Balita

Kapitalista ng Nexperia Philippines, nagbigay ng konsesyon sa mga manggagawa matapos ang 74 oras na welga

,

Natulak ng 74 oras na welga ng mga manggagawa ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NPIWU-NAFLU-KMU) ang kapitalista ng multinasyunal na kumpanya na bigyan ng konsesyon ang mga manggagawa sa kahingian nitong ibalik sa trabaho ang mga tinanggal na lider-unyonista, dagdag-sahod, at iba pang karapatan sa paggawa sa negosasyon sa Collective Bargaining Agreement (CBA). Umaray ang kapitalista matapos umabot sa tinatayang ₱1.26 bilyon ang nawalang kita ng kumpanya dulot ng halos apat na araw na welga, na nagsimula noong Marso 5 ng hapon.

Upisyal na tinapos ng unyon ang welga noong Marso 8 ng hapon. Sama-samang lumabas at nagmartsa mula sa pagawaan ang mga welgista. Sinalubong ng malakas na suporta ng mga kapwa manggagawa at ibang demokratikong sektor ang martsa palabas sa Light Industry and Science Park (LISP) 1, Cabuyao City, Laguna.

Sa ilang serye ng negosasyon sa panahon ng welga, nakamit ng unyon ang pagbabalik sa trabaho sa pangulo ng NPIWU na si Mary Ann Castillo at isa pang upisyal ng unyon na sinisante. Anang unyon, magpapatuloy pa ang laban para maibalik ang dalawa pang lider-unyonista na tinanggal ng kapitalista.

Nakuha rin ng mga manggagawa ang ₱57 dagdag sahod na nahahati sa tatlong bigayan. Ipatutupad ang dagdag na ₱17 kada araw para sa 2024, ₱19 para sa 2025, at ₱21 para sa 2026. Nangako rin ang Nexperia na bibigyan ng ₱20,000 signing bonus, na makukuha ng mga manggagawa sa Abril 15. Malinaw ring isinaad sa kasunduan na ipinagbabawal ang kahit anong hakbang-paghihiganti sa mga manggagawang lumahok sa welga.

Sa panahon ng welga, bumuhos ang malawak na suporta sa mga manggagawa sa harap ng panggigipit ng kapitalista ng Nexperia. Nagtungo sa piketlayn sa labas ng LISP 1 ang mga lider-manggagawa ng Kilusang Mayo Uno, mga kapwa unyonista, mga kababaihan, kabataang-estudyante at iba pang mga sektor. Marami rin ang naglabas ng pahayag ng pagsuporta sa welga mula sa mga migranteng Pilipino sa US, Canada, mga bansa sa Europe at Asia, mga taong-simabahn, mga akademiko, konseho ng mag-aaral at iba pa.

Pinatibay ng suportang ito ang paninindigan ng mga welgista sa kabila ng ipinataw na blokeyo sa pagkain, tubig at gamot ng kapitalista. Pinatayan rin ng kuryente ang mga manggagawa nakatipon sa loob mula mag-uumpisa ang tigil-produksyon. Bunga ng mga ito, dalawang welgista ang isinugod sa ospital dahil sa karamdaman. Ilang beses ding sinubukang buwagin ang welga at ang piketlayn sa labas ng engklabo sa pagpapadala ng mga gwardya at pulis ng lokal na gubyerno.

Higit ding tumingkad sa panahon ng welga ang pusisyon ng kapitalistang Nexperia bilang union buster o mambubuwag ng unyon. Binastos at kinutya ng pangkalahatang manedyer ng kumpanya na si Gareth Hughes, isang dayuhan, ang mga manggagawang Pilipinong nakawelga. Samantala, nalantad rin ang pakikipagsabwatan ng Department of Labor and Employment (Dole) sa paglalabas ng “return to work order” o kautusang kagaad bumalik sa trabaho ang mga manggagawa noong Marso 7, kaugnay ng inilabas nitong “assumption of jurisdiction” o AJ noong Pebrero 5.

Ang AJ ay isang kautusan na inilalabas ng kalihim ng DOLE sa mga sigalot sa paggawa sa mga industriyang tinaguriang “mahalaga sa pambansang interes”. Awtomatikong pipigilan nito ang anumang welga o lockout, at oobligahing agad bumalik sa trabaho ang mga manggagawa at ituloy ang operasyon ng kumpanya. Gamit ang AJ, maaaring pakilusin ng DOLE ang mga pulis at militar para supilin ang mga manggagawang susuway dito sa kautusan.

“Sa kabila ng garapal na sabwatan ng Nexperia management at ng DOLE, magiting na itinaguyod ng manggagawa ng Nexperia ang kanilang welga,” pahayag ng pederasyong NAFLU at sentrong unyon na KMU. Ayon pa sa kanilang pahayag, makasaysayan ang welga dahil maituturing itong “pinakamalaking welga sa bansa sa nagdaang ilang dekada.”

“Umalingawngaw ang ating panawagan sa bawat sulok ng kapuluan at daigdig. Umabot ito sa napakaraming naghahangad ng alwan sa gitna ng krisis at naghahanap ng paraan para lumaban. Malinaw natin itong ipinakita sa kanila,” anila. Ipinamalas umano ng tigil-produksyon ng mga manggagawa ng Nexperia na ang “welga ay sandata laban sa pagsasasamantala at pang-aapi at tanging sa pakikibaka lamang natin maitutulak paatras ang pagkaganid ng kapitalista.”

Ayon kay Castillo, matagumpay ang kanilang welga dahil marami ang namulat sa kalagayan ng mga manggagawa sa Nexperia at nakiisa sa kanilang laban. Dagdag pa niya, lumakas ang loob ng mga unyonista at handa silang higit pang lumaban para sa kanilang mga karapatan.

AB: Kapitalista ng Nexperia Philippines, nagbigay ng konsesyon sa mga manggagawa matapos ang 74 oras na welga