Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

D. Mga kamalian sa organisasyon

Sa larangan ng organisasyon, pangunahing kahinaan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang hindi nito pagkakatayo ng isang organisasyon na may malawak na katangiang pangmasa at sumasaklaw sa buong bayan. Sa mga lugar na naitayo ang Partido, hindi tumpak na ginamit ang simulain ng demokratikong sentralismo sa buhay-organisasyon ng Partido, na nagbunga ng mga kamalian ng sektarismo at liberalismo, at komandismo at buntotismo, dahil sa subhetibismo at oportunismo.

Ang pagtatayo ng isang partidong may malawak na katangiang pangmasa ay nangangailangan ng pambansang sistema ng mga kadre ng partido na may malaking masang tagapagtaguyod. Sa napakahirap na kalagayang umiiral sa Pilipinas, matalinong patakaran ang maingat na pagtatayo ng Partido. Ang pangangalap at pagsasanay ng mga kadre ay dapat sumang-ayon lagi sa mga pamantayan ng isang rebolusyonaryong partidong proletaryo.

Ang partidong may malawak na katangiang pangmasa ay nangangahulugang ang mga kadre ng partido ay nagkakaroon ng malaking masang tagapagtaguyod dahil sa paggamit ng tumpak na ideolohia, linyang pampulitika, at mga prinsipyo at paraan ng organisasyon. Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay magkakaroon ng malawak na katangiang pangmasa kung tunay na mapamumunuan lamang ng mga kadre nito ang masang manggagawa at magsasaka sa rebolusyonaryong pakikibaka. Pinapatnubayan ng Partido ang rebolusyonaryong pakikibaka ng masa at ang pakikibaka naman ang lumilikha ng pinakamahuhusay at pinakasulong na mandirigma ng rebolusyon na nagiging mga kasapi ng Partido.

Kaisipang pinid-pinto ang naging tampok na tendensya ng lideratong Crisanto Evangelista. Ang gawain ng Partido ay konsentrado sa kilusan ng unyon ng manggagawa.

Saka lamang lumakas ang Partido noong digmang anti-Hapones nang ito'y maglunsad ng rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka at namuno sa masang magsasaka. Noong 1948, muling lumakas ang Partido sa loob ng ilang panahon hanggang nasabotahe ng mga kamaliang adbenturista ng lideratong Jose Lava ang pagsulong ng rebolusyon. Naipakita ng pangyayaring ito na magkakaroon ang Partido ng tunay na pangmasang lakas kung makikisanib at mamumuno ito sa masang magsasaka. Sa malakolonyal at malapyudal na bayang tulad ng Pilipinas, ang Partido ay magkakaroon ng lakas sa pamamagitan lamang ng pagpukaw at pagpapakilos sa masang magsasaka alinsunod sa rebolusyong agraryo na siyang pangunahing nilalaman ng demokratikong pakikibaka ng sambayanan. Kung tutuusin, ang rebolusyonaryong partidong proletaryo sa Pilipinas ay magkakaroon ng malawak na katangiang pangmasa kung makukuha lamang nito ang pagtangkilik ng uring magsasaka, lalo na ng mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid.

Hanggang ngayon, may kalabisan pa rin ang konsentrayon ng mga kasapi ng Partido sa Gitnang Luson at sa Maynila-Rizal. Maging sa mga naunang kasagsagan ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, ang Partido ay hindi nagtagumpay na palaganapin nang husto sa buong bayan ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng sistematikong disposisyon ng mga kadre.

Sa matagal na pagiging lider niya ng unyon ng manggagawa, nagkaroon si Crisanto Evangelista ng kaunting pakikipag-ugnayan sa iba pang lider ng unyon sa Bisaya. Ngunit siya mismo, kahit noong huling dako ng mga taong 1930, ay may ilusyong kung makokontrol ng Partido ang Gitnang Luson ay madali nang maisusunod ang buong Luson; at kung makokontrol ng Partido ang buong Luson, madali nang maisusunod ang buong kapuluan.

Sa simula ng digmang anti-Hapones, tinangkang magpadala ng isang pangkat ng mga kadre sa Bisaya ngunit hindi itinuloy. Noong panahon ng digmaan, ang Gitnang Luson ang pangunahing pinagtayuan ng Partido at Hukbalahap. Maging sa maaabot na rehiyong tulad ng Timog Katagalugan, hindi nakuha ng Partido ang liderato at inisyatiba sa digmang anti-Hapones mula sa kamay ng mga yunit ng gerilyang maka-Amerikano. Makaraan ang digmaan, hindi kaagad puspusang isinaalang-alang ang usapin sa pagpapadala ng mga kadre sa iba pang pulo.

Sa kasagsagan lamang ng sandatahang pakikibaka sa ilalim ng lideratong Jose Lava ay saka naipadala ang mga kadre ng Partido sa Cagayan Valley, Bikol, Panay, Ilokos at Mindanaw upang itayo ang Partido at hukbo. Ngunit malinaw na hindi naitayo ng mga kasamang tagapagpasimulang ito ang Partido at hukbo sa matibay na pundasyon sa hanay ng masa. Hindi sila nagkaroon ng sapat na panahong gawin iyon dahil sa hindi nakapagharap ang liderato ng Partido ng wastong linyang pampulitika. Ang pangunahing patakaran ng mabilisang tagumpay sa militar ay hindi nagbigay sa mga kadre ng sapat na panahong itayo ang Partido, ang hukbo at ang nagkakaisang prente sa mas malaki at pambansang saklaw at paunlarin ang lahat ng rekisito para sa demokratikong kapangyarihang bayan.

Sa buong panahon ng lideratong Jesus Lava ay nanatiling hindi naitayo ang isang organisasyong pambansa. Pinangasiwaan at pinadali lamang ng lideratong ito ang pagkawasak ng mga lumang yunit ng Partido gayundin ng mga bagong tatag na yunit sa labas ng Gitnang Luson. Maging noong huling dako ng 1950, nang maitatatag na ang mga legal na organisasyon pangmasa sa pamumuno ng Partido, hindi naman ito puspusang nagtangkang magtayo ng mga legal na organisasyong pangmasa bilang paraan sa pagpapalawak ng Partido. Pagkaraan ng 1960 sa pangunahing inisyatiba ng mga bago at muling kumilos na dating kasapi ng Partido, ay saka lamang nangahas ang Partido na isulong muli ang bumabangong rebolusyonaryong kilusang pangmasa. Ngayon, ang Partido ay nagsisimula nang magkaroon ng kaunting tagumpay sa pagtatayo ng Partidong may malawak na katangiang pangmasa at may pambansang saklaw.

Sa pamamagitan ng pambansang nagkakaisang prente, ang rebolusyonaryong partidong proletaryo na nagsasagawa ng rebolusyong agraryo, taglay ang ganap na pagtangkilik ng aping uring magsasaka, ay makapagpapalawak pa rin ng suporta sa pamamagitan ng pakikipag-alyansa sa mga karagdagang pwersang rebolusyonaryo na tulad ng petiburgesia ng lunsod at pambansang burgesia.

Sa Pilipinas, unang naranasan ng Partido ang patakaran ng nagkakaisang prente nang bakahin nito ang pasismo sa panahon ng Prente Popular. Ngunit sa panahong ito, sinimulan nang agnasin ng malakas na impluwensya ng petiburgesia at burgesia sa loob ng Partido ang rebolusyonaryong kalooban ng Partido sa tusong paraan.

Pagkaraan ng digmaan, ang Democratic Alliance ay itinayong pormal na organisasyon ng nagkakaisang prente. Ngunit ang alyansang ito ay nagsilbi lamang na suporta sa Kanang oportunismo at nagbigay ng pagkakataon sa ilang personaheng burges na umakyat sa pamunuan. Pinasan ng Partido ang trono para sa kanila sa loob ng ilang panahon hanggang sa sila'y kumarimot ng takbo nang sumidhi ang sandatahang pakikibaka.

Sa panahon ng lideratong Jesus Lava, walang naitayong tunay na nagkakaisang prente dahil sa walang naitayong malakas na hukbong bayan at mga legal na organisasyong pangmasa sa pamumuno ng Partido. Sa panahong napupukaw ni Claro Mayo Recto ang petiburgesia ng lunsod at pambansang burgesia upang lumahok sa kilusang antiimperyalista, hindi lubusang nasamantala ng Partido ang kalagayan dahil sa likidasyonistang patakaran na lubhang nakasagabal at nagsapanganib sa pinakabuhay-organisasyon ng Partido.

Sa maraming pagkakataon ay hindi napag-ugnay ng Partido ang legal at ilegal na pakikibaka sa gawain nito sa organisasyon. Nang unang ideklarang ilegal ang Partido matapos na ito'y itatag, walang lihim na pangalawang linya ng liderato na makapagpapatuloy sa legal at ilegal na gawain ng Partido. Sa simula ng digmaan, hinalinhan ng pangalawang linya ng liderato ang nalumpong unang linya ngunit ang pangalawang linya sa pangkalahatan ay hiwalay dati sa gawaing pangmasa dahil sa limitadong gawaing pampulitika lamang nito sa hanay ng mga elementong petiburges sa lunsod.

Bunga ng mga maling linya sa pulitika ay nagkaroon ng malulubhang kamalian sa organisasyon. Ang demokratikong sentralismo ay hindi napatingkad upang makagawa ng mga wastong kapasyahan.

Ang pag-unlad ng burges na reaksyonaryong linya ng mga Lava ay bunga ng mga garapal na paglabag sa demokratikong sentralismo. Ang kamangha-manghang pagkakasunud-sunod ng mga lideratong Lava ay bunga ng mga maniobrang burges na parating nagiging dahilan ng panlulupaypay at demoralisasyon sa hanay ng mga kadre ng Partido sa loob ng mahigit na tatlumpung taon. Ang liberalismo sa pinakabulgar na anyong tulad ng nepotismo at paboritismo ay pinairal sa pagtatalaga at sa paghirang o paghalal sa mga namumunong posisyon.

Liberalismo ang naging tanda ng pagsasanib ng Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Sosyalista. Ang mga kasapi ng Partido Sosyalista ay lansakang tinanggap sa Partido Komunista nang hindi isinaalang-alang ang mga pangangailangang maging Marxista-Leninista sa ideolohia. Ang una at pangalawang linya ng liderato ay nagkaroon ng liberal na aktitud sa organisasyon ng Partido nang magdiin sila sa panlunsod at legal na gawaing pampulitika bago sumiklab ang digmang anti-Hapones.

Ang malaking bugso ng liberalismo at legalismo na kinatawan nina Vicente Lava, Jorge Frianeza at Pedro Castro pagkaraan ng digmang anti-Hapones ay may dialektikong kaugnayan sa di-naiwastong tunguhin ng Kanang oportunismo noong bago pa man magkadigma. Itinaguyod ni Jorge Frianeza ang ganap na pagbuwag sa hukbong bayan at ang "pakikipagka-isang prente" sa reaksyonaryong pamahalaang Roxas; itinaguyod naman ni Pedro Castro ang pagbubuo ng "partidong pangmasa" para sa parlamentaryong pakikibaka at ang paglusaw sa gawaing ilegal ng Partido. Sa loob ng Democratic Alliance, umiral ang liberal na patakarang nagpahintulot sa pangingibabaw ng mga personaheng burges. Isang kilos mismo ng liberalismo ang pagpapahintulot sa Democratic Alliance na gumanap ng sentral na tungkulin sa pakikibakang pampulitika ng masa.

Sektarismo ang naging pangunahing kamalian sa organisasyon ng lideratong Jose Lava samantalang liberalismo ang pangalawang kamalian nito. Sapagkat hiwalay sa mga kongkretong kalagayan ng kanayunan, ang lideratong ito ay naging komandista sa pagbababa ng utos. Sa hanay ng mga nakikibakang pwersa sa kanayunan, umiral ang mga sektaryong pang-aabuso sa likod ng islogang "Bolsebisasyon". Ang mga kontradiksyon sa hanay ng mamamayan at ang maliliit na kamalian sa loob ng Partido ay itinuring na kontradiksyon sa pagitan ng mamamayan at kaaway. Samantalang kailangan ang patakaran ng paghimok at pagluluwag sa maraming pagkakataon, ang mga nagkamaling kasapi ng Partido at Pulang mandirigma ay pinatawan ng pinakamalupit na parusa. Sa lunsod ay pinairal din ang sektarismo kaugnay ng pambansang nagkakaisang prente. Bunga ng kabiguan ng Democratic Alliance, winalang-halaga kaagad ng lideratong Jose Lava ang isang matatag na patakarang nagkakaisang prente sa mga panggitnang pwersa.

Bagamat sektarismo ang naging pangunahing kamalian sa organisasyon ng lideratong Jose lava, pinanatili nito ang liberalismo sa paghirang sa matataas na posisyon at sa pagpapasapi sa Partido ng mga kamag-anak, kaibigang personal at kababayan ng pamilyang Lava nang hindi naman pinadadaan sa pagsubok sa rebolusyonaryong pakikibakang pangmasa. Mangyari pa, sa esensya'y kaugnay ng liberalismo ang patakaran ng mabilisang pangangalap sa Lunsod ng Maynila, patakarang nagtakda ng pangangalap ng isandaang libong kasapi sa loob ng dalawang taon at nagbigay-daan sa pagpasok sa Partido ng mga ahente ng kaaway. Ang pinagbatayan ng patakarang ito ay pagtitiwalang personal. Isang kakutya-kutyang halimbawa ng liberalismo ang paghirang kay Taciano Rizal sa napakahalagang posisyon batay sa makitid na konsiderasyong taglay niya ang apelyido ng burges na pambansang bayaning si Jose Rizal.

Sa kabuuan, tinaglay ng lideratong Jesus Lava sa ilang panahon ang sektarismo ni Jose Lava. Sa loob ng ilang taon, ang liderato ng Partido na kinatawan ni Jesus ay gumamit ng mga sektaryong pamamaraan ng pananakot upang pasunurin ang mga kasapi ng Partido at marami ang pangyayaring may mga kadreng pinatay sa mababaw na kadahilanan. Batay sa hinala lamang, may mga kasapi ng Partido na ginawaran ng parusang kamatayan.

Nang manaig ang Kanang oportunismo, pinairal ng lideratong Jesus Lava ang liberalismo sa pagkupkop sa mga kasapi ng Partido na sinaway nitong lumahok sa rebolusyonaryong pakikibakang pangmasa. Ang pangunahing linya ng parlamentaryong pakikibaka ay tuluyang nabulid sa likidasyonismo. Dahil sa pagtakas ng mga lider ng Partido mula sa kanayunan tungo sa lunsod ay napabayaan ang mga organisasyon ng Partido sa kanayunan at lumitaw ang kapaha-pahamak na likidasyonistang patakarang "isang pila" na siyang lansakang sumira sa kolektibong buhay-organisasyon ng Partido, pumutol sa mga linya ng responsabilidad sa pagitan ng nakatataas na organo at nakabababang organo at ikinahiwalay ng Partido sa sambayanan.

Walang ibang natira sa lideratong Jesus Lava liban sa pangkalahatang kalihim; ito'y nag-iisang gumawa ng mga kapasyahan, nagpalabas ng mga "political transmission" mula sa isang tagong silid at gumawa ng mga paghirang sa matataas na posisyon sa Partido batay sa mga kaugnayang pang-angkan at personal. Sa huling dako ng mga taong 1950, ang mga pagkakataon sa muling pagbubuo ng mga yunit ng Partido at hukbo sa kanayunan ay lubusang pinalampas at maging ang parlamentaryong pakikibaka ay hindi maayos na naisagawa. Sa unang dako ng mga taong 1960 lamang naisagawa ng mga kasapi ng Partido na malaya sa hiwalay na liderato ng Partido ang muling pagtatayo ng Partido at pagtatatag ng mga organisasyong pangmasa.

Sa kabuuan, ang burges na reaksyonaryong linya ng mga Lava sa larangan ng organisasyon ay ang sakit na liberalismo, likidasyonismo at tuluy-tuloy na paglabag sa demokratikong sentralismo. Dapat ilunsad ang puspusang kilusang pagwawasto upang alisin ang mga ugat sa ideolohia, pulitika at organisasyon ng burges na reaksyonaryong linya ng mga Lava upang muling maitayo ang Partido ayon sa Marxismo- Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Ang reaksyonaryong linyang burges ng mga Lava ay makapagpapatuloy kung walang taimtim na pagsisikap na itakwil sa larangan ng organisasyon ang mga ahente nito sa ideolohia at pulitika sa loob ng Partido.

Party Constitution Bottom I II III IV V
Back to top


Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itatag ang Partido

NILALAMAN:



I. MARXISMO-LENINISMO-KAISIPANG MAO TSETUNG ANG PATNUBAY NATIN SA PAGPUNA SA SARILI AT MULING PAGTATAYO NG PARTIDO

II. PAGLALAGOM NG ATING KARANASAN AT PAGHANGO NG MGA REBOLUSYONARYONG ARAL

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

A. Pagtatatag ng Partido at ilegalisasyon nito
B. Pagsasanib ng Partido Komunista at ng Partido Sosyalista
K. Ang Partido sa panahon ng pananakop ng Hapon
D. Ang Partido sa pagbalik ng imperyalismong Amerikano
E. Ang Partido sa panahon ng adbenturismong militar
G. Ang Partido sa panahon ng patuloy na pagkatalong militar

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

A. Mga kahinaan sa ideolohia
B. Mga kamalian sa pulitika
K. Mga kamalian sa militar
D. Mga kamalian sa organisasyon

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

A. Pagtatayo ng Partido
B. Sandatahang pakikibaka
K. Ang pambansang nagkakaisang prente


Download Pilipino | English


Basahin sa Ingles

Basahin sa Hiligaynon


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.