ng pag-aalsang EDSA