Mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio, iba pa, dapat palayain
Nagprotesta ang mga mamamahayag mula sa Altermidya Network, National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), at College Editors Guild of the Philippines (CEGP) sa Department of Justice sa Manila noong Enero 23 para igiit ang kagyat na pagpapalaya kay Frenchie Mae Cumpio at iba pang kabilang sa tinaguriang ‘Tacloban 5’. Kasabay ito ng unang pagdinig ng isinampa sa kanilang ‘financing terrorism’ sa korte sa Tacloban City.
Si Cumpio ay isang mamamahayag para sa Eastern Vista, alternatibong midya sa rehiyon ng Eastern Visayas. Inaresto siya kasama sina Marielle “Maye” Domequil ng Rural Missionaries of the Philippines, Alexander Philip Abinguna, Mira Legion at Marissa Cabaljao sa isang iligal na reyd ng mga pulis noong Pebrero 7, 2020 sa kanilang upisina. Sinampahan sila ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms.
Matapos ang higit isang taon, sinampahan naman sila ng kasong “financing terrorism.” Pinalalabas ng estado na ang pondong nasamsam mula sa kanila ay para umano sa mga operasyon ng Bagong Hukbong Bayan na pilit nitong binabansagan bilang “teroristang organisasyon.”
Ayon sa mga grupo ng mamamahayag, ginigipit sina Cumpio dahil sa kanilang trabaho bilang mga mamamahayag. Ang Eastern Vista ay masugid na nag-uulat sa kalagayan ng api at pinagsasamantalahang mga sektor sa rehiyon.
Sa isang pahayag na inilabas ng Altermidya Network, sinabi nilang ang perang nasamsam ng estado sa iligal na reyd ay sumailalim sa isang pagdinig ng “civil forfeiture” o pag-aangkin ng estado sa pera sa isang korte sa Manila noong Disyembre 2022 nang walang abiso sa mga akusadong sila Cumpio at iba pa. Kaugnay nito, anang grupo, nagsampa sila ng isang motion for reconsideration sa desisyon ng korte.
Sa protesta, idiniin ng NUJP kung paanong ginagamit ang batas para patahimikin ang midya at mga organisasyong masa. Kadugtong umano ng mga ito ang patuloy na red-tagging ng estado, pag-block sa mga website at dumaraming bilang ng mga kasong cyberlibel sa mga mamamahayag.
Hustisya kay Gerry Ortega
Nang sumunod na araw, muling nagprotesta ang mga mamamahayag sa Boy Scout Circle sa Quezon City para manawagan ng hustisya sa pagpatay sa mamamahayag na si Gerry Ortega sa Puerto Princesa, Palawan, 12 taon na ang nakalilipas.
Nagtirik sila ng mga kandila para kay Ortega at iba pang mamamahayag na ginigipit at pinatatahimik. Ayon kay NUJP Secretary General Len Olea, napakailap ng hustisya sa bansang Pilipinas.
“Nagpapatuloy pa rin tayo sa kampanya para kamtin ang hustisya para kay Dr. Gerry Ortega. Ang kanyang kaso ay emblematic ng level of impunity (tanda ng pagkawalang pakundangan) na kinahaharap ng ating bayan. Mantakin niyo na lang ang alleged mastermind ay nakatakbo pa sa eleksyon,” ayon kay Olea.
Ayon sa Center for Media Freedom and Responsibility, hindi bababa sa 176 kaso ang pagpaslang sa mga mamamahayag simula 1986. Sa bilang na ito, tanging 19 o 11% lamang ang mayroong napanagot.