Paglilitis sa ICC, impeachment, kinahaharap ng mag-amang Duterte

,

Sunud-sunod na paborableng desisyon ang nakamit ng mamamayan laban sa pasismo at korapsyon ng pangkating Duterte. Bumilis nitong Abril ang usad ng kaso sa International Criminal Court laban kay Rodrigo Duterte kaugnay sa kanyang huwad na gera kontra droga. Sa loob ng bansa, isang hakbang na lamang at muli nang i-impeach ng Kongreso ang anak niyang si Sara Duterte.

Noong Abril 22, pinal na ibinasura ng Appeals Court ng ICC ang apela ni Duterte para ipabasura ang mga kaso sa kanya sa katwirang hindi sakop ng ICC ang mga ito. Ipininal ng korte ang hatol na may hurisdiksyon ang ICC sa mga krimen laban sa sangkatauhan, pangunahin ang pagpatay, na naganap sa pagitan ng Nobyembre 1, 2011 at Marso 16, 2019.

Kinabukasan, kinumpirma ng Pre-Trial Chamber I ang mga sakdal laban sa dating presidente. Agad ring binuo ang Trial Chamber III na lilitis sa kanya.

Noong Abril 28, inianunsyo na ang tatlong huwes na bubuo ng Trial Chamber III. Magpapatawag na ito ng pulong ng mga abugado ng prosekusyon, depensa at mga biktima sa Mayo 28. Ayon sa mga eksperto, maaaring magsimula ang pormal na paglilitis sa huling bahagi ng 2026, o maagang bahagi ng 2027.

Samantala, sa Pilipinas, bumoto ang Committee on Justice ng Kongreso ng 55-0 noong Mayo 4 para sa impeachment kay Sara Duterte matapos ideklara nitong mayroong “probable cause” o sapat na batayan ang mga kasong isinampa laban sa kanya. Naganap ang botohan matapos ang lagpas dalawang buwang deliberasyon ng komite.

Ginamit na batayan ng kongreso ang pangalawa at pangatlong inihain na reklamong impeachment na pinag-isa nito sa sumusunod na mga reklamo:

  1. malalang pagbabanta/pagpaplano ng assasinasyon: Nakapailalim dito ang pampublikong mga banta ni Duterte na papatayin o ipapapatay niya si Ferdinand Marcos Jr, kanyang asawa na si Liza, at dating House Speaker Martin Romualdez.
  2. maling paggamit at malversation (korapsyon) ng confidential funds: Bahagi dito ang iligal at maling paggamit sa ₱612.5 milyong confidential/intelligence funds ng Office of the Vice President at ng Department of Education noong siya ay kalihim ng kagawaran.
  3. di maipaliwanag na yaman/kaduda-dudang mga transaksyon sa bangko: Bahagi nito ang nabunyag na mga transaksyon sa iba-ibang bangko ng halagang ₱6.7 bilyon na may kaugnayan kay Duterte at kanyang asawa na si Mans Carpio. Ang mga transaksyon ay kinumpirma sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council.

Nakatakdang pagbotohan sa plenaryo ng Kongreso ang reklamo sa Mayo 11. Kung boboto ang 1/3 ng plenaryo para rito, agad itong ipadadala sa Senado para sa pormal na paglilitis.

Paglilitis sa ICC, impeachment, kinahaharap ng mag-amang Duterte