Ang ilusyong SIPS ni Marcos at ng AFP

,

Nananaginip nang gising si Ferdinand Marcos Jr at kanyang mga upisyal militar sa sunud-sunod na pagdedeklara ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) sa mga prubinsya at rehiyon noong Hunyo. Naghahabol siya nang maipagmamalaking “tagumpay” laban sa rebolusyonaryong kilusan sa ika-limang state of the nation address (SONA) sa Hulyo 27, karugtong ng deklarasyon sa huling SONA noong Hulyo 2025 na “wala nang grupong gerilya.”

Hibang na idineklara ng rehimen bilang SIPS ang mga rehiyon ng Cordillera, Cagayan Valley, Calabarzon (bahagi ng Southern Tagalog) at Caraga. Nagkukumahog rin niyang idineklarang SIPS ang mga bayan at prubinsya sa Bicol, Eastern Visayas at Northern Mindanao.

Nauna nang idineklarang SIPS noong 2022 ang buong Ilocos, Zamboanga Peninsula, at Davao, at ang Negros Island noong 2024. Arbitraryong ipinailalim sa SIPS ang marami pang mga bayan, syudad at prubinsya sa nagdaang apat na taon sa layuning ideklara ang buu-buong mga rehiyon. Target ni Marcos na ideklarang SIPS ang buong bansa sa 2028, bago magtapos ang kanyang termino.

Para kanino?

Ang SIPS ay itinuturing ng rehimen bilang pinakamataas na antas ng “kapayapaan” sa isang takdang lugar. Kategorya ito para sa mga bayan, prubinsya at rehiyong sinasabing “kontrolado na ang insurhensya” at “handa na sa kaunlaran”. Nakabalangkas ito sa doktrinang “whole-of-nation approach” sa kumpas ng National Task Force (NTF)-Elcac, na pinagtibay ng National Action Plan for Unity, Peace and Development noong 2025.

Sa pagdedeklara ng SIPS, sinasabing ibibigay na sa lokal na gubyerno at Philippine National Police (PNP) ang pagharap sa insurhensya mula sa dating tutok ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Kabahagi nito, bubuuin ang mga Integrated Territorial Defense System sa mga baryo bilang pangsuporta.

Sa kabila nito, nananatili ang AFP na nakatutok sa mga operasyon laban sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sa Calabarzon, sa kabila ng deklarasyong SIPS, naitala ang pinakamalaking bilang ng pwersang panagupa ng AFP at PNP sa kasaysayan ng rehiyon. Ipinakat ang 32-34 batalyon sa saklaw nito at sa Mimaropa.

Tahasang ipinapahayag na magbubunga ang SIPS sa walang sagkang pagpasok ng dayuhang pamumuhunan at “kaunlaran” sa mga rehiyon. Pang-eengganyo ito para sa mapangwasak na mga operasyong mina, plantasyon, proyektong renewable energy tulad ng solar at offshore windfarm, at pagpapalit-gamit ng lupang pang-agrikultura. Lahat ito sa kapinsalaan ng mga magsasaka at katutubong minorya.

Noong Hulyo 3, idineklara ang unang distrito ng Northern Samar bilang SIPS. Kasabay nito, ilalarga sa distrito ang San Isidro Wind Project at isang tidal energy plant. Iraratsada rin ang Samar Unity Roads na tatagos sa tatlong prubinsya ng Samar Island at magpapadali sa pagkawasak ng Samar Island Natural Park. Sa bayan ng Bonbon, ibinukas ang 5,000 ektaryang lupang pang-agrikultura para sa produksyon ng pang-eksport na niyog.

Gumuguhong ilusyon

Sa kabila ng ipinagmayabang ni Marcos na “wala nang grupong gerilya” noong nakaraang taon, patuloy na nakakasagupa ng mga yunit ng AFP ang BHB sa iba’t ibang prubinsya. Sa tala ng Ang Bayan, nagkaroon ng mga armadong labanan sa pagitan ng BHB at ng AFP, PNP at grupong paramilitar sa 26 na mga prubinsya sa saklaw ng 12 rehiyon sa bansa.

Maliban sa alingawngaw ng mga armadong aksyon, tuluy-tuloy ang pag-ugat ng Partido sa mga barangay, bayan, distrito, prubinsya at rehiyon. Isinaayos at itinatayo nito ang mga sangay, yunit at komite sa iba’t ibang antas.

Aktibo ring nagpalakas at kumilos ang mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines. Naitala ang mga aktibidad nila sa National Capital Region at pitong mayor na mga syudad at sentrong bayan sa bansa, at maging sa ibayong dagat. Ilan sa mga organisasyon ng NDFP ay nakapaglunsad ng pambansang kongreso, at nagtipon sa mga kumperensya at pangkalahatang asembliya. Tuluy-tuloy silang tumutungo sa kanayunan para lumahok sa armadong paglaban.

Saanman mayroong pang-aapi at pagsasamantala, umuusbong at yumayabong ang rebolusyonaryong paglaban ng malawak na masa ng sambayanan para makibaka at ipaglaban ang kanilang mga karapatan at kagalingan. Ang mga pakikibakang ito sa lahat ng panig ng bansa ang pumupunit sa deklarasyong SIPS ng AFP, NTF-Elcac at ng rehimeng Marcos.

Ang ilusyong SIPS ni Marcos at ng AFP