Mga protesta

,

 

Tigil pasada at protesta ng Piston. Noong Abril 21, muling ikinasa ng Piston ang malawakang tigil pasada at protestang bayan laban sa gera at kahirapan. Itinayo ang mga sentro ng protesta sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Iloilo, at Cebu.

Paglaban sa pagpapalayas sa mga manininda sa Davao City. Nanindigan at nakipaggitgitan ang mga manininda sa Bankerohan Public Market sa Davao City laban sa marahas na pagpapalayas ng mga pulis at lokal na gubyerno ng Davao City noong Abril 29. Kinumpiska ang mga produkto ng mga manininda sa kabila ng pagbabayad araw-araw ng upa.

Protesta kontra demolisyon sa Cavite. Nagprotesta noong Mayo 4 ang mga residente ng Barangay Talaba II, Bacoor City, Cavite upang kundenahin ang planong demolisyon sa mahigit 100 kabahayan sa komunidad. Pinalalayas sila para sa 420 ektaryang proyektong reklamasyon ng Frabelle Fishing Corp.

Pagtutol sa planong pagmimina sa Camarines Norte. Dismayado ang mga residente ng Paracale, Camarines Norte sa naganap na pampublikong konsultasyon noong Abril 23 para sa planong open-pit mining sa 321.46 ektaryang lupain sa lugar. Kaharap ng mga residente sa konsultasyon ang Golden River Mining Corporation at mga kinatawan ng gubyerno na hindi maayos na tumugon sa kanilang mga hinaing.

Dayalogo sa CHR-Region 5. Nagprotesta at nakipagdayalogo ang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa Bicol sa mga kinatawan ng Commission on Human Rights (CHR)-Region 5 sa Legazpi City, Albay noong Abril 28. Hinimok nila ang ahensya na gumawa ng mga kaukulang aksyon hinggil sa tumitinding red-tagging at terror-tagging sa Bicol.

Mga protesta