Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

A. Mga kahinaan sa ideolohia

Ang pangunahing kahinaan sa ideolohia ng lahat ng naunang liderato ng Partido Komunista ng Pilipinas ay subhetibismo na nag-anyong dogmatismo at empirisismo at nagbunga ng mga Kanan at "Kaliwang" linyang oportunista. Ang Pilipinas, sa pagiging malakolonyal at malapyudal, ay may malaking petiburgesia na nagsisilbing batayang pangkasaysayan at panlipunan ng subhetibismo. Dahil sa umiiral ang Partido sa ganitong uri ng lipunan. Maaari itong magpakita ng mga tunguhing subhetibista mula sa labas at mula sa loob kung ito ay hindi alerto at maingat sa Marxista-Leninistang pagbubuo sa ideolohia.

Ang Partido ay maaaring pasukin ng malaki-laking bilang ng kasaping may oryentasyong petiburges (panggitnang magsasaka, intelektwal, tagayaring-kamay at iba pang maliit na produktor) na hindi nakapagbabago ng kanilang pananaw-sa-daigdig at paraan ng pag-iisip alinsunod sa Marxismo-Leninismo at hindi nakapagsasanib ng rebolusyonaryong praktika sa materyalismong dialektiko at materyalismong istoriko.

Bagamat karamihan sa mga naunang kasapi ng Partido ay nagmula sa uring manggagawa na kinatawan ni Kasamang Crisanto Evangelista, ang liderato ng Partido ay maling umasa nang malaki sa hayag, legal, parlamentaryo at panlunsod na mga kilos-pampulitika na ikinalumpo ng Partido Komunista ng Pilipinas nang ito'y ipagbawal ng mga imperyalistang Amerikano at mga alipuris nila. Sa pamamagitan ng rebolusyonaryo at lubusang proletaryong pananaw-sa-daigdig, nakilala sana ng Partido ang dialektika ng buong kalagayan sa Pilipinas at nagamit sana nito ang mga wastong paraan ng pakikibakang legal at ilegal.

Noong bandang 1935, samantalang ipinagbabawal ng mga kaaway sa uri ang Partido, marami-raming kasapi ng Partido na nagmula sa petiburgesia ang pumasok sa isang mabuway na lihim na Partido na nawalan ng tiyak na sentral na liderato; doo'y sinikap nilang ipagpatuloy ang gawaing pampulitika, dala-dala ang kanilang mga di-nababagong kaisipang petiburges at burges. Ang mga elementong petiburges na ito sa loob ng Partido ay pinangunahan ng mga kasaping nagtataglay ng malaking impluwensya ng agos ng empirisismo at Kanang oportunismong ikinalat ni Browder. Nang mga panahong iyon, ang Partido Komunista ng Pilipinas, sa tangkilik ng Komunistang Internasyonal, ay tinulungan ng Partido Komunista ng Estados Unidos sa pagtiyak na ang kadreng tulad ni Vicente Lava, na siyang naging namumunong kinatawan nito, ang magpapatuloy sa gawain ng Partido.

Ang empirisistang tipo ng subhetibismo ay ipinakita ng mga mahalagang patakaran at pangyayaring pampulitika tulad ng pangunahing diing ibinigay sa gawaing lunsod ng Partido bago sumiklab ang digmaang Pasipiko; sa pagsasanib ng Partido Sosyalista at Partido Komunista, na artipisyal na nagparami sa kasapian ng huli; sa Kanang preambulo sa saligang batas ng pagsasanib; sa kapitulasyon sa imperyalismong Amerikano at pamahalaang Komonwelt; sa kawalan ng anumang planong ilipat ang himpilan ng Partido mula sa lunsod tungo sa kanayunan; sa pagkakapagpatibay sa patakarang "umurong upang magtanggol" noong 1943 at sa paniniwala ni Vicente Lava na hindi maaaring magkaroon ng lideratong proletaryo sa kanayunan; sa linyang lantay na anti-Hapones sa panahon ng digmaan at sa paglipat ng mga sentral na organo ng Partido tungo sa lunsod makaraan ang digmang anti-Hapones; at sa mga lantarang kanang oportunistang patakaran nina Vicente Lava, Pedro Castro at Jorge Frianeza noong 1945 hanggang 1948.

Ang empirisismo ay sumisibol sa estatikong pagtantiyang napakahina ng demokratikong pwersa ng bayan at sa estatikong pagtantiyang napakalakas ng kaaway. Ang gawain ng Partido ay idinidikta ng kilos ng kaaway sa halip na dialektikong pag-unawa sa kalagayan at sa timbangan ng lakas. Nawawala ang rebolusyonaryong inisyatiba bunga ng estatiko, isahang-panig, baha-bahagi at makitid na pananaw hinggil sa mga pangangailangan ng pakikibakang antiimperyalista, antipyudal at antipasista.

Sa gayon, labis ang pagtutuon sa gawaing pampulitika sa lunsod dahil sa subhetibista at oportunistang pagnanasang makipagpaligsahan o makipagsabwatan sa mga partido at grupong burges at magsumamo para sa "demokratikong kapayapaan" mula sa mga imperyalistang Amerikano at katutubong reaksyonaryo sa sariling balwarte nila sa lunsod. Palibhasa'y lubhang minamaliit ang kahalagahan ng kanayunan, napababayaan ang rebolusyonaryong inisyatiba, ang indispensableng suporta ng masang magsasaka at ang isang malawak na lugar na makikilusan. Nariyan din ang personal na pagnanasa ng petiburges na magtamasa ng kaluwagan at prestihiyo ng buhay-lunsod.

Gayunman ay may kabilang mukha ang bagol ng subhetibismo. Sa pagitan ng 1948 at 1955, nanaig ang dogmatistang tipo ng subhetibismo sa unang dalawang taon ng lideratong Jose Lava at sa unang limang taon ng lideratong Jesus Lava. Ang dogmatismong ito ay sanhi ng pagtantiyang napakalakas ng demokratikong pwersa ng bayan at sa pagtantiyang napakahina ng kaaway, nang hindi lubos na isinasaalang-alang ang mahirap na kaparaanan ng matagalang digmang bayan. Sa ilalim ng lideratong Jose Lava, sinunod ang estratehikong linya na sa maikling panahon ng dalawang taon ay tiyak na maagaw ng Partido ang kapangyarihan sa buong bayan. Hindi lubusang isinaalang-alang ng lideratong Jose Lava na kailangan ang kongkreto at matagal na pagtatayo ng Partido, pagtatayo ng hukbong bayan at pagtatayo ng rebolusyonaryong pambansang nagkakaisang prente.

Ang lideratong Jose Lava ay nahaling sa mga "Kaliwang" islogan na wala namang kaugnayan sa buong batayang kalagayan; ito'y pagpapakita ng dogmatistang tipo ng subhetibismo. Kinagawian na ng lideratong ito ang estilo ng panggugulat sa mga kasama sa pamamagitan ng kaalamang-aklat at kaunting umano'y espesyal na kaalaman tungkol sa kalagayan ng daigdig at sa kaloob-loobang sirkulo ng kaaway. Batay sa ganitong kaalaman, ang lideratong ito ay gumawa ng mga desisyong labis na lumampas sa kakayahan at pang-unawa ng Partido at masa. Hindi nito pinansin ang matiyagang pagkilos sa hanay ng masa sa pagpapaunlad ng matagalang digmang bayan.

Sa kabilang dako, ang empirisistang tipo ng subhetibismong ipinakita ng lideratong Vicente Lava at lideratong Jesus Lava ay ang duwag na reaksyon sa kalamangang militar ng kaaway. Gumamit ang mga lideratong ito ng pasibong linya sa estratehia at taktika. Kinaligtaan nila ang posibleng pag-unlad ng mga rebolusyonaryong prinsipyo at patakaran na tumpak na ginagamit at inilalapat batay sa mga panloob na batas ng pag-unlad ng kasaysayan at lipunang Pilipino. Napatangay na lamang sila sa agos ng pagkatalo nang hindi nagsisikap na agawin ang rebolusyonaryong inisyatiba.

Ang empirisismo at dogmatismo ay dalawang mukha ng iisang petiburges na bagol. Isang ikot sa bagol ng subhetismo at kagyat na makikita ang gayo't ganitong mukha. Ang pangunahing kamaliang subhetibista ng lideratong Vicente Lava ay empirisismo at ang pangunahing kamaliang subhetibista ng lideratong Jose Lava ay dogmatismo. Ang mga kamaliang ito ay nagmumula sa iisang petiburges na sakit ng subhetibismo na ipinaghihirap ng Partido at nagdudulot ng kapahamakan sa kilusang rebolusyonaryo.

Ang mga pagbaligtad mula sa empirisismo tungo sa dogmatismo at mula sa dogmatismo tungo sa empirisismo ay karaniwan sa mga nagtataglay pa ng petiburges na pananaw-sa-daigdig. Gayunman, kung ang isa ang pangunahing mukha ng isang subhetibistang paninindigan, tiyak na ang isa naman ang pangalawang mukha at ang pangalawang mukha ay nagiging pangunahing mukha sa ibang pagkakataon. Ito ang dialektikong relasyon ng empirisismo at dogmatismo. Hindi dapat pagtakhan ng mga kasama kung bakit sa ilalim ng isang lideratong dogmatista ay nagkakaroon ng mga kaso ng empirisimo; pagkakatulad ng dogmatismo at empirisismo ang paggamit ng makitid at limitadong karanasan bilang batayan ng pangkabuuang kapasyahang subhetibista. Hindi rin dapat pagtakhan ng mga kasama kung bakit ang isang lideratong may petibuges na pananaw ay patuloy na magpapabaling-baling sa empirisismo at dogmatismo. Hindi masapol ng lahat ng subhetibista ang mga batas ng dialektikong pag-unlad kaya sila'y nagiging mabuway at padalus-dalos.

Noong 1951, ipinagpatuloy ng lideratong Jesus Lava ang dogmatistang linya ng lideratong Jose Lava. Ngunit makaraan ang ilang taon, nagsimulang manaig ang empirisistang tipo ng subhetibismo bunga ng mga pagkatalong militar. sinimulang tantiyahin ng lideratong Jesus Lava na napakalakas ng kaaway at itinaguyod ang parlamentaryong pakiibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka, iniwan ang kanayunan at pagkatapos, ginamit ang patakarang "isang pila" batay sa makitid nitong karanasang indibidwal.

Sa paglalagom sa sunud-sunod na subhetibistang liderato, masasabi nating sina Vicente Lava, Jose Lava at Jesus Lava ang may pananagutan sa petiburges na sakit sa matagal nang ipinaghihirap ng Partido Komunista ng Pilipinas. Patuloy na isinusulong ng burges na reaksyonaryong linyang mga Lava ang rebisyonismo sa Pilipinas. Sa esensya ito'y ang di-pagkakaunawa sa rebolusyonaryong ideolohiang proletaryo at di paggamit ng mga Lava sa liderato ng Partido sa nakaraang mahigit na tatlumpong taon ay dahilan kung bakit mahina pa ang Partido Komunista ng Pilipinas. Bagamat naisiwalat ang mga kamaliang pampulitika ng bawat lideratong Lava dahil sa malulubhang pinsala, wala namang isinagawang puspusang kilusang pagwawasto upang isiwalat at iwasto ang mga saligang kamalian sa ideolohia.

Sa kabila ng katotohanang malaking pinsala sa Partido ang idinulot ng subhetibismo ni Vicente Lava na ipinahayag sa kanyang patakarang "umurong upang magtanggol", walang inilunsad na kilusang pagwawasto ng sana'y nakapigil sa mga Kanang oportunistang kamalian sa mga sumunod na taon matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Gayundin, sa kabila ng malulubhang kamaliang nagawa ng lideratong Jose Lava, ang sumunod na liderato ay hindi gumawa ng anumang puspusang kilusang pagwawasto. Hanggang ngayon, sa kabila ng malulubhang kamalian ng lideratong Jesus Lava at ng iba pang naunang liderato, mayroon pang malakas na pagtutol sa pagwawasto sa ideolohia, pulitika at organisasyon. Ang Partido ay masasadlak sa sunud-sunod na mga pagkakamali kung walang sistematiko at obhetibong pagsusuri ng bawat kamalian sa ideolohia, pulitika at organisasyon.

Ang pagpapasa-pasa ng liderato ng Partido mula sa isang kapatid tungod sa isa pang kapatid, kaisa-isang pangyayari sa buong pandaigdigang kilusang komunista, ay napakalinaw na sintoma ng subhetibismong nanaig sa loob ng Partido.

Ang burges na reaksyonaryong linyang mga Lava ay malakihang karerismo sa loob ng Partido. Nilikha ang isang mapanganib na kalakaran ng pamamahagi ng panunungkulan sa Partido sa mga kamag-anak batay sa personal na tiwala sa halip na sa pang-ideolohia at tunay na pagtitiwala ng Partido. Sa ganitong paraan ay laging may naaasahang mekanikal, isip-alipin at artipisyal na mayorya upang sunud-sunod na ihalal ang magkakapatid na Lava bilang mga pangkalahatang kalihim ng Partido.

Umiiral pa ang kasamaang subhetibismo sa loob ng Partido at ito'y dapat sugpuin. Nakikita pa ito sa anyo ng sentamentalismo ng mga nakatatandang kadreng tumanggap ng kanilang pagsasanay na pang-ideolohia sa mga naunang liderato. May pagkasentimental na kinikilala nila ang mga personal na sakripisyo ng magkakapatid na Lava ngunit hindi naman nila nakikita kung gaano karaming buhay ng mamamayan at kadre ang ibinuwis sa altar ng subhetibistang kamalian at kabiguan at hindi nila nakikitang ang tinatawag na personal na sakripisyo ng magkakapatid na Lava ay bunga mismo ng kanilang mga subhetibistang kamalian at kabiguan.

Ang sentimentalismong ito ay nagiging hadlang sa pagwawasto ng mga kamalian sa ideolohia, pulitika at organisasyon. Nalalakipan ito ng subhetibistang paghanga sa matataas na burges na titulong akademiko ng ilang kadre. Ito ay lumilitaw rin sa anyo ng personal na pagtitiwala sa mga taong sinanay sa ideolohia at binasbasan ng sunud-sunod na lideratong Lava.

Ang burges na reaksyonaryong linya ng mga Lava na umiral batay sa subhetibismo ay siya ngayong nagpapausbong sa makabagong rebisyonismo sa Pilipinas. Yayamang matibay ang ating pasyang muling itayo ang Partido, ang burges na reaksyonaryong linya ng mga Lava at lahat ng kamalian ng subhetibismo ay dapat matatag na bakahin at tanggalin sa pamamagitan ng puspusang kilusang pagwawasto. Sa paglulunsad ng kilusang ito, hindi gaanong mga katauhan ng "dinastiyang" Lava ang pakay natin; ang pakay natin ay ang pagwawasto ng mga subhetibistang kamalian. Kung walang kilusang pagwawasto, kung walang pang-ideolohiyang pagpapatatag ng Partido, ang makabagong rebisyonismo ay yayabong upang disarmahan at papanghinain ang demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ang rebisyonismong Lava ay ilampung taon nang nananatili sa loob ng Partido dahil sa hindi kailanman nagkaroon nga kilusang pagwawasto tulad ng ipinakita ni Kasamang Mao Tsetung sa loob ng Partido Komunista ng Tsina na ipinapasya nating gawin ngayon. Ang kilusang pagwwasto sa loob ng Partido Komunista Pilipinas, ang ubod ng diktadurang proletaryo, ay dapat isagawa sa Marxista-Leninistang paraang inilulunsad ang rebolusyong pangkultura sa estadong proletaryo upang bakahin ang kanang oportunismo at makabagong rebisyonismo.

Empirisismo ang nangingibabaw na anyo ng subhetibismong kinatangian ng mga lideratong Lava. Ang dogmatistang liderato ng Jose Lava at bahagi ng kay Jesus Lava ay humigit-kumulang sa pitong taon ng "Kaliwang" panahong napapaloob sa mahigit na tatlumpung taong empirisismo na pangunahing isinagawa ng mga lideratong Vicente Lava at Jesus Lava. Ang empirisismo sa pilosopia ay nagbubunga ng Kanang oportunismo sa pulitika. Ang empirisismo at kanang oportunismo ay siya namang batayan ng makabagong rebisyonismo na masugid na ipinaglalako ng taksil na pangkating neoburges at rebisyonista sa Mosku. Sa kasalukuyan, ang makabagong rebisyonismo ay bigong nagsusumikap na magpalawak. Dapat itong puspusan at dibdibang bakahin ng Partido Komunista ng Pilipinas, lalo na ngayong muling itinatayo ang Partido.

Party Constitution Bottom I II III IV V
Back to top


Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itatag ang Partido

NILALAMAN:



I. MARXISMO-LENINISMO-KAISIPANG MAO TSETUNG ANG PATNUBAY NATIN SA PAGPUNA SA SARILI AT MULING PAGTATAYO NG PARTIDO

II. PAGLALAGOM NG ATING KARANASAN AT PAGHANGO NG MGA REBOLUSYONARYONG ARAL

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

A. Pagtatatag ng Partido at ilegalisasyon nito
B. Pagsasanib ng Partido Komunista at ng Partido Sosyalista
K. Ang Partido sa panahon ng pananakop ng Hapon
D. Ang Partido sa pagbalik ng imperyalismong Amerikano
E. Ang Partido sa panahon ng adbenturismong militar
G. Ang Partido sa panahon ng patuloy na pagkatalong militar

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

A. Mga kahinaan sa ideolohia
B. Mga kamalian sa pulitika
K. Mga kamalian sa militar
D. Mga kamalian sa organisasyon

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

A. Pagtatayo ng Partido
B. Sandatahang pakikibaka
K. Ang pambansang nagkakaisang prente


Download Pilipino | English


Basahin sa Ingles

Basahin sa Hiligaynon


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.