Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

D. Ang Partido sa pagbalik ng imperyalismong Amerikano

Sa pagbubunsod ng digmang bayan noong panahon ng pananakop ng Hapones ay nakamit ng Partido Komunista ng Pilipinas ang tunay na kapangyarihang pampulitika sa ilang lugar, patunay sa dakilang tesis ni Kasamang Mao Tsetung na 'ANG KAPANGYARIHANG PAMPULITIKA AY NAGMUMULA SA BARIL".

Gayunman, pinairal ang maling paninindigan sa sentral na usapin ng pagpapanatili sa sandatahang lakas ng bayan sa harap ng pagbalik ng imperyalismong Amerikano at ang kaugnay na panunumbalik ng pamamanginoong maylupa sa mga lugar na pinagtayuan na ng mga mamamayan ng sarili nilang sandatahang kapangyarihan. Sa hanay ng mga kasapi ng Partido at ng masang tagapagtaguyod nila, hindi lubusang inilantad ang agresibong kalikasan ng imperyalismong Amerikano. Hindi rin pinakilos ang mga sandatahang magsasakang pinamumunuan ng Partido batay sa bagong demokratikong yugto ng rebolusyong Pilipino na dito'y uring magsasaka ang pangunahing lakas. Sa mga lugar na pinagtayuan ng liderato ng Partido, ang mga ugnayang antinasyonal at antidemokratiko ng imperyalismong Amerikano at pyudalismo ay hindi isiniwalat at tinuligsa upang mapatnubayan ang sambayanan.

Bukod sa kakulangan sa mobilisasyon sa ideolohia at pagsapol sa linyang pangmasa hinggil sa imperyalismong Amerikano at rebolusyong agraryo, hindi nakapagpaunlad ang Partido Komunista ng Pilipinas ng organisasyon ng Partido at ng sandatahang lakas na sumasaklaw sa buong bayan, habang nagpapaunlad ng pangunahing pwersa sa Gitnang Luson. Sa mas maliit pang saklaw, sa Timog Luson lamang naitayo ang mga yunit ng Partido at sandatahang yunit na labas sa Gitnang Luson noong magtatapos ang digmang anti-Hapones.

Noong katapusan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ipinasya ng Partido na ilipat sa lunsod ang himpilan at ang sentro ng gawaing pampulitika nito mula sa kanayunan. Sa pagtitiwala sa salita ng mga ahenteng miitar ng Estados Unidos, ang mga lider ng Partido ay sumunod sa Kanang linyang naging parlamentaryo na ang pangunahing anyo ng pakikibaka, sawa na sa digmaan ang sambayanan, at maaari na silang lumahok sa eleksyong burges sa kondisyon ng "demokratikong kapayapaan". Kaya inilipat sa lunsod ang mga sentral na organo at pahayagan ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Sa kanayunan ay itinayo ang Huk Veterans League at ang Pambansang Kaisahan ng mga Magbubukid, mga legal na organisasyong pangmasa, upang halinlan ang Hukbalahap at Barrio United Defense Corps (BUDC). Sa lunsod naman, itinatag ang Congress of Labor Organizations (CLO) at iba pang organisasyong lunsod. Ang Partido at ang mga organisasyong pangmasang ito ay lalahok sa legal at parlamentaryong pakikibaka sa pamamagitan ng Democratic Alliance. Sa loob ng Democratic Alliance, ang Partido mismo ay isa lamang sa mga organisasyong napailalim sa mga personaheng burges na namuno sa alyansa.

Pinagtibay at pinairal ang patakarang disarmahan at buwagin ang mga sandatahang yunit ng hukbong bayan. Sa gayon ay nabuwag ang kapangyarihang pampulitikang natamo ng sandatahang lakas ng bayan nang mahiwalay ang sandata mula sa mga humawak nito. Gayunman, binuhay ng liderato ng Partido ang ilusyon na samantalang isa lamang "linyang propaganda" ang linya ng "demokratikong kapayapaan" ng pakunwang pagsusuko ng sandata sa Military Police, ang "tunay na linya" raw at itinatago nga ng Partido ang mga armas. Hindi nila nabatid na ang kaaway ay hindi malilinlang ng pakunwang pagsusuko ng sandata at ang kaibhan ng "linyang propaganda" sa "tunay na linya" ay higit na nakalito lamang sa masa kaysa nakalinlang sa kaaway. Ang saligang katotohanan ay ito: ang mga sandatahang yunit ay dinisarmahan at nilansag samanatalang pinapaslang na ng kaaway ang buo-buong "iskwadron" ng Hukbalahap (tulad ng mga "Iskwadron" 77 at 9) at sinusugpo na sa iba't ibang paraan ang masa at ang Hukbalahap.

Sa utos ng imperyalismong Amerikano, binigyan ng Pulisyang Militar at gwardyang sibilyan ng sandatahang proteksyon ang mga panginoong maylupa upang mabawi ang mga lupa nila sa Gitnang Luson at magpataw pa ng labis-labis na imposisyon, tulad ng pagkolekta ng upa sa lupa na hindi nakuha noong panahon ng pananakop na Hapones. Pinatunayan ng mga sumunod na pangyayaring ito ang pagkabangkarote ng kontrarebolusyonaryong linya ng pagsalubong sa mga imperyalistang Amerikano at pagtalikod sa sandatahang pakikibaka.

Sa panahong ang Partido Komunista ng Tsina sa pamumuno ni Kasamang Mao Tsetung ay nagpapakita ng halimbawa ng pagpapaibayo ng sandatahang pakikibaka at kakayahan nito samantalang pinapakana ng mga imperyalistang Amerikano ang isang pamahalaang "koalisyon" na kontrolado ng Kuomintang, itinataguyod ng liderato ng Partido Komunista ng Pilipinas ang ilusyon na makalalahok ito sa burges na parlamentaryong pakikibaka sa pamamagitan ng Democratic Alliance, at pinalahok nga nito ang sariling mga kandidato sa ilang lugar na malaki ang impluwensiya nito sa pulitika. Pagkaraang tumayo ang Partido sa unahan ng legal na pakikibaka laban sa Batas Bell sa Kalakalan at Susog-Parity at iba pang batas ng mga imperyalista at panginoong maylupa, ang mga kasapi ng Kongreso na sinuportahan ng Partido at nahalal noong 1946 ay kaagad na pinatalsik sa Kongreso nang walang katwiran, kaya nalantad na naman ang pagkabangkarote ng patakarang umasa nang pangunahin sa parlamentarismong burges.

Noong katatapos lamang ng digmaan, nangibabaw sa Partido ang tunguhing Kanang oportunista. Pinakamatatas at pinakaaktibo si Vicente Lava sa pagbibigay ng suportang pang-ideolohia sa tunguhing ito sa loob ng Komite Sentral ng Partido. Gayunman, ang posisyon ng pangkalahatang kalihim ng Partido ay ibinigay kay Pedro Castro na nagnais na magtayo ng hayag na partidong pangmasa para sa burges na parlamentaryong pakikibaka, at pagkatapos ay kay Jorge Frianeza na nagtaguyod ng pakikipagkaisang-prente sa reaksyonaryong rehimeng Roxas. Tulad ng Saligang Batas ng pagsasanib noong 1938, itinaguyod ng Saligang Batas ng Partido ng 1946 ang parlamentaryong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka. Ang kontrarebolusyonaryong linyang rebisyonista sa loob ng Partido ay napalala ng karerismong petiburges, rehiyonalismo at indibidwal na kilos ng pagtalilis na lubhang ikinahina ng Partido.

Party Constitution Bottom I II III IV V
Back to top


Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itatag ang Partido

NILALAMAN:



I. MARXISMO-LENINISMO-KAISIPANG MAO TSETUNG ANG PATNUBAY NATIN SA PAGPUNA SA SARILI AT MULING PAGTATAYO NG PARTIDO

II. PAGLALAGOM NG ATING KARANASAN AT PAGHANGO NG MGA REBOLUSYONARYONG ARAL

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

A. Pagtatatag ng Partido at ilegalisasyon nito
B. Pagsasanib ng Partido Komunista at ng Partido Sosyalista
K. Ang Partido sa panahon ng pananakop ng Hapon
D. Ang Partido sa pagbalik ng imperyalismong Amerikano
E. Ang Partido sa panahon ng adbenturismong militar
G. Ang Partido sa panahon ng patuloy na pagkatalong militar

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

A. Mga kahinaan sa ideolohia
B. Mga kamalian sa pulitika
K. Mga kamalian sa militar
D. Mga kamalian sa organisasyon

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

A. Pagtatayo ng Partido
B. Sandatahang pakikibaka
K. Ang pambansang nagkakaisang prente


Download Pilipino | English


Basahin sa Ingles

Basahin sa Hiligaynon


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.