Fact-finding mission sa Mindoro Pagtindig para sa masang Mindoreño
Matapang na sinagupa ng iba’t ibang mga grupo, kabilang ang Karapatan-Southern Tagalog, ang harap-harapang panggigipit at karahasang militar ng 203rd IBde para maisagawa ang isang fact-finding mission (FFM) sa isla ng Mindoro noong Pebrero 23 hanggang Marso 1.
Layunin ng tim na alamin ang kalagayan ng masang Mangyan at magsasaka na sinasaklot ng militarisasyon at teroristang paghahari ng militar. Hindi bababa sa 10 batalyong pangkombat ng militar ang nakapakat sa Mindoro para sa kampanyang “kontra-insurhensya.” Sa kanilang imbestigasyon, naitala nila ang samutsaring paglabag ng militar sa internasyunal na makataong batas, na nagbibigay-proteksyon sa mga sibilyan sa mga lugar kung saan may armadong sigalot.
Partikular na tinungo ng tim ang bayan ng Pola, Bulalacao at Mansalay sa Oriental Mindoro kung saan naiulat ang serye ng mga paglabag sa karapatang-tao kasunod ng mga engkwentro ng 203rd IBde sa Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro noong Pebrero. Pagkarating pa lamang ng tim sa isla, nakapataw na ang hindi deklaradong batas militar sa mga barangay.
Sa Pola, hinarang at hindi pinayagan ang tim na makapasok sa tatlong binulabog na mga barangay. Pinalabas ang mga upisyal na nasa maayos na kalagayan ang komunidad. Pero sa panayam sa mga residente, napag-alaman ng tim ang ligalig na idinulot sa mga residente sa isinagawang istraping mula sa ere ng militar matapos ang 3-oras na palitan ng putok. Dahil dito, natulak silang magbakwit. Isang ina at kanyang 3-buwang gulang na sanggol ang labis na natroma.
Matapos ang insidente, pinulong ng militar ang mga upisyal ng barangay para ipatupad ang lockdown sa mga komunidad. Nagpataw sila ng curfew at pagrerekisa, at pinagbanataang kakasuhan ang sinumang hindi sumunod sa utos.
Ginawang baraks ng mga sundalo ang paaralan sa komunidad at nagtayo ng mga tsekpoynt. May mga magniniyog na iligal na inaresto at inakusahang mga Pulang mandirigma. Napilitan ang mga sundalo na palayain sila matapos mapatunayang mga residente sila sa lugar. Malaki ang nalugi sa mga magkokopras dahil pinagbabawalan o natatakot silang maghanapbuhay. Mataas pa naman sana ang bilihan ng kopras. Maging ang mga resort ay pinagbawalang tumanggap ng turista. Samantala, isang linggong walang pasok ang mga eskwelahan sa dalawang barangay.
Reklamo ng mga residente, sa ilang araw na paghihigpit ng mga sundalo ay wala man lamang silang natanggap na anumang kumpensasyon o tulong mula sa estado.
Katulad na sitwasyon rin ang napag-alaman ng tim sa dalawang barangay sa Bulalacao. Kasabay ng pakikipanayam sa mga residente, namahagi sila ng mga polyeto na naglalaman ng kalagayan ng karapatang-tao sa isla ng Mindoro.
Naglunsad ang tim ng Basic Human Rights Orientation sa mga katutubong Mangyan-Hanunuo para ipabatid ang kanilang mga batayang karapatan at maprotektahan ang kanilang sarili sa panahon ng panliligalig ng militar.
Sa Mansalay, kinapanayam ng tim ang mga residente ng isa sa mga apektadong barangay. Bago lisanin ang isla, nagsagawa ang tim ng candle lighting at pag-aalay ng panalangin sa isang simbahan sa Calapan.
Sa kasagsagan ng FFM, hinaras at sinaktan ng dawalang tauhan sa paniktik ng militar ang tatlong kalahok ng tim habang nagpapahinga. Hinatak sa braso ang isa habang inambahan naman ang dalawa at nagtangka pang batuhin ng dalawang ahente ang tim. Sa buong panahon, walang lubay ang paniniktik sa kanila ng mga tauhan ng militar.
Sa harap ng mga pagsubok na ito, matagumpay na nakapag-ulat ang FFM sa publiko ng resulta ng kanilang imbestigasyon noong Marso 5 sa Quezon City. Pangako ng tim, babalik sila sa isla ng Mindoro sa susunod pang mga pagkakataon para patuloy na ipagtanggol ang karapatan ng masang Mindoreño.
Sa araw mismo ng kanilang pag-alis noong Marso 1, naiulat ang panibagong serye ng aerial strafing at pambobomba ng 203rd IBde sa Mansalay, Oriental Mindoro. Sa ulat ng mga residente, dalawang beses nagpaulan ng bala ang dalawang helikopter na Blackhawk sa tatlong magkakatabing sityo sa Barangay Panaytayan. Nagdulot ito ng panibagong ligalig sa mga sibilyan. Pinabulaanan ng lokal na yunit ng Bagong Hukbong Bayan na may tinamaang yunit sa lugar ng pinaulanan ng bala.