Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

K. Ang pambansang nagkakaisang prente

Ang pambansang nagkakaisang prente ay di-maihihiwalay na bahagi ng linyang pampulitika ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang rebolusyong Pilipino ay rebolusyon ng masang anakpawis laban sa imperyalismong Amerikano, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Ang pambansang nagkakaisang prente ay dapat maglingkod sa linyang pampulitikang ito.

Kataas-taasang tungkulin ng demokratikong rebolusyon ng bayan ang pag-agaw ng kapangyarihang estado sa pamamagitan ng sandatahang lakas at pagpapatatag sa demokratikong kapangyarihan ng bayan bilang transisyonal na yugto tungo sa sosyalismo. Ang pambansang nagkakaisang prente ay dapat maglingkod sa sentral na tungkuling ito. Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay nakatayong matatag na humahawak at gumagamit ng dalawang sandata, ang sandatahang pakikibaka at ang pambansang nagkakaisang prente, laban sa kaaway. Sa pamamagitan ng pambansang nagkakaisang prente, ang Partido ay nagpapalawak ng impluwensya nito sa pulitika at nagtatamo ng pinakamalawak na suporta ng masa at iba pang progresibong uri at saray habang nagtatatag ng nagsasariling lakas ng namumunong uri, ang proletaryado, sa pamamagitan ng digmang pambansa o rebolusyong agraryo na pangunahing suportado ng uring magsasaka.

Dahil sa hindi nalinaw at nagamit nang tumpak ang pambansang nagkakaisang prente bilang sandata ng demokratikong rebolusyon ng bayan, ang mga naunang liderato ng Partido ay may pananagutan sa maraming rebisyonistang maling palagay tungkol dito. May mga nagtuturing na ang pambansang nagkakaisang prente ay kasalungat ng sandatahang pakikibaka. Labag sa Marxista-Leninistang teorya ng estado at rebolusyon, ipinalalagay rin nilang pangunahing sandata ang pormal na organisasyon ng pambansang nagkakaisang prente at pangunahing anyo ng pakikibaka ang parlamentaryong pakikibaka. Ang mga Lava ay pangunahing may pananagutan sa rebisyonismong ito, sa pagkakanulong ito sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung.

Bago sumiklab ang digmang anti-Hapones, ang Prente Popular ay itinuturing ng liderato ng Partido bilang lisensya lamang upang pangunahing lumahok sa parlamentaryong pakikibaka; walang ginawang puspusang paghahanda para sa sandatahang pakikibakang antipasista. Nang sumiklab ang digmaan, kakutya-kutyang ipinamarali ng mga kanang oportunista ang anti-pasistang nagkakaisang prente laban sa Hapon bilang panay-alyansang "pakikipag-isang prente" sa imperyalismong Amerikano at pamahalaang Komonwelt lamang kaya'y napalabo ang linya ng paglaban sa pagbabalik ng imperyalismong Amerikano at ng papet na pamahalaang Komonwelt nito. Pagkaraan ng digmang anti-Hapones, ginampanan ng Democratic Alliance, bilang pormal na organisasyon ng nagkakaisang prente, ang liderato sa lahat ng progesibong pwersa; at ginampanan ng mga burges na personaheng malapit sa magkakapatid na Lava ang liderato at inisyatiba roon. Ang Partido ay nawalan ng lakas, inisyatiba at kasarinlan nang ipasya ng liderato nito na magsalong ng sandata at pangunahing lumahok sa parlamentaryong pakikibaka sa pamamagitan ng Democratic Alliance.

Hanggang ngayon, may maling palagay na itinataguyod ng mga Kanang oportunista at rebisyonista na ang pambansang nagkakaisang prente ay dapat laging magkaroon ng tiyak na anyong pang-organisasyon tulad ng Democratic Alliance o ng Movement for the Advancement of Nationalism (Makabansang Adhikaing Nagkakaisa) na may pagkakaisang alang-alang sa parlamentaryong pakikibaka ay dapat panatilihin sa lahat ng paraan at nang higit sa lahat. Sa malawak na karanasan ng mga matagumpay na kilusang rebolusyonaryo, ang pambansang nagkakaisang prente ay hindi kailangang magkaroon ng pormal na organisasyon. Hindi rin limitado sa parlamentaryong pakikibaka ang tungkulin nito. Sa katunayan, ang pinakamahusay na anyo ng nagkakaisang prente ay yaong ang partido ay may kasarinlan at may pinamamatnugutang malakas na hukbong bayan. Kung kalahok ang Partido sa anumang pormal na organisasyon ng nagkakaisang prente sa takbo ng sandatahan o legal na pakikibaka, ito ay dapat laging handa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling lakas at inisyatiba upang harapin ang anumang pagkakanulo o kompromiso sa kaaway na maaaring gawin ng pambansang burgesia dahil sa dalawahang katangiang makauri nito.

Ang pangunahing usapin sa pambansang nagkakaisang prente ay kung ang rebolusyonaryong makauring lideratong proletaryo ang namumuno sa lahat ng iba pang progresibong pwersa na sama-samang nakikibaka sa kaaway sa larangang sandatahan o legal. Mayroon man o walang pormal na organisasyon ng nagkakaisang prente, dapat panatilihin ng Partido Komunista ng Pilipinas ang rebolusyonaryong tungkuling pantaliba nito, ang kasarinlan at inisyatiba nito.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay dapat lumahok sa pambansang nagkakaisang prente upang magamit ang lahat ng positibong pwersa sa larangang sandatahan at legal laban sa kaaway. Ang patakaran ng pambansang nagkakaisang prente ay isinasagawa upang palawakin ang impluwensya ng rebolusyonaryong sandatahang lakas, ihiwalay ang kaaway at ang mga pusakal na elemento nito at kunin ang malawak na masa ng sambayanan para sa demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ang espesyal na tungkulin ng pambansang nagkakaisang prente ay himukin sa ating panig ang mga panggitnang pwersa at elemento upang ihiwalay ang mga pusakal sa hanay ng kaaway. Upang matupad ito, ang Partido ay dapat gumawa ng malinaw at paulit-ulit na pagsusuri sa uri na magbubukod sa mga panggitnang pwersa at elemento mula sa mga pusakal na reaksyonaryo, sa mga pangunahing kaaway mula sa mga pangalawang kaaway, sa mga kaaway ngayon mula sa mga kaaway bukas; at sa hanay ng mga kaibigan, sa mga maaasahan mula sa mga di-maaasahan.

Ang patakaran ng pambansang nagkakaisang pente ng Partido ay isang patakarang proletaryo hinggil sa mga uri sa lipunang Pilipino. Sa pagpapaunlad ng pambansang nagkakaisang prente, dapat nating makilala ang mga kaaway sa mga kaibigan at bise bersa. Sinabi ng Tagapangulong Mao: Sinu-sino ang ating kaaway? Sinu-sino ang ating kaibigan? Ito ay katanungang may pangunahing kahalagahan sa rebolusyon... ang rebolusyonaryong Partido ang patnubay ng masa at walang rebolusyong magtatagumpay kailanman kung ililigaw sila ng rebolusyonaryong Partido. Upang matiyak na talagang maipagtatagumpay natin ang rebolusyon at hindi natin ililigaw ang masa, dapat nating bigyang-pansin ang pakikiisa sa mga tunay nating kaibigan upang salakayin ang mga tunay na kaaway. Upang makilala ang mga tunay na kaibigan mula sa mga tunay na kaaway, dapat tayong gumawa ng pangklaahatang pagsusuri sa mga katayuan sa ekonomia ng iba't ibang uri sa lipunang Tsino at sa kani-kanilang aktitud sa rebolusyon.

Ang pambansang nagkakaisang prente ay dapat ibatay sa alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka na pinamumunuan ng uring manggagawa at Partido Komunista ng Pilipinas. Ang pambansang nagkakaisang prente ay dapat kabilangan ng iba pang progresibong uri at saray sa lipunang Pilipino na nakikiisa sa masa batay sa panlahatang programang pampulitika. Ang programang pampulitikang ito na tinatanggap ng uring manggagawa, uring magsasaka, petiburgesia at pambansang burgesia ay dapat umayon sa pangkalahatang linya at programa ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang programang pampulitikang ito ay dapat magsilbing pambuklod sa pinakamalawak na pagkakaisa ng mga progresibong pwersa at grupo upang maihiwalay ang imperyalismong Amerikano at mga pusakal na reaksyonaryo na binubuo ng burgesiang komprador, uring panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista.

Ang programa ng Partido at ang pambansang nagkakaisang prente ay dapat kabilangan unang-una ng paglipol sa pyudalismo at ng libreng pamamahagi ng lupa sa nagsasaka, at ng nasyonalisasyon ng mga industria at empresang ari at kontrolado ng mga dayuhang monopolyong kapitalista at burgesiang komprador. Ang programang ito ay ganap na matatamo kung maaagaw lamang ng mamamayang pinamumunuan ng proletaryado ang kapangyarihang estado sa pamamagitan ng sandatahang lakas. Ang sektor ng estado sa kasalakuyang ekonomia at ang "reporma sa lupa" sa ilalim ng reaksyonaryong estado ay hindi dapat ipagkamali sa tunay na nasyonalisasyon ng ekonomia at rebolusyong agaryo sa mga pinalayang purok o sa demokratikong estado ng bayan.

Sa pagtataguyod sa pambansang nagkakaisang prente, dapat panatilihin ng Partido Komunista ng Pilipinas ang kasarinlan nito sa ideolohia, pulitika at organisasyon. Dapat itong makiisa sa mga pwersang progresibo sa loob ng pambansang nagkakaisang prente ngunit hindi nito dapat isuko sa burgesia ang mga pundamental na makauring interes nito at yaong sa proletaryado at uring magsasaka. Dapat nitong gampanan ang sarili nitong gawaing pangmasa, unang-una sa hanay ng mga magsasaka, upang kahit ano ang mangyari ay lagi itong may maaasahang sariling lakas-pampulitika. Ang pambansang nagkakaisang prente sa esensya ay kasangkapan upang himukin ang mga pwersa at elementong panggitna nang maihiwalay ang mga pusakal sa hanay ng kaaway.

Ang kaugnayan ng Partido sa pambansang burgesia sa loob ng pambansang nagkakaisang prente ang nangangailangan ng tanging pansin. Ito ay sa pangunahing dahilang ang pambansang burgesia ay may dalawahang katangiang makauri, isang aspekto ay progresibo at isa pa'y reaksyonaryo. Sa pakikitungo sa pambansang burgesia, dapat nating iwasan ang dalawang mapanganib na bitag: ang "Kaliwang" oportunismo at Kanang oportunismo. "Kaliwang" oportunismo at sektaryo ang magpawalang-halaga sa pambansang burgesia at tawagin itong lubusang reaksyonaryo; Kanang oportunismo at kapitulasyonismo naman ang magturing na lubusang rebolusyonaryo sa lahat ng pagkakataon ang pambansang burgesia. Sa pakikitungo ng Partido sa pambansang burgesia dapat nitong laging gamitin ang rebolusyonaryong dalawahang taktikang nagsasanib ng pakikiisa at pakikibaka. Kung kaliligtaan ng Partido ang reaksyonaryong aspekto ng pambansang burgesia, mawawala ang kahandaan nito sa anumang pagtataksil ng uring ito sa rebolusyon. Kailangan ang rebolusyonaryong pag-iingat sa ating pakikipag-ugnayan sa pambansang burgesia. Kung kaliligtaan ng Partido ang progresibong katangian ng uring ito at hindi ito kikilanling alyado sa ilang panahon at hanggang sa ilang limitadong antas, hindi nito masasamantala ang mga tunay na kontradiksyon sa pagitan ng uring ito sa isang panig at ng dayuhang monopolyong kapitalismo at pyudalismo sa kabilang panig.

Upang mapaunlad ang pakikipagtulungan sa pambansang burgesia, dapat magkaroon ang Partido ng sarili nitong lakas; kung hindi, ang uring ito at ang mga kinatawan nito ay magbabantulot na makipagtulungan. Dapat igalang ng Partido ang mga lehitimong interes ng lahat ng panggitnang pwersa, kasabay ng aktwal na pagbibigay sa kanila ng konsesyon nang hindi pinipinsala ang mga interes ng sambayanan at ang pamumuno ng proletaryado. Sa lahat ng sandali, dapat ilunsad ang matatag na pakikibaka sa mga kaaway ng pambansang nagkakaisang prente upang lumaki ang pagtitiwala sa Partido ng mga mamamayan at lahat ng panggitnang pwersa.

Sa pakikipag-ugnayan nito sa lahat ng pwersang rebolusyonaryo sa buong daigdig, sinusunod ng Partido ang patakaran ng pandaigdigang nagkakaisang prente. Dapat pagbuklurin ang lahat ng pwersang rebolusyonaryo at progresibo na mapagbubuklod laban sa pangunahing kaaway ng rebisyonismo at ang islogan nitong "nagkakaisang aksyon" ay dapat itakwil bilang ideolohia ng mga pandaigdigang eskirol na nagsisilbi at gumagawa ng walang prinsipyong pakikipag-ayos at pakikipagkasundo sa imperyalismong Amerikano.

Sa internasyonal na kilusang komunista, pinakamalaking panganib ngayon ang makabagong rebisyonismo. Sa Pilipinas man, pangunahing panganib ang makabagong rebisyonismo na anyong linya ng mga taksil na rebisyonistang Lava at lahat ng iba pang anyo ng Kanang oportunismo. Ang kolaborasyon ng imperyalismong Amerikano, makabagong rebisyonismo at lahat ng reaksyon ay dapat patuloy na ilantad at labanan ng pandaigdigang nagkakaisang prente at pambansang nagkakaisang prente.

Ang imperyalismong Amerikano at lahat ng iba pang reaksyonaryo ay mga tigreng papel. Hindi nakasisindak sa atin ang lahat ng sandatahang nuklear at lahat ng teknolohiang militar ng imperyalismong Amerikano. Bagamat ang ating kapatid na sambayanang Tsino ay may bomba atomika para sa pagtatanggol sa mga mamamayang rebolusyonaryo, ang higit na mahalaga sa lahat ng mamamayang nakikibaka ay ang tao, ang sumusulong na pwersa ng masang binibigyang-sigla ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ang kanilang espiritwal na bomba atomika. Sila ay pinagbubuklod ng diwa ng proletaryong internasyonalismo sa pandaigdigang rebolusyong proletaryo at sa pandaigdigang nagkakaisang prente laban sa imperyalismong Amerikano, makabagong rebisyonismo at lahat ng reaksyon.

Bagamat tinatanggap ng ating Partido at mga mamamayan ang suportang pampulitika at materyal mula sa mga kapatid na partido at mamamayan sa diwa ng proletaryong internasyonalismo at sa loob ng balangkas ng pandaigdigang nagkakaisang prente, dapat tayong umasa unang-una sa ating sarili at maglunsad ng demokratikong rebolusyon ng bayan bilang bahagi ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo.

Taglay ang sandata ng di-magagaping Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay tiyak na magtatagumpay at ang sambayanang Pilipino na pinamumunuan ng rebolusyonaryong proletaryado ay tiyak na magkakamit ng demokrasyang bayan muna at sosyalismo pagkatapos.

Party Constitution Bottom I II III IV V
Back to top


Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itatag ang Partido

NILALAMAN:



I. MARXISMO-LENINISMO-KAISIPANG MAO TSETUNG ANG PATNUBAY NATIN SA PAGPUNA SA SARILI AT MULING PAGTATAYO NG PARTIDO

II. PAGLALAGOM NG ATING KARANASAN AT PAGHANGO NG MGA REBOLUSYONARYONG ARAL

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

A. Pagtatatag ng Partido at ilegalisasyon nito
B. Pagsasanib ng Partido Komunista at ng Partido Sosyalista
K. Ang Partido sa panahon ng pananakop ng Hapon
D. Ang Partido sa pagbalik ng imperyalismong Amerikano
E. Ang Partido sa panahon ng adbenturismong militar
G. Ang Partido sa panahon ng patuloy na pagkatalong militar

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

A. Mga kahinaan sa ideolohia
B. Mga kamalian sa pulitika
K. Mga kamalian sa militar
D. Mga kamalian sa organisasyon

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

A. Pagtatayo ng Partido
B. Sandatahang pakikibaka
K. Ang pambansang nagkakaisang prente


Download Pilipino | English


Basahin sa Ingles

Basahin sa Hiligaynon


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.