Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

K. Mga kamalian sa militar

Ang mga kamalian sa ideolohia at pulitika ay laging humahantong sa mga kamalian sa sandatahang pakikibaka. Ang partidong hindi nagbibigay ng nasusing pansin sa ugnayang ito ay tiyak na mabibigong gampanan ang sentral na rebolusyonaryong tungkuling agawin at patatagin ang kapangyarihang pampulitika.

Sandatahang pakikibaka ang pangunahing sandata ng Partido Komunista ng Pilipinas sa pagtupad sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Tulad ng itinuro sa atin ni Kasamang Mao Tsetung sa kanyang teorya at praktika ng rebolusyong Tsino, kung walang hukbong bayan sa pamumuno ng Partido ay wala kahit ano ang sambayanan. Palibhasa'y nasa bayang malakolonyal at malapyudal, dapat pagsanibin ng ating Partido ang tatlong mahalaga at hindi mapaghihiwalay na sangkap sa paglulunsad ng digmang bayan sa kanayunan: ang sandatahang pakikibaka, ang rebolusyong agraryo at ang pagtatayo ng mga baseng bukid.

Sa unang labindalawang taong pag-iral ng Partido, mula 1930 hanggang 1942, ang Partido ay hindi kaagad nagpaunlad ng tatlong sangkap na ito. Noong 1931, nagkaroon ito ng unang kongkretong karanasan ng panunupil ng imperyalismong Amerikano at mga tuta nito. Taglay ng lahat ng sandata sa pamimilit na magagamit nito, nagtagumpay ang reaksyonaryong estado sa paglikha ng malulubhang kahirapan sa Partido sa loob ng maraming taon.

Nang sa wakas ay buuin ng Partido ang pwersang gerilya ng Hukbalahap batay sa pagtatanggol na anti-Hapones ng sambayanan, ang liderato ng Partido ay hindi nagkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa mga pangangailangan upang maglunsad ng digmang bayan. Nang maranasan ng Partido at hukbo ang unang pagkatalo sa kamay ng mga pasistang Hapones, pinagtibay ng liderato ng Partido ang patakarang "umurong upang magtanggol". Ang patakarang ito'y kinapalooban ng pagbubuwag sa mga "iskwadron" ng Hukbalahap at pagtatayo ng maliliit na yunit na binubuo ng tatlo hanggang lima katao lamang sa panahong kailangan ng hukbong bayan na magtipon ng malaki-laking pwersa upang bigyan ng matitinding dagok ang mga nakahiwalay na bahagi ng pwersa ng manlulusob na Hapones at mga mersenaryo nito. Ang pagkakalansag sa mga "iskwadron" ng Hukbalahap ay nagkaroon ng matagalang mapanirang epekto sa hukbong bayan.

Kinailangang talikdan ng liderato ng Partido ang patakarang "umurong upang magtanggol" at muling buuin ang mga "iskwadron" ng hukbo sa harap ng magiit na kahilingan ng bayan na lipulin ang kaaway. Gayunman, nang bumalik ang imperyalismong Amerikano upang muling sakupin ang Pilipinas ay muling isinuko ng liderato ng Partido at Hukbalahap sa pwersang USAFFE ang inisyatiba sa militar. Ang mga "iskwadron" ng Hukbalahap ay handang-handa tumanggap at tumulong lamang sa nagbalik na mananakop na pwersang Amerikano gayong ang dapat na ginawa ay panatilihing bukod ang kanilang pwersa sa pakikibaka sa kaaway. Handang-handa ang liderato ng Partido na isuko sa imperyalismong Amerikano ang inisyatiba sa militar sapagkat desidido na itong bumalik sa lunsod at lumahok sa mapayapang parlamentaryong pakikibaka.

Kahit noong inatake ng imperyalismong Amerikano ang mga mamamayan at ang hukbong bayan sa kampanyang panumbalikin ang kapangyarihan ng panginoong maylupa sa mga lugar na kontrolado ng Partido at hukbo, ang lideratong Partido ay nag-utos na buwagin ang mga sandatahang yunit ng hukbong bayan sa ilalim ng maling bandila ng "demokratikong kapayapaan" hindi tulad sa Tsina at ibang bayan sa Asya na ang talibang Partido ay humawak pa rin sa sandata nito at nakibaka.

Sa ilalim ng lideratong Jose Lava, ang kamalian ng adbenturismong militar at pananaw na lantay-militar ay nagpatuloy bilang sukdulang reaksyon sa Kanang oportunismo. Ang petiburges na pananaw-sa-daigdig na ito ang pinag-ugatan ng "Kaliwang" subhetibistang kamalian ng adbenturismong militar. Dahil sa pananaw na ito hindi naunawaan ng liderato ng Partido ang mga batas ng pag-unlad ng digmang bayan sa lipunang Pilipino at sa gayo'y hindi nakapagharap ng wastong estratehia at mga taktika.

Tanda ng lideratong Jose Lava ang kapusukang militar at petiburges na pagkabenggatibo sa loob at labas ng Partido. Ngunit ang ikinatulad ng "Kaliwang" oportunismo sa Kanang oportunismo na nilabanan nito ay ang petiburges na ilusyong ang sandatahang lakas ng bayan ay mapamumunuan mula sa lunsod at ang lunsod ng Maynila, pinakamalakas na base ng burges na kapangyarihang estado, ay madaling maaagaw nang hindi nagtatayo ng mga baseng bukid.

Ang makasariling pagnanais na agawin ang kapangyarihan sa lunsod sa nakapakaikling panahong dalawang taong nang hindi naglalatag ng malawak na pundasyon sa hanay ng mamamayan ay nagpapakita ng kawalan ng pagkaunawa sa matagalang digmang bayan. Nang sumulpot ang "Kaliwang" oportunismo bilang pangunahing aspekto ng lideratong Jose Lava, ang Kanang oportunismo naman ay nagpatuloy bilang pangalawang aspekto o pailalim na agos na kinatawanan ni Luis Taruc. Dahil sa tantiyang mahina ang kapangyarihan ng mga reaksyonaryong naghaharing uri sapagkat niyayanig ito ng panloob na hidwaan, ang lideratong Jose Lava ay nag-utos na mga papet na tropang Pilipino lamang ang patamaan at mahigpit na iwasan ang pagsalakay sa mga tauhang militar na Amerikano.

Ang pagmamaliit sa suportang militar na Amerikano sa mga katutubong reaksyonaryo ay "Kaliwang" oportunismo sa kabuuan. Kaalinsabay nito, nagkaroon ng maling paniniwala na ang pag-iwas sa pakikipagsagupaan sa mga tauhang militar na Amerikano ay lalong ikadadali ng pakikipaglaban ng Pulang hukbo. Ito ay Kanang oportunismong nagkukubli sa "Kaliwang" oportunismo at labi pa rin ng kontrarebolusyonaryong Kanang linya noong digmang anti-Hapones na nagsasaad na ang Estados Unidos ay babalik sa Pilipinas upang papanumbalikin ang "demokratikong kapayapaan" matapos talunin ang mga pasistang Hapones.

"Kaliwang" oportunismo ang umasa sa madaliang tagumpay na militar batay sa mga di-tiyak na dahilan, tulad ng ilusyong ang mga burges na pulitikong sina Laurel at Rodriquez ay mamumuno ng mga pagbabangon laban sa pamahalaang Quirino mula sa Batangas at Rizal kasabay ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan. Gayunman, ang elemento ng Kanang oportunismo ay matatagpuan sa pagbibigay sa mga burges na pulitiko ng mapagpasyang tungkulin sa napakasentral na usaping tulad ng aktwal na pag-agaw ng kapangyarihan. Nang mga panahong iyon, ang HMB ay wala pang sapat na lakas upang sakupin ang Maynila; hindi hihigit sa 3,000 Pulang sundalo ang matitipon para sa naturang layunin na tiyak na labis na ikababanat ng sandatahang lakas ng bayan sa iba pang lugar.

Ang nangingibabaw na "Kaliwang" oportunistang linya ng lideratong Jose Lava ay nakita sa pagpapalabas ng mga kautusang militar para sa sandatahang lakas ng bayan sa kanayunan mula sa Secretariat o Politburo-In na nakabase sa lunsod. Maging sa kanayunan, ang Politburo-Out ay malayo sa mga pangunahing pwersang militar at umasa sa pagkukubli sa halip na sa pagpapaunlad ng mga matatag na baseng bukid na dapat sana nitong inasahan. Sa pagitan ng liderato ng Partido at ng masa ay mayroon pang malaking agwat na binubuo ng mga di-matatag na lugar sa Gitnang Luson at mga lubusang Puting purok sa Timog Luson.

Samantalang ang himpilan ng Partido sa lunsod ay malayo sa Politburo-Out at ang huli ay malayo rin sa pangunahing pwersa ng hukbong bayan, ibinaba ang mga kautusan para sa sandatahang lakas ng bayan na lumundag sa mga di-matatag at di-mapagkakatiwalaang purok upang sabay-sabay na salakayin ang magkakalayong target, tulad ng mga kampong militar, lunsod at kabisera ng lalawigan. Ang sandatahang pagkilos na ito ay labis na ikinabanat ng pwersa ng hukbong bayan at lalong ikinahina ng banat-na-banat nang linya ng komunikasyon at panustos. Ang mga pagsalakay na isinagawa ng hukbong bayan noong Marso 29 at Agosto 26, 1950 alinsunod sa "Mga Resolusyon ng Politburo" ng Enero 1950 ay lubusang nagpakita ng adbenturistang kapusukan ng lideratong Jose Lava. Sa buod, hindi nito kinilala sa dialektikong paraan ang kakayahan ng kaaway na maglunsad ng ganting-salakay na sisira sa banat-na-banat na linyang nag-uugnay sa Politburo-Out at mga panrehiyong pamatnugutan (Reco) at iba't iba pa. Ang kaaway ay gumanting-salakay nga makaraan ang pananalakay noong Marso at Agosto sa pamamagitan ng 25,000 tropang itinalaga laban sa hukbong bayan na mas maliit ang bilang at nakakalat sa buong Gitnang Luson, Maynila, Rizal, Bicol at Panay.

Hindi nalaunan matapos ang pananalakay ng Agosto 26, ang himpilan ng Partido sa lunsod ay sistematikong winasak ng kaaway noong Oktubre 1950. Batay sa saklaw ng tagumpay ng panunupil na ito ang kaaway, ang mabilisang pangangalap ng mga kasapi ng Partido sa lunsod ay napatunayang kahangalan at labag sa pangangailangang maging depensibo at lihim ang gawaing lunsod ng Partido. Ang pinakamataas na organo ng Partido mismo ay napasok ng kaaway.

Ang mga kabiguan sa patakarang militar hinggil sa kaaway ay napalala ng di-tumpak na paghawak sa mga Pulang kadre at mandirigma. Sa likod ng "Bolsebisasyon", ang lideratong Jose Lava ay nagpataw ng mabibigat na parusa sa mga natuklasang nakagawa ng kahit maliliit na kamalian. Ang parusang kamatayan ay ipinataw sa mga kadre at mandirigma kahit makasasapat na ang mas magaang na kaparusahan. Sa pagpapataw ng parusa, hindi lubusang isinaalang-alang ang kasaysayan ng buhay ng mga nagkamaling kadre at mandirigma at kadalasan ay inihihiwalay sa mga kalagayan ang kagyat na kamalian. Ang inakalang "Bolsebisasyon" sa katunayan ay ang mga alituntunin sa digmaan mula sa mga burges na aklat-militar. Habang dumarami ang pagkatalo ng hukbong bayan ay lumala nang lumala ang maling paghawak na ito sa mga kadre at mandirigma at sumulpot ang tunguhin sa pagkakalansag.

Sa petiburges na kasabikang mang-agaw ng kapangyarihan, inatasan ng lideratong Jose Lava ang mga organo ng Partido na papangibabawin ang pananaw-militar, gawing mas nakararami ang mga artikulong militar at teknikal sa HMB BULLETIN at pag-aralan at gamiting saligang patnubay sa pagsasanay ang 90-linggong MASTER TRAINING SCHEDULE - isang aklat na ginagamit ng Hukbo ng Estados Unidos at ng reaksyonaryong Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Ipinakikita ng mga partikular na halimbawang ito ang ganap na kawalan ng pagkaunawa sa kalikasan ng digmang bayan.

Nang nanghihina na ang sandatahang pakikibaka sa huling dako ng 1951, lumala ang kamalian sa paghawak ng ugnayan ng hukbong bayan at mga mamamayan. Ibinukod ang kaibigang baryo sa kaaway na baryo. Ang pagbubukod na ito ay ginawa hindi upang maglunsad ng tumpak na kampanyang propaganda para hikayatin ang mga mamamayan na ituring tayong kaibigan sa halip na kaaway, kundi upang gumawa ng mga mapaghiganti at mapandambong na pananalakay maging sa mga karaniwang magsasaka na ang ilan ay kinumpiskahan ng mga hayop upang may makain ang mga nagigipit na mandirigma ng hukbong bayan. Hindi lubusang nabatid na bukod sa pagiging puwersang panlaban, ang hukbong bayan ay isa ring pwersang pampropaganda at pamproduksyon.

Bunga ng malulubhang kamalian ng lideratong Jose Lava at mabisang ganting-salakay ng kaaway, lalong lumitaw ang tunguhing pangkat ng rebeldeng lagalag at ang pagkabulok ng ilan sa mga pangkat na ito. Ang kawalan ng tunay na disiplinang proletaryo, ang walang habas na pagkakalat sa hukbong bayan at ang kaugnay na kawalan ng epektibong sentral na pamamatnugot ay ikinasadlak ng Partido sa sunud-sunod na kapahamakan.

Nang umakyat sa pamatnugutan ang lideratong Jesus Lava, nagpatuloy ang "Kaliwang" oportunismo sa anyo ng mga tunguhing rebeldeng lagalag na batay sa sapilitang pagkakalat ng mga sandatahang yunit. Sapagkat walang pangunahing sandatahang pwersa ang sentral na pamatnugutan, ang mga nakakalat na sandatahang yunit na ginigipit na ng malawakang operasyong "pagkubkob at paglipol" na isinagawa ng reaksyonaryong hukbo ay nakagawa, sa ngalan ng "pakikibaka upang mabuhay" o "pakikibakang pang-ekonomia", ng maraming pang-aabuso at pagmamalabis na sinamantala ng kaaway sa mga operasyong "psy-war". Sa pagsamantala sa tunay na pang-aabuso at pagmamalabis ng "hukbong bayan", ang reaksyonaryong hukbo ay sistematikong gumamit ng tropang nakasibilyan upang gumawa rin ng pang-aabuso at pagmamalabis at ibinintang iyon sa hukbong bayan. Nasamantala ng kaaway ang malalim na linya ng sektarismo sa loob ng liderato ng Partido nina Jose at Jesus Lava.

Hindi maiwawasto ng lideratong Jesus Lava ang adbenturismong militar ng lideratong Jose Lava sapagkat wala itong masaklaw na pagkaunawa sa kalikasan at mga pangangailangan ng digmang bayan. Wala itong kaalam-alam kung paano ilulunsad ang digmang bayan sa yugto ng depensibang estratehiko at mga opensibang taktikal. Tulad ng dati, wala itong kaalam-alam kung paano lalansagin ang isang kampanya ng kaaway sa pagkubkob at paglipol. Dahil sa hindi nito nasapol ang Marxismo-Leninismo, hindi kailanman nito nabuo ng muli ang nakakalat na sandatahang yunit ng hukbong bayan na patuloy na dinumog ng reaksyonaryong hukbo mula noong 1951 hanggang 1955.

Noong 1955, sa kalagayan ng pagkatalong militar, sinunod ng lideratong Jesus Lava ang isang Kanang linya at itinaguyod ang parlamentaryong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka. Likidasyonismo ang naging sala ni Jesus Lava nang aktwal na binuwag niya ang mga sandatahang yunit kabilang ang kanyang sariling armadong gwardya at pinili niyang mamuhay na isang puganateng-lunsod. Ang mga indibidwal na pagtakas ng punong komander ng hukbong bayan na si Castro Alejandrino at ng pangkalahatang kalihim ng Partido na si Jesus Lava mula sa kanayunan tungo sa lunsod at ang sumunod na pagkakadakip sa kanila sa lunsod ay malinaw na nagpapatunay sa maling linyang militar ng liderato ng Partido.

Sa purok ng Reco 2 lamang, lalo na sa lalawigan ng Pampanga at sa ilang bahagi ng Tarlac, Bataan at Nueva Ecija, nagpapatuloy ang mga nalabi sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan. Ang naglulunsad ngayon ng sandatahang pakikibaka ay hindi yaong parang aliping sumunod sa liderato ng mga Lava. Gayunman, dapat ilunsad laluna sa mga lugar na iyon ang puspusang pagwawasto sa burges na reaksyonaryong linya ng mga Lava at sa kapitulasyonismo ni Luis Taruc. Dapat iwasto roon ang mga tunguhin at ugaling rebeldeng lagalag. Ang dapat pausbungin ay isang tunay na hukbong bayan na nasa epektibong pamamatnugot ng isang partidong pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, isang hukbong bayan na nagsisilbing sandata ng rebolusyong agraryo at nagtatayo ng mga matatag na base.

Naging disbentahe sa Partido ang pagkakatatag ng pwersa nito sa mga lugar lamang ng Kamaynilaan, Gitnang Luson at sa ilang bahagi ng Timog Katagalugan bagamat may estratehikong kahalagahan ang mga lugar na ito sapagkat dito nakatipon ang burges na kapangyarihang estado sa kapuluan. Gayunman, dapat bumuo ng bagong estratehia at mga taktikang militar alinsunod sa Kaisipang Mao Tsetung, na lubusang nagsasaalang-alang sa mahihinang bahagi ng burges na kapangyarihang estado batay sa makauring pagsusuri at gumagamit sa kapuluan na sa una'y disbentahe upang maging matagalang bentahe para sa Partido at hukbong bayan. Dapat isaalang-alang nang mabuti ang pagpapaunlad sa pangunahing lakas militar ng sambayanan at mga baseng bukid sa Luson bukod pa sa mga nasa Gitnang Luson; at dapat gamitin ang iba pang pulo sa Kabisayaan at Mindanaw upang ikalat at papanghinain ang pangunahing lakas ng kaaway na nakatipon sa Luson.

Party Constitution Bottom I II III IV V
Back to top


Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itatag ang Partido

NILALAMAN:



I. MARXISMO-LENINISMO-KAISIPANG MAO TSETUNG ANG PATNUBAY NATIN SA PAGPUNA SA SARILI AT MULING PAGTATAYO NG PARTIDO

II. PAGLALAGOM NG ATING KARANASAN AT PAGHANGO NG MGA REBOLUSYONARYONG ARAL

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

A. Pagtatatag ng Partido at ilegalisasyon nito
B. Pagsasanib ng Partido Komunista at ng Partido Sosyalista
K. Ang Partido sa panahon ng pananakop ng Hapon
D. Ang Partido sa pagbalik ng imperyalismong Amerikano
E. Ang Partido sa panahon ng adbenturismong militar
G. Ang Partido sa panahon ng patuloy na pagkatalong militar

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

A. Mga kahinaan sa ideolohia
B. Mga kamalian sa pulitika
K. Mga kamalian sa militar
D. Mga kamalian sa organisasyon

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

A. Pagtatayo ng Partido
B. Sandatahang pakikibaka
K. Ang pambansang nagkakaisang prente


Download Pilipino | English


Basahin sa Ingles

Basahin sa Hiligaynon


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.