Mga sinisanteng manggagawa sa Lazada, ipinababalik ng Korte Suprema

Ipinag-utos ng Korte Suprema na ibalik ng kumpanyang Lazada ang limang “rider” o taga-deliber na sinisante nito noong 2017. Ayon sa Korte Suprema, ang tagadeliber ay regular na manggagawa sa kumpanya, at hindi simpleng “independyenteng kontraktor” tulad ng unang desisyon ng National Labor Relations Commission at Court of Appeals.

Ipinag-utos din ng korte na bayaran ng kumpanya ang backwages ng lima na sina Chrisden Cabrera Ditiangkin, Hendrix Masamayor Molines, Harvey Mosquito Juanio, Joselito Castro Verde, at Brian Anthony Cubacub Nabong. Kabilang ang lima sa inempleyo ng Lazada noong 2016 para kunin ang mga parsela mula sa mga “seller” ng website at dalhin ang mga ito sa bodega ng Lazada. May sahod silang ₱1,200 kada araw. Kara-karaka silang sinisante sa sumunod na taon.

Isinapubliko noong Enero 20 ang desisyon ng korte na may petsang Setyembre 22, 2022. Tinaguriang “landmark” o makasaysayan ang desisyon para sa mga taga-deliber ng iba’t ibang kumpanyang nagbebenta online. Ang Lazada ay isang kumpanyang Chinese na nagbebenta ng samutsaring produto sa pamamagitan ng internet at nagdedeliber diretso sa mga bahay ng mga mamimili gamit ang mga drayber.

Ayon sa Korte Suprema, malinaw ang relasyong taga-employo at empleyado ng Lazada at naturang mga taga-deliber, tulad ng kontrata, pagpapasahod, kakayahan ng Lazada na sisantehin sila at kontrol sa performance ng mga rider. Mas mahalaga, ayon sa korte, nakaasa ang mga rider sa kumpanya para sa tuluy-tuloy nilang pagtatrabaho.

AB: Mga sinisanteng manggagawa sa Lazada, ipinababalik ng Korte Suprema