Balikatan 2026: Papalaking peligro sa mamamayang Pilipino

,

Taun-taon, lalong nagiging peligroso sa mamamayang Pilipino ang Balikatan. Noong Mayo 5, nagpalipad ang US ng isang Tomahawk missile mula sa sibilyang paliparan sa Tacloban City gamit ang Typhon Mid-Range Capability missile system.

Lumipad ang Tomahawk missile nang 48 minuto sa layong 640 kilometro tungo sa target nito sa Laur, Nueva Ecija. Tinaguriang low-level skimming missile ang Tomahawk, kaya may katangian itong “sumasayad sa tereyn” o sumusunod sa kurba ng lupa, o sa kaso ng mga syudad, sa espasyo sa pagitan ng matataas na gusali. Dumaan ito sa ibabaw ng matataong lugar sa tatlong rehiyon, kabilang sa Metro Manila, na iresponsableng naglagay sa panganib sa buhay ng milyun-milyong Pilipino.

Hindi nagbabala ang US at tuta nitong rehimeng Marcos sa mga dadaanan ng misayl, liban sa mga mangingisda sa kalapit na pangisdaan sa Tacloban City na binalaan na “mahigpit na mag-ingat sa pagpapalaot” habang isinasagawa ang operasyong Tomahawk Land Attack Missile mula Mayo 5 hanggang 7. Napalaking hambalos sa seguridad at soberanya ng bansa ang pagpapalipad ng US ng isang “live-track” na misayl nang walang kamuwang-muwang ang mga Pilipino.

Sinasabi ng US na walang peligro ang Tomahawk missile sa mga sibilyan. Gayunpaman, ang katulad nitong misayl ang dumurog sa isang eskwelahan sa Minab, Iran noong Pebrero 28, kung saan nasawi ang mahigit 170, karamihan mga batang babae, sa pinagpipilitan ng US na isang “kamalian” sa programa nito.

Ang paggamit ng paliparan sa Tacloban City ay naaayon sa pagsusubok ng militar ng US sa mga sibilyang pasilidad para sa mga layuning militar na diin ng kasalukuyang Balikatan. Bago nito, ginamit rin ng US ang sibilyang mga daungan ng Cebu at Cagayan de Oro, gayundin ang mga komersyal na barkong ro-ro para sa mabilis na paglilipat ng mga gamit pandigma mula Mindanao tungong Luzon.

Ang Typhon missile system na ginamit sa pagpapalipad ng Tomahawk ay kabilang sa mga gamit pandigma na ipinuslit ng US sa Pilipinas noong 2024 at lihim na itinago sa mga “isinisikretong lokasyon” sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Itinuturing ng China, pati ng Russia, ang naturang missile system bilang opensibong armas at banta sa kanilang seguridad, at nagbabala laban sa presensya nito sa Pilipinas. Ang paglalagak ng di sinasabing bilang ng mga missile launcher sa Pilipinas ay nagpapabilis sa kumpas ng sinusulsulan ng US na imperyalistang gera laban sa China.

Opensibong mga maniobra

Ang pagpapalipad ng Tomahawk ay kabilang sa 500 “pinagsanib na aktibidad” na inilulunsad ng US sa bansa sa 2026. Ayon sa tagapagsalita mismo ng US, kalakhan ng mga aktibidad na ito ay “discreet” o tahimik para itago sa publiko at umiwas na maging “probokatibo.” Nakahabi ang mga ito sa malalaking war games na nilalahukan ng 17,000 tropa ng US, Pilipinas, Japan, France, Canada, Australia at New Zealand. Taliwas sa sinasabi ng US at ng AFP, ang mga war games na ito ay pawang mga opensibong maniobra, at di “pandepensa” sa “sumasalakay na kaaway.”

Kabilang dito ang Multilateral Maritime Exercise at Integrated Air and Missile Defense sa Subic Bay, Zambales noong Abril 20-29. Sa mga operasyong ito, pwersahang pinasok ng mga tropang Amerikano at iba pa ang isang barko ng “kaaway” para agawin ito. Para bigyan-daan ang simulasyon ng panggegera, ipinagbawal ang pagpalaot ng 6,000 mangingisda sa 21 barangay. Halos 10 araw silang pinagkaitan ng kanilang kabuhayan.

Nagsagawa ang US ng mga “coastal defense” sa Palawan at Batanes, gamit ang mga HIMARS at NMESIS. Sa Ilocos Norte, isinagawa ang isang araw na kunwa’y operasyong “counter-landing” laban sa isang “kaaway na sasakyan” gamit ang mga eroplano, helikopter, drone, misayl, bomba, baril at iba pang gamit pandigma sa tinaguriang “Distinguished Visitors’ Event.” Nagmistulang palabas ng mga sandata ang Balikatan kung saan nagpakitang-gilas ang Japan, US, France at Canada sa 17 inimbitahang “obserber” na bansa.

Sa Cagayan, isinagawa ang combined amphibious landing (paglusob mula sa dagat) sa mga bayan ng Abulug, Ballesteros at Aparri gamit ang mga amphibious na sasakyan, barko at eroplano. Ipinagbawal din ang paglalayag ng mga mangingisda sa Abulug habang ginawang palaruan ng amphibious at ship-to-shore operations ng mga Amerikano ang kanilang baybay.

Balikatan 2026: Papalaking peligro sa mamamayang Pilipino