Koresponsal Makibaka para mabuhay!

,

Dahil pakyawan sa plantasyon ng kapehan, tulung-tulong sa pag-ani ng kape ang pamilyang Lupao. Kailangang mabilis na tapusin ni Lydia, ng kanyang asawa at tatlo nilang anak ang 7-ektaryang kapehan. Kinakaharap ni Lydia ang bantang matanggal siya sa listahan ng 4Ps kung hindi niya ibabalik sa eskwelahan ang mga anak na katulong nila sa kabuhayan.

Pinag-aaplay naman muli si Tess sa kanyang kampanyang pinapasukan ng halos dalawang taon bilang mananahi. Ito ang tugon ng manedyer sa kanya matapos siyang humingi ng maternity leave para sa panganganak sa susunod na buwan. Labis ang pangamba ni Tess na mawalan siya ng hanapbuhay, lalo’t magiging solong magulang siya.

Nasunugan naman sina Rosario, nanay ng 6-taong paslit at 1-taong sanggol. Ang tingin ng mga myembro ng kanilang maralitang samahan, sinadya ang sunog para palayasin sila sa komunidad. Nabubuhay lamang ang kanyang mag-anak sa kakarampot na kita ng asawa niyang pumapasada ng pedikab. Nakasilong sila sa evacuation center na binabaha tuwing bumabagyo.

Isang masahista si Kris, isang transgender, sa isang maliit na spa. Sa nakakaubos lakas na trabaho niya, wala sa minimum na sahod ang suma tutal ng kumisyong isinasahod ng kanyang amo. Sagot niya ang bayarin sa SSS at Philhealth. Walang ibinibigay na proteksyon sa kanya kahit ilang beses na siyang nangamba sa mga kliyenteng humihingi ng “espesyal na serbisyo.”

Ito ang iba’t ibang mukha ng kababaihang Pilipino. Hindi mapagkakaila ang tindi ng iniinda nilang hirap at sakripisyo. Kayod kalabaw nilang itinatawid ang kanilang mga pamilya pero mayorya sa kanila ay itinuturing na “hindi produktibo.” Mahigit kalahati sa kababaihan ay hindi ibinibilang sa “pwersa ng paggawa.” May mga batas at programang pangkababaihan na magandang pakinggan pero sadyang walang ngipin at walang saysay sa harap ng malawakang kalapastanganan dinaranas ng mga kababaihan.

Sa buong daigdig, dumaranas ang kababaihan ng dobleng kaapihan sa harap ng malawakang disempleyo at mababang sahod. Mas marami ang mga babaeng walang hanapbuhay. Tumatanggap sila ng mas mababang sahod kumpara sa mga lalaking manggagawa. Mas mapaminsala ang hambalos sa kanila ng delubyo ng climate change at mga digmaan. Tumitindi ang dinaranas nilang karahasan sa human trafficking, pornograpiya, prostitusyon, bentahan ng bata, kabilang ang dumadaan sa social media at iba pa.

Ang dinaranas na kaapihan ng kababaihan ay lalo pang matindi sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Nakapatong sa pundamental na suliranin ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, dagdag na kinakaharap ng mga kababaihang Pilipino ang iba’t ibang mga porma ng pyudal at burges na patriyarkal na sistema.

Sa harap ng umaalimpuyong krisis sa ekonomya, pulitika at kultura, nasaan dapat ang kababaihan? Sa gitna at unahan ng pagsusulong ng rebolusyong tunay na babago sa kanilang kalagayang pinagsasamantalahan at inaapi. Ito ang pinatunayan ng ilang dekada ng praktika ng rebolusyonaryong kilusang kababaihan sa Pilipinas sa pangunguna ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) na ginagabayan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ipinakita ng Makibaka na kabilang sa hanay ng rebolusyon ang kababaihan, pati na ang mga LGBTQ, at maging ang mga bata.

Sa kanayunan, ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika ay itinatayo na mahigpit na katuwang ang kababaihan sa pamamagitan ng mga lokal na balangay ng Makibaka. Hindi matatawaran na sa pag-abante ng papel ng kababaihang magsasaka sa pulitika, bitbit nito ang mga pang-ekonomyang ganansya ng mga lusong (bayanihan), samahan sa sakahan at mga kooperatiba. Maging sa aspetong kultural ay pinalalaganap nito ang demokratisasyon sa loob ng pamilya, maka-masang paggagamot at pagpapakilos sa mga bata para sa alternatibong kultura at edukasyon.

Sa kalunsuran, isinusulong ng MAKIBAKA ang paggigiit sa mga demokratikong kahingian, kapakanan at karapatan ng kababaihan, bata at LGBTQ sa kilusang masa. Puspusang nilalantad at nilalabanan ang kabulukan, kainutilan at pasismo ng naghaharing sistema dahil sa masikhay na pag-ambag ng kilusang kababaihan sa mga pagawaan, paaralan, komunidad, upisina, simbahan at kung saan pang lugar kung saan naroon ang kababaihan. Iniaambag nila ang kanilang tinig sa sigaw ng sambayanan para sa pambansang kalayaan mula sa dayuhang paghahari at pang-aapi.

Nais ng imperyalismong US na sagkaan ang paglahok ng kababaihan sa rebolusyon at sapawan ang diwang mapanlaban ng kilusang kababaihan. Gamit ang USAID, World Bank, Asian Development Bank, United Nations at iba pang instrumento, pinakukulo at itinutulak ang mga programang gumagamit ng mga mabubulaklak na salitang “inclusion,” “safe spaces,” at “peace zones para sa mga bata.” Layunin ng mga “adbokasiyang” ito na labusawin ang usapin ng pambansang pang-aapi at maka-uring pagsasamantala bilang ugat ng dinaranas na kaapihan ng mga kababaihan, ilayo sila sa reboluyonaryong landas ng pagbabago at dalhin sila sa landas ng repormismo, ligalismo at NGOismo.

Sa harap nito, dapat lalong ipakita sa malawak na masa ng kababaihan na ang kanilang paglaya mula sa iba’t ibang anyo ng pang-aapi ay matatamo lamang sa larangan ng armadong pakikibaka. Sa nagdaang ilang dekada, binagtas ng kababaihang Pilipino ang landas ng armadong rebolusyon, at nag-ambag ng talino at buhay bilang mga Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan at mga lider at kadre ng Partido.

Tulad nina Lydia, Tess, Rosario at Kris, naghihintay ang malawak na hanay ng kababaihan na angkinin ang kanilang lugar sa rebolusyon. Higit na kritikal ngayon sa kababaihan, lalo na ng kababaihang anakpawis, ay magpursige sa pagmumulat, pag-organisa at pakikibaka. Kailangang mahigpit na tanganan ang mga prinsipyo ng rebolusyonaryong kilusang kababaihan at iwagayway ang bandera ng pambansa-demokratikong kilusan.

Makibaka para mabuhay!