Kabataang Pilipino, muling nagpahayag ng suporta para sa Palestine
Muling naglunsad ng mga protesta at aktibidad ang kabataang Pilipino noong Oktubre 7 at mga araw bago at matapos nito para gunitain ang unang taon ng Al Aqsa Flood o ang paglaban ng mamamayang Palestino sa henosidyo ng Zionistang Israel. Ang mayorya sa mga aktibidad ay pinangunahan ng Filipino Youth 4 Palestine (FY4P).
“Isang taon ng patuloy na mga krimen ng Israel sa mamamayan ng Gaza, at isang taon ng paglaban ng mga Palestino sa pananakop, nasasaksihan natin ngayon ang lumalawak na saklaw ng imperyalistang proyektong ito,” ayon sa grupo. Pinatutungkulan nito ang pagsaklaw ng pambobomba at atake ng Zionistang Israel, sa suporta at sulsol ng imperyalistang US, sa Lebanon, Syria at Iran.
Mula Oktubre 7, 2023 hanggang Oktubre 7 ngayong taon, naitala sa Gaza Strip ang pagkamatay ng hindi bababa sa 41,615 katao o isa sa bawat 55 taong nakatira dito dulot ng pag-atake at pambobomba ng Israel. Kabilang dito ang 16,756 bata.
Hindi bababa sa 97,303 katao ang nasugatan. Ayon sa World Health Organization, umabot sa 22,500 mga nasugatan ang may maituturing na labis na nakapagbabago ng buhay na mga pinsala. Dahil sa pagwasak ng Israel sa mga ospital, hindi natutugunan ang mga ito. Nagdulot ito ng pagkawala ng isa o dalawang hita ng 10 bata kada araw. Karaniwan pang isinasagawa ang mga operasyon nang walang anesthesia dahil sa kawalan nito.
Ayon sa Gaza Media Office, 34 ospital at 80 sentrong pangkalusugan ang hindi na magamit, 162 institusyong pangkalusugan at 131 ambulanssya ang tinamaan at winasak ng mga pwersang Israeli. Pinaslang din ng mga Zionista sa loob ng isang taon ang 986 manggagawang pangkalusugan kabilang ang 165 doktor, 260 na mga nars at iba pa.
“Habang may diin sa isang taon mula ng ipinahiwatig ng mga Palestino ang pagpapatuloy sa paglaban sa pagdanak ng dugo, alalahanin rin natin na ang karahasan ay nagsimula mula sa sandaling ipinanganak ang pekeng estado ng maka-henosidyong Israel noong 1948, at maging sa mga taon bago pa ang puntong iyon,” pahayag ng FY4P.
Bilang suporta sa panawagang ihinto na ng Zionistang Israel ang mga pag-atake, pagtulak sa imperyalismong US at mga kasapakat nitong bansa na tigilan ang suporta sa henosidyo, at paggigiit ng hustisya at paglaya sa Palestine, nakilahok sa mga pagkilos ang FY4P.
Noong Oktubre 5, sumama ang F4YP at mga kasaping grupo nito sa protestang pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Philippines-Palestine Friendship Association. Nagmartsa sila papunta sa embahada ng US para ipanawagan ang pagpapanagot sa US sa pagkakasangkot at suporta nito sa henosidyo.
Noong Oktubre 6, naglunsad ng martsa at programa ang mga grupo sa Baguio City. Nakiisa rito ang ilang mga banyaga. Isang hiwalay na pagkilos ang muling inilunsad ng mga estudyante ng UP-Baguio sa loob ng kampus noong Oktubre 8.
Noong Oktubre 7, pinangunahan ng FY4P at mga balangay nito ang pagkilos sa Polytechnic University of the Philippines, University of the Philippines (UP)-Diliman, UP-Manila, UP-Mindanao, UP-Visayas, UP-Los Baños at Ateneo de Manila University. Lumahok rin sila sa protestang pinangunahan ng internasyunal na mga grupo tulad ng International League of Peoples’ Struggle-Asia Pacific sa Boy Scout Circle sa Quezon City.
Patuloy rin ang pangangalap ng suporta ng mga grupo sa ilalim ng FY4P ng mga pirma sa kanilang inilabas na nagkakaisang pahayag ng pagkundena sa henosidyo ng Zionistang Israel at pagsuporta sa paglaya ng Palestine. Nagpapatuloy rin ang kampanyang edukasyon at mga talakayan na pinangungunahan ng mga grupo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.