Manggagawa, lumahok sa digmang bayan
Sa pahayag nito noong Mayo 1, nanawagan ang Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU), alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines, sa uring manggagawang Pilipino na tanganan ang makasaysayang tungkulin na pamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan para palayain ang bansa mula sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Idiniin ng grupo ang kahalagahan ng maramihang pag-oorganisa sa mga manggagawa para maisakatuparan ito.
Ayon sa RCTU, kinakailangan pangibabawan ng kilusang manggagawa ang mga sakit sa pulitika tulad ng ligalismo, ekonomismo, repormismo, NGOismo at sektoralismo para makabuluhang makapag-ambag sa pagsusulong ng digmang bayan. Panawagan nitong isakatuparan ang sumusunod na mga tungkulin:
Organisahin ang pinakamaraming manggagawa lalo na ang mga kontraktwal para maramihang itayo, palakasin at palawakin ang mga tunay, militante at anti-imperyalistang mga unyon. Huwag magpatali sa mga ligal na depinisyon sa batas kung sino lamang ang maaaring maging kasapi ng unyon.
Pakilusin ang mga kasapi ng unyon na mag-organisa ng kapwa manggagawa sa inuuwian nilang mga komunidad. Kailangang tumugon sa pag-oorganisa ng mga maralitang-lungsod, kabataan, at kababaihan sa mga komunidad. Paraan ito para magampanan ang tungkuling pagkaisahin ang mga manggagawa at iba pang aping sektor bilang gulugod ng kilusang masa sa kalunsuran.
Puspusang isulong ang mga pakikibakang pang-unyon at pang-ekonomya tulad ng umento sa sahod, pagbasura sa kon-traktwalisasyon at pleksibleng paggawa, at iba pa. Dapat ring pamunuan at mahigpit na makipagkaisa ang mga manggagawa sa mga pambansang pakikibaka.
Sa takbo ng pagsusulong ng mga kampanya at pakikibakang masa, dapat isagawa ang lahat ng porma ng propaganda at pag-aaral. Kailangang ipalaganap ang mga pagsusuri ng RCTU sa mga araw-araw na isyu at ihapag ang alternatibong programa ng demokratikong rebolusyong bayan.
Sa larangan ng organisasyon, kailangang buuin ang mga sangay ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga empresa para paramihin at palakasin ang mga rebolusyonaryong unyon. Kasabay nito, dapat tipunin ang mga abanteng manggagawa sa mga balangay ng Pulang Brigada ng mga Manggagawa (PBM) sa bawat departamento o linya ng trabaho sa mga empresa, sa mga shift, at/o sa mga komite ng unyon.
Ang sangay ng Partido, katuwang ang mga balangay ng PBM, ang bubuo sa rebolusyonaryong konseho sa loob ng pagawaan. Ang paparaming rebolusyonaryong konseho ang bubuo sa pambansang pormasyon ng RCTU. Ang paglakas ng RCTU ay mangangahulugan ng papalaking suporta para sa armadong pakikibaka ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa kanayunan.
RCTU sa Laguna. Noong Abril 29-30, namahagi sa mga sentrong syudad ng Laguna ang RCTU ng mga polyetong naglalaman ng mga pahayag nito. Daan-daang polyeto ang ipinamudmod sa layuning himukin ang mga manggagawa na kumilos at lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan.