Sibilyang magsasaka, pinaslang ng 82nd IB sa Capiz sa pekeng engkwentro

,

Pinaslang sa pamamaril ng mga tropa ng 82nd IB sa Barangay Minan, Tapaz, Capiz noong Pebrero 26 ang magsasakang si Peter Agudes, kilala rin bilang “Tito.” Dalawa pa niyang kasamahan ang nasugatan. Pinalalabas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na napatay si Agudes sa armadong engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Mahigpit na pinasinungalingan ni Perla Agudes, asawa ng biktima, na mga Pulang mandirigma ang tatlo. Hustisya at patas na imbestigasyon ang panawagan ng pamilya. Nakatira ang pamilyang Agudes sa Sityo Taroytoy, Barangay Manica, Libacao, Aklan. Naulila ni Peter ang kanyang tatlong anak na edad 10, 13 at 16 taong gulang.

Masaker. Walang-awang minasaker ng mga sundalo ng 26th IB ang mag-anak na Toto Gomansil, Toni Gomansil at kanilang anak na si Celine Gomansil sa Dayuman River, Barangay San Vicente, Esperanza, Agusan Del Sur noong Disyembre 15, 2024. Ilang buwan matapos ang karumal-dumal na krimen ay wala pa ring hustisya at napapanagot sa masaker.

Bago ang krimen, nagpaalam pa ang pamilya Gomansil sa mga sundalong nakadeploy sa malapit na detatsment para magtrabaho sa kanilang sakahan. Sa kabila ng kanilang “pagpapaalam,” sinundan sila ng mga sundalo at iginapos ang mag-asawang Toto at Toni. Ipinailalim sila sa matinding interogasyon bago tinaga at pinaslang. Si Celine ay pinagbabaril naman ng mga sundalo nang tumakbo. Pinaratangan silang nakikipag-ugnayan sa BHB at rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya.

Terorismo sa himpapawid. Troma at takot ang idinulot ng istraping ng mga helikopter ng militar sa mga barangay ng La Paz, Agusan del Sur at Cabanglasan, Bukidnon noong Marso 4. Sa pagdadahilang suporta ito sa pag-atake ng AFP laban sa hukbong bayan, walang patumanggang namaril ang mga helikopter na nakaapekto sa mga sibilyan. Nagpadala rin ang mga sundalo ng FA50 fighter jets na may kargang 250-lb o 500-lb mga bomba na gagamitin sana ngunit napaatras nang nawala ang isa sa tatlong jet fighter.

Sibilyang magsasaka, pinaslang ng 82nd IB sa Capiz sa pekeng engkwentro