Mga masaker ng AFP, PNP sa Bangsamoro, pinaiimbestigahan
Dalawang masaker na isinagawa ng militar at pulis sa Bangsamoro ang pinaiimbestigahan ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao. Nanawagan ang Moro-Christian Peoples Alliance (MCPA) para sa independyenteng imbestigasyon sa walang pakundangang pagpatay ng Armed Forces of the Phlippines (AFP) sa 10 Moro na inaakusahang mga myembro ng Dawlah Islamiya–Maute Group sa Barangay Banga-Pantar, Marantao, Lanao del Sur noong Abril 17.
Ayon sa kwento ng pulis, inihahain diumano nila, kasama ang mga sundalo, ang warrant of arrest laban kina Amerol Mangonraka at Benjie Amor Macabato, nang magkaroon ng “mahabang putukan.” Pagkatapos diumano ng putukan, tumambad ang patay na katawan ng dalawa, kasama ang kanilang mga asawa, at anim pang inakusahan ng militar na mga “mandirigma.” Nakilala ang mga napatay na sina Nahara Khairiya S. Hamim, Jamail Ibrahim, Fahmi Aminodin, Sohaile Borud Bato, at Mohaimen Aragon. Isa sa kanila ay estudyante ng Mindanao State University sa Marawi City.
Pero ayon sa kwento ng mga residente, walang naganap na matagal na putukan sa lugar sa sinasabing oras ng mga pulis at sundalo. Ayon sa mga nakakakilala, ilan sa mga pinatay na biktima ay dati nang sumuko sa gubyerno. Iniulat ng MCPA ang paglaganap ng takot dahil sa insidente. Maraming batang kalalakihan ang umalis sa komunidad sa takot na maling maparatangan.
Sa Zamboanga City, pinatay ng mga tauhan ng pinagsanib na pwersa AFP at Philippine National Police (PNP) ang tatlong myembro ng isang pamilya sa Barangay Sinunuc, Zamboanga City noong April 23, ala-1 ng umaga sa idineklarang isang “lehitimong operasyong pulis.”
Namatay sa insidente si Jerry Alfad, 52, isang lupon sa barangay, Salam Alfad, 12, at si Rayyan Alfad, 22, pamangkin ni Alfad. Sugatan naman si Mislie Aradais Alfad, Sayra Alfad at Saralyn Alfad, SK Kagawad. Ayon sa mga kaanak, malinaw na binaril ang mga biktima habang nakahiga, batay sa dami at direksyon ng tama ng bala sa kama. Tadtad din ng bala ang buong bahay.