III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN
B. Pagsasanib ng Partido Komunista at ng Partido Sosyalista
Noong Nobyembre 7, 1938, pinagsanib ang Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Sosyalista pagkaraang ang liderato ng una ay bigyan ng kondisyonal na pardon ng pamahalaang Komonwelt alinsunod sa antipasistang patakaran ng Prente Popular. Naganap ang pagsasanib sa tulong ni James Allen, kinatawan ng Partido Komunista ng Estados Unidos. Noon ay patuloy ang matalik na pakikipag-ugnayan ng Partido Komunista ng Pilipinas sa lideratong Browder ng Partido Komunista ng Estado Unidos.
Ang lantad na lideratong inihalal sa kongreso ng pagsasanib ay kinatawan nina Crisanto Evangelista bilang tagapangulo, Pedro Abad Santos bilang pangalawang tagapangulo at Guillermo Capadocia bilang pangkalahatang kalihim.
Ang lihim na pangalawang linya ng liderato ay kinatawan ni Vicente Lava na nakatali noon sa kanyang hanapbuhay bilang burukrata sa Bureau of Science at ang kanyang gawaing pampulitika ay naukol lamang sa pamumuno sa maliit na organisasyon ng mga progresibong petiburges, ang League for the Defense of Democracy. Si Lava ang pinakakinatawan ng mga kasapi ng Partido na nagmula sa petiburgesiang naimpluwensyahan ng kanang oportunistang lideratong Browder ng Partido Komunista ng Estados Unidos. Ang iba pang kasapi ng lihim na pangalawang linya ng liderato ay yaong may kaunting tagumpay sa gawaing lunsod ng Partido, lalo na sa hanay ng mga petiburges, noong ginawang ilegal ang Partido.
Ang Partido Komunista (Pagsasanib ng Partido Komunista at Partido Sosyalista) na nasa ilalim ng lideratong Evangelista ay puspusang nagsumikap para sa isang nakabaseng-lunsod na kilusang antipasista na nagtaguyod sa boykot ng mga produktong Hapones at sa paglikha ng mga "batalyon ng paggawa" na tinangkilik ng nagkakaisang prente sa paggawa, ang Collective Labor Movement, at may kooperasyon ng pamahalaang Komonwelt. Ang gawaing pampulitika sa hanay ng mga petiburgesiang lunsod ay pinangasiwaan ni Vicente Lava. Sa tulong ng mga kadreng komunista, pinagsikapan ng mga dating lider ng Partido Sosyalista na itaas ang kamulatang pampulitika ng mga magsasaka sa Gitnang Luson; ngunit binigyan lamang ito ng segundaryong halaga. Ang pangunahing bahagi ng gawain ng Partido ay isinagawa sa lunsod ng isang Partidong nakabaseng-lungsod at may oryentasyong-lunsod.
Party Constitution Bottom
I II III IV V
Back to top
|