Hustisya para migranteng pinatay sa Kuwait, ipinanawagan

,

Hustisya! Ito ang sigaw ng mga kamag-anak at kaibigan ni Jullebee Ranara, sampu ng mga kapwa niyang mga migranteng manggagawa. Si Ranara, isang kasambahay, ay natagpuang patay sa gitna ng disyerto ng Kuwait noong Enero 22. Siya ay pinaniniwalaang ginahasa bago pinatay.

“Nananawagan kami na agarang resolbahin at dalhin sa kaparaanan ng hustisya ang pumaslang kay Ranara at magawaran ng lahat ng nararapat na indemnipikasyon ang naiwan niyang pamilya,” pahayag ng grupong Migrante ngayong araw, Enero 24. “Kasabay nito, dapat ding imbestigahan ang mga upisyal at mga kagawaran ng gobyerno ng Pilipinas sa Kuwait sa lumalabas na malalang pagpapabaya nila sa mga OFW sa nasabing bansa.”

Ayon sa mga ulat sa Kuwait, si Ranara ay ginahasa ng anak ng kanyang amo bago pinatay. Ang bangkay niya ay tinapon sa disyerto at sinunog. Napag-alaman na basag ang bungo ng biktima.

Ayon sa Migrante, laganap ang mala-aliping kalagayan ng daan-daang domestic worker sa Kuwait. “Sa nakalipas na mahigit anim na taon, hindi matigil ang karumal-dumal na pagpaslang sa ating mga kababayan,” ayon sa grupo. “Walang nagbabago sa kanilang kalagayan kaya’t nasundan ng pagpatay kay Ranara ang sinapit ng mga pinaslang na domestic workers na sina Joanna Demafelis, Jeanelyn Villavende at marami pang iba.”

Sa ngayon, mayroon pang 400 inabusong migranteng Pilipino ang hindi makauwi at tila ikinulong sa mga pasilidad ng gubyerno ng Pilipinas sa Kuwait.

Noong 2018, kunwa’y ipinagbawal ng estado ng Pilipinas, sa ilalim ng rehimeng Duterte, ang pagpapadala ng mga manggagawa sa Kuwait dahil sa tindi at lawak ng mga abusong natatamo ng mga Pilipino doon. Pumasok pa ang Pilipinas sa isang kasunduan sa gubyerno ng Kuwait (Memorandum of Understanding) bago muling payagan ang mga migrante na magtrabaho doon. Sa kabila nito, walang nagbago sa kanilang kalagayan.

Ayon sa grupo, pinahintulutan ng estado sa Pilipinas na pumasok ang mga Pilipino sa sistemang kafala sa Kuwait, kung saan direktang “iniisponsor” ng mga pamilya at kumpanyang Kuwaiti ang ineempleyo nilang manggagawa. Sa ilalim ng sistemang ito, mistulang alipin ang mga kasambahay dahil nakatali sa “isponsor” o employer ang kanilang legalidad at paninirahan. Bawal silang lumipat ng trabaho o umalis nang walang pahintulot sa mga abusadong amo. Sinumang lalabag dito ay maaaring arestuhin at ikulong.

Prayoridad ng estado ang makapiga ng maksimum na ganansya mula sa remitans, ayon sa grupo. “(D)eregulado ang patakaran sa deployment, integrado sa patakarang serbisyo ng gubyerno na tiisin ng mga domestic workers ang kanilang kalagayan,” dagdag nito.

Mas masahol, itinutulak nito ang mga migrante na makipagkasundo kahit sa mga nang-aabusong amo. Sa halip na tulungan, ipinapasa ng estadong Pilipino ang obligasyong serbisyo sa migrante o ahensya ng paggawa na nagpadala sa kanya sa bansa sa panahon ng mahigpit na pangangailangan.

“Laganap ang ganitong kalakaran na maituturing bilang makabagong-panahong pang-aalipin sa Gitnang Silangan kung saan nagtatrabaho ang kalakhan ng mga Pilipinong domestic worker,” ayon sa grupo.

AB: Hustisya para migranteng pinatay sa Kuwait, ipinanawagan