Editoryal

Palagablabin ang landas ng digmang bayan

, ,

Nagpupugay ang buong Partido at lahat ng rebolusyonaryong pwersa sa buong bansa sa kabayanihan ng 10 Pulang mandirigmang nabuwal sa pakikipaglaban sa mga pasistang sumalakay sa Toboso, Negros Occidental noong Abril 19. Tumatangis ang taumbayan sa pagkasawi ng kanilang mabubuting anak na walang pag-iimbot na nag-alay ng buong buhay para sa kapakanan ng masang api sa Negros at sa pakikibaka ng buong bayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Namimighati rin sila sa kamatayan ng siyam na iba pang hindi armadong indibidwal, kabilang ang dalawang bata, na walang-habas na pinatay ng mga buhong na sundalo ng 79th IB. Kasama sa kanila ang mga kabataan mula sa mga lungsod at ibang bansa na nagtungo sa Toboso para sumuporta sa masang magsasaka at manggagawang-bukid sa kanilang mga pakikibaka para sa pagtatanggol ng kanilang mga karapatan sa lupa at kabuhayan.

Kasama ang mga mahal sa buhay ng mga nasawi sa Toboso, umaalingawngaw ang sigaw ng taumbayan para sa katarungan. Habampanahong nakakintal sa kamalayan ng buong sambayanan ang alaala ng buhay ng pinakamahuhusay at pinakamabubuting anak ng bayan.

Ipinamalas ng malawak na masa ng Negros ang kanilang pag-ibig at pagkalinga sa nabuwal nilang mga Pulang mandirigma nang—sa kabila ng paninindak ng mga pasistang sundalo—daan-daan nilang mga kababaryo ang sumama sa paglilibing. Ang gayong pagpapakita ng pagmamahal sa BHB ay lalong nagpapatibay sa determinasyon ng mga Pulang mandirigma na ipagpatuloy ang kanilang pagsasakripisyo upang buong-pusong paglingkuran ang malawak na masa ng sambayanan.

Dumanas ng mabigat na pinsala ang BHB sa Toboso. Gayunman, ito ay pansamantala at mapangingibabawan ng masa at hukbong bayan, sa pamamagitan ng paghalaw ng mapapait na aral. Sa alaala ng mga martir na nabuwal sa Toboso, higit pang matatag ang determinasyon ng BHB na patuloy na magpunyagi sa pagbagtas sa maningning, bagaman mahirap at pasikot-sikot na landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Buo ang kapasyahan ng BHB na kumilos upang kamtin ang katarungan para sa mga biktima ng masaker sa Toboso at para sa libu-libo pang biktima ng pasistang panunupil ng AFP sa Negros at lahat ng panig ng bansa. Mula sa lupang diniligan ng dugo ng mga martir ng Toboso ay uusbong ang higit na mas marami pang magbabangon at magsasandata sa iba’t ibang sona at larangang gerilya sa buong bansa.

Madilim mang kabanata ang masaker ng Toboso, naanigan nito ng liwanag ang lalong sumasahol na kalagayan, ang nagpapatuloy na pyudal na pang-aapi, pasistang karahasan ng estado, at labis na pagdurusa na masang magsasaka at manggagawang-bukid sa Negros, na siyang mga dahilan kung bakit patuloy silang nagbabangon at nagsasandata. Lalong tumingkad ang mga dahilan kung bakit dapat isulong ang armadong rebolusyon para magtanggol ang masa laban sa mapang-aping mga naghaharing uri at kanilang mga pasistang manggagahis.

Lalo nitong pinag-alab ang hangarin ng mas marami pang kabataan, lalo’t higit ang mga kabataan sa kanayunan na tuwirang dumaranas ng pang-aaping pyudal at pasistang karahasan, na sumapi sa hukbong bayan, at mag-ambag sa pakikibaka ng bayan para sa pambansa at panlipunang paglaya. Pinupukaw din nito ang mga kabataang intelektwal sa kalunsuran na magtungo sa kanayunan upang matuto sa masa at lumahok sa pagsusulong ng digmang bayan.

Sa buong bansa, matatag na bumabawi ng lakas ang BHB. Patuloy na pinalalapad at pinararami ang mga sona at larangang gerilya, upang maggawaing masa at maglunsad ng mga taktikal na opensiba. Saanmang dako nagpapalawak sa kanayunan, mainit na sinasalubong at mahigpit na niyayakap ang mga Pulang mandirigma ng masang masidhing-masidhi ang pagnanais na lumaban para ipagtanggol ang kanilang interes at mga karapatan. Batid nilang ang BHB ay sandata nila laban sa mga uring nang-aapi at nagsasamantala sa kanila. Sabik na sabik silang lumahok sa digmang bayan bilang mga pwersang pansariling pandepensa sa baryo, bilang milisya o bilang mga kawal ng hukbong bayan.

Napakatalim ng tunggalian ng mga uri sa kanayunan. Sumasahol ang anyo ng pang-aapi ng mga panginoong maylupa sa pang-aangkin ng yamang nililinang ng mga magsasaka. Laganap ang mga kaso ng pang-aagaw ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka, gayundin ang pagkakait sa mga mamamalakaya ng kanilang mga pinangingisdaan. Walang lubay ang pandarambong at pangwawasak sa kapaligiran ng mga kumpanya sa pagmimina o mga plantasyon ng malalaking kapitalistang dayuhan at burgesyang komprador. Kung saan tumututol ang masa sa pang-aapi, ipinapataw ang batas militar upang supilin ang kanilang paglaban.

Para sa masang api, ang armadong pakikibaka ay makatarungan at kailangan. Maipagtatanggol lamang nila ang kanilang buhay at kabuhayan sa pamamagitan ng pagsasandata at paglaban.

Ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka ang pangunahing anyo ng pakikibaka sa pagsusulong ng matagalang digmang bayan para wakasan ang mapang-api at mapagsamantalang naghaharing sistema. Isinusulong ang armadong pakikibaka kaakibat ang iba’t ibang anyo ng paglaban ng bayan, hayag at lihim, ligal at iligal, sa kalunsuran at kanayunan. Ang digmang bayan ay isang digmang magsasaka dahil pangunahin itong nakatuon sa pagpapatupad ng rebolusyonaryong programa para sa reporma sa lupa.

Isa ring patriyotikong digma ang digmang bayan na naglalayong labanan at ibagsak ang neokolonyal na estado at ang AFP na bayaran ng imperyalismong US. Higit ito ngayong kailangang isulong sa harap ng imperyalistang panggegera ng US at ibinubunsod nitong masidhing krisis sa Pilipinas. Kasabwat ang papet na rehimeng Marcos, sinasaklot ngayon ang buong bansa ng pwersang militar ng US at mga alyado nitong imperyalistang kapangyarihan, para gawing lunsaran ng imperyalistang gera. Inilalatag ngayon ang daan para solong kamkamin ng mga monopolyo kapitalistang Amerikano ang lupa at mineral ng bansa.

Higit ngayong lumilinaw sa sambayanang Pilipino na walang ibang daan tungo sa katubusan mula sa imperyalistang paghahari at pandarambong, kundi ang landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Palagablabin natin ang landas ng digmang bayan. Paalingawngawin ang panawagan sa mga kabataang manggagawa, magsasaka at mga intelektwal sa kalunsuran, maging sa labas ng bansa, na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. Paalingawngawin ang sigaw na lumahok sa pag-ukit ng bagong kasaysayan tungo sa malaya at maaliwalas na kinabukasan ng bansa.

Palagablabin ang landas ng digmang bayan