Pax Silica at Economic Security Zone Pagtatayo ng industriya sa militar ng US sa bansa
Noong Abril 16, pumirma ang Pilipinas sa deklarasyong Pax Silica, isang kaisahan na binuo ng US na naglalayong buuin ang linya ng suplay ng kritikal na mga mineral para sa militar nito.
Ang Pax Silica ay binuo noong Disyembre 2025 bilang koalisyon ng 13 bansa para sa “pagpapaunlad ng kooperasyon” sa pagmimina ng mga kritikal na mineral at rare earth ng US sa iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas. Pakay nitong labanan ang lakas at kontrol ng China sa suplay ng rare earth at kritikal na mineral sa mundo.
Mahahalagang sangkap ang mga mineral at elementong ito sa paggawa ng mga teknolohiya sa likod ng mga sasakyang de kuryente, baterya, kagamitang militar at marami pang iba. Ang China ang may kontrol sa 90% sa pagproseso ng rare earth at dito rin matatagpuan ang 70% ng rare earth at kritikal na mineral sa mundo.
Economic security zone
Karugtong ng pagpasok ng Pilipinas sa Pax Silica, lumagda sa kasunduan noong Abril 18 ang mga mataas na upisyal ng US State Department at ang Department of Trade and Industry para sa pagtatayo ng 1,619 ektaryang “economic security zone” sa Clark Airbase sa Pampanga. Itinuturing ito na bahagi ng Luzon Economic Corridor.
Ayon sa mga upisyal ng US, ang sona na ito ay magiging teritoryo ng US na may “diplomatic immunity” o kaparehong proteksyon na iginagawad sa embahada ng US sa bansa at pangangasiwaan sa ilalim ng batas ng US. Wala din babayarang upa sa lupa ang US sa unang dalawang taon, na maaring palawigin tungong 99 taon. Kahalintulad ng mga base militar, ligtas sa pananagutan at kaparusahan ang mga tauhan nito sa bansa sakali mang may magawa silang krimen.
Itinanggi ng mga upsisyal ng DTI at Bases Conversion and Development Authority noong Abril 24 na naglalaman ang kasunduan ng probisyon na magpapawalang-bisa sa soberanya ng Pilipinas sa lupang sasaklawin ng sona.
Ayon sa gubyerno ng US, ang naturang sona ang kauna-unahang “sentro para sa pagpapabilis ng pamumuhunan na nakatuon sa artificial intelligence.” Layon ng sona na pag-ugnayin ang mga industriya ng mga bansang kasosyo ng US mula sa iba’t ibang kontinente. Mula sa pagmimina ng mineral, pagproseso ng mga ito para maging piyesang elektroniko hangang sa pag-asembol para sa mga gamit militar ng US—lahat ito ay ipapaloob sa sona.
Epekto sa mamamayan
Ang pagpasok ng Pilipinas sa Pax Silica at pagsang-ayon sa sona ay nagpapakita ng buong pagsuko ng rehimeng US-Marcos sa soberanya ng bansa sa imperyalismong US. Ibinubukas nito ang mga kabundukan at lupaing ninuno sa mas mapaminsalang pagmina para sa interes pang-ekonomya at pangmilitar ng US nang walang sagka at pananagutan. Lalo nitong itinatali at nagiging bahagi ang bansa sa engklabo para sa panggegera ng US.
Taliwas sa ipinagyayabang ng rehimen na makatutulong ang sona para sa “pagpapaunlad” ng industriya ng bansa, pananatilihin nito ang Pilipinas bilang tagasuplay ng hilaw na materyales at mababang halaga ng pagproseso tulad ng pag-asembol, testing at pagpapakete, habang ang ang teknolohiya, kontrol at tubo ay buong hawak ng US.
Mas iigting ang paglawak ng mga minahan sa bansa, pangangamkam ng lupa at pagkasira ng kalikasan. Tataas din ang pangangailangan para sa pagmimina ng nikel, copper, chromite, at cobalt, mga kritikal na mineral na matatagpuan sa Zambales, Palawan, at Nueva Vizcaya—mga prubinsya na matagal nang nasira dulot ng deka-dekadang pagkalbo ng kagubatan, pagkabara ng mga ilog, at polusyon sa mga imbakan ng tubig.
Kalakhan sa mga lugar na ito sa Luzon ay mahahalagang lupang agrikultural at sona ng saribuhay na sumusuporta sa produksyon ng palay, niyog, at iba pang pagkain. Ang pagwasak sa mga ito para bigyang-daan ang pagmimina at pagmamanupaktura ng US ay lalo pang magpapahina sa seguridad sa pagkain.