30,000, nagprotesta noong Mayo Uno
Dumagundong sa mga lansangan sa buong bansa at maging sa ibayong-dagat ang protesta at pagkilos ng mahigit 30,000 Pilipino noong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Militante silang nanindigan para sa umento sa sahod, pagbaba ng presyo ng langis at mga bilihin, at pagwakas sa gerang agresyon ng US-Israel sa Iran.
Sa Maynila, nagmartsa ang libu-libong manggagawa at anakpawis patungong Mendiola. Pinangunahan ang pagkilos ng National Wage Coalition na binubuo ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Bukluran ng Manggagawang Pilipino, Nagkaisa Labor Coalition, at Trade Union Congress of the Philippines. Nakiisa rin sa martsa ang Labor Consultative Assembly na binuo ng Caritas Philippines, Laban Manggagawa at iba pang grupo. Dahil sa pinalibutan ng libu-libong pulis ang Malacañang, napilitan ang mga manggagawa na magprograma na lamang sa interseksyon ng Nicanor Reyes at Recto Avenue. Matapos nito, pinangunahan ng KMU ang martsa patungo sa embahada ng US. Nanawagan sila na agad wakasan ang gerang agresyon ng US-Israel sa Iran na nagdudulot ng walang-kapantay na krisis sa Pilipinas at buong mundo.
Sa labas ng Metro Manila, nagkaroon ng mga pagkilos sa pangunguna ng KMU sa mga syudad ng Baguio, Angeles, Calamba, Legazpi, Tacloban, Cebu, Iloilo, Bacolod, at Davao, at mga sentrong bayan sa Zambales, Bataan, Bulacan, Cavite, Aklan, Capiz, Iloilo City, at Dinagat Islands. Sa ibayong-dagat, pinamunuan ng Migrante ang protesta ng mga migranteng manggagawang Pilipino sa pitong syudad sa US, Canada, United Kingdom, France, the Netherlands, Germany, Italy, Hong Kong, South Korea, at Japan.