Proyektong offshore wind farm, para sa interes ng dayuhang korporasyon
Sa Agosto 27, gaganapin ang ika-limang Green Energy Auction ng Department of Energy (DoE). Dito mag-aalok ang mga kumpanya sa enerhiya ng mga panukala para makakuha ng kontrata sa DoE. Ito ang unang auction na para lamang sa mga proyektong offshore wind farms (OSW).
Ang OSW ay kulumpon ng mga turbina na itinatayo sa dagat upang lumikha ng kuryente mula sa malakas na hangin sa ibabaw ng tubig. Dalawa ang klase nito, ang nakalutang na turbina at nakatayo sa ilalim ng dagat.
Noon pang 2019, mariin nang itinutulak ng World Bank ang pagtatayo ng OSW sa Pilipinas. Noong 2022, inilabas nito ang “Offshore Wind Roadmap for the Philippines,” isang komprehensibong gabay sa kung paano ipatutupad at pauunlarin ang OSW sa bansa. Isa sa mahigpit nitong rekomendasyon ang pagpapahintulot sa 100% dayuhang pamumuhunan at pagpapabilis sa proseso ng aplikasyon nito.
Ayon sa institusyon, may potensyal ang bansa na makapaglikha ng 178 gigawatts (GW) ng kuryente mula sa proyektong OSW. Maaari ring makalikha ng hangggang 40GW ng kuryente sa dalampasigan ng Northwest Luzon, Manila, Northern Mindoro, Southern Mindoro, Guimaras Strait at Negros/Panay West.
Agad na sumunod ang gubyerno ng Pilipinas sa mga rekomendasyon ng World Bank. Noong Abril 19, 2023, naglabas ang rehimeng Marcos ng ehekutibong kautusan sa pagbubuo ng patakaran at administratibong balangkas para rito. Kabilang sa iniutos ng rehimen ang pagpapabilis at pagpapasimple sa pag-apruba sa mga permit para sa mga proyekto. Naglabas din ng kautusan ang DoE na nagpapahintulot sa mga dayuhang kumpanya na 100% na magmay-ari sa mga proyektong renewable energy (RE) sa bansa.
Noong Agosto 2024, 92 kontrata ng OSW ang inaprubahan ng DoE. Target ng rehimeng Marcos na makapagtayo ng unang proyektong OSW pagsapit ng 2028 at makapagtayo ng dagdag na 150 na malalaking OSW sa 2040.
Upang agresibong itulak ang OSW sa bansa, naglaan ng pondo at teknikal na tulong ang mga internasyunal na institusyon. Noong 2024, nagbigay ng $400,000 ang Asian Development Bank sa gubyerno para sa pagpapaunlad ng mga pantalan bilang suporta sa konstruksyon ng mga OSW, habang nagpautang ang World Bank ng $800 milyon noong Marso 2025 para sa pagpapabilis ng paglipat ng bansa tungo sa “berdeng enerhiya.”
Epekto sa kalikasan
Malaki ang epekto sa kalikasan ng pagtatayo ng OSW, partikular sa mga hayop sa kagubatan at dagat. Ang konstruksyon at operasyon ng mga turbina ay magpapalayas sa mga isda at hayop sa dagat tulad ng mga dolphin, dugong, pating, pawikan, at iba pa na maituturing nang nanganganib. Masisira ang mga koral o tirahan ng mga isda at bababa ang kalidad ng tubig na syang magdudulot ng pagkawala at/o pagkamatay ng mga isda tulad ng tilapia, bangus, hipon, tahong at iba pa. Ang mga ito ang pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay ng mga mangingisda.
Ang mismong presensya ng turbina ay magpagpapalayas at magdudulot din ng panganib sa mga ibong migratoryo at paniki dahil sa pagkabangga sa mga turbina, ingay at pagkagambala sa kanilang tirahan at pinagkukunan ng pagkain. Ayon sa datos, milyun-milyon nang paniki at ibon ang namatay sa buong mundo dahil dito.
Epekto sa kabuhayan ng mamamayan
Ilan sa pinakamapinsalang proyektong RE sa bansa ang planong OSW na itatayo sa San Miguel Bay sa Camarines Sur at Camarines Norte at sa Pagudpud, Ilocos Norte, na parehong pagmamay-ari ng Copenhagen Infrastructure Partners, kumpanyang nakabase sa Denmark.
Saklaw ng proyektong 1GW na OSW ang 23,307 ektaryang baybayin sa apat na bayan ng Camarines Sur, at isang bayan sa Camarines Norte. Tinatayang nasa 6,000 mangingisda ang mawawalan ng hanapbuhay dahil sa proyekto. Kasosyo ng kumpaya ang Acen Corp. ng Ayala Group sa proyekto. Maliban sa Copenhagen, may anim pang proyektong OSW ang nakatakda ding itayo sa naturang baybayain.
Sa Ilocos Norte, aabot sa 6,339 rehistradong mangingisda mula sa apat na munisipyo ang maaapektuhan ng 2GW BuhaWind Floating Windmill. Hindi pa kasama dito ang hindi rehistradong mga mangingisda. Sa konstruksyon, hindi papayagang makapalaot ang mangingisda sa naturang erya sa loob ng tatlong taon. Pagkatapos ng konstruksyon ay pagbabawalan ang mga mangingisda na lumapit sa loob ng 50 metrong radius sa palibot ng mga turbina. Kasosyo ng Copenhagen sa proyekto ang PetroGreen Energy Corporation na pag-aari ng pamilyang Yuchengco.
Ang Copenhagen ang unang dayuhang kumpanya na 100% namuhunan sa OSW. Noong 2023 nakakuha ang kumpanya ng 25 taong service contract para sa pagpapagana sa proyektong OSW sa Camarines Norte at Sur, Pangasinan at Northern Samar.
Paglaban ng mamamayan
Noong Abril 22, nasa 200 mangingisda mula sa grupong Tanggol San Miguel Bay Network ang nagmartsa mula Sabang Fishport patungo sa People’s Park sa Calabanga, Camarines Sur upang kundenahin ang planong konstruksyon ng San Miguel Bay Offshore Windmill Project.
Aktibong tinututulan ng grupong Saluadan Network to Defend the Environment and Livelihood, ang panukalang Buhawind Wind Farm sa Ilocos Norte. Ilang beses na naglunsad ng fluvial protest ang grupo katuwang ang mga taong-simbahan sa rehiyon. Naglunsad din ng online petition ang grupo para dito.