Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

A. Pagtatayo ng Partido

Kung walang rebolusyonaryong teorya ay hindi magkakaroon ng rebolusyonaryong kilusan. Sa panahong ito. Hindi magkakaroon ng rebolusyonaryong kilusan kung walang pamamatnubay ng Marxismo- Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Samakatwid, sa muling pagtatayo ng Partido Komunista ng Pilipinas, dapat nating gamitin ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino, sa muling pagtatayo ng Partido, sa pagpapaunlad ng sandatahang pakikibaka at sa paggamit ng pambansang nagkakaisang prente upang matamo ang demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ang dapat nating itayong muli sa Pilipinas ngayon ay isang rebolusyonaryong partidong proletaryo na nasasandatahan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Ang rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas ay hindi makasusulong nang hindi sumasabay sa pagsulong ng teorya at praktika ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo. Ang rebolusyong proletaryo ay patuloy na sumusulong, dumaan na sa tatlong mahahalagang yugto: ang unang yugto ay pinamunuan nina Marx at Engels sa pagkakapagpaunlad ng teorya ng siyentipikong sosyalismo; ang ikalawang yugto ay pinamunuan nina Lenin at Stalin sa pagkakapagpaunlad sa teorya at praktika ng diktadurang proletaryo sa panahon ng imperyalismo; at ang ikatlong yugto ay kasalukuyang pinapatnubayan ni Kasamang Mao Tsetung. Maging sa ikalawang yugto, si Kasamang Mao Tsetung ay nasa taliba na ng internasyonal na kilusang komunista sa namumukod niyang pagkakapagpaunlad sa teorya at praktika ng digmang bayan sa bayang malakolonyal at malapyudal.

Sa panahong ito ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, hindi matatamo ng Partido Komunista ng Pilipinas ang kasalukuyan nitong layunin ng demokrasyang bayan at ang hinaharap nitong layunin ng sosyalismo kung hindi gagamitin ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung sa kongkretong kalagayan ng Pilipinas at kung hindi masasapol ang anim na bahagi ng kasalukuyang Marxismo-Leninismo: pilosopia, ekonomiang pampulitika, siyensiyang panlipunan, digmang bayan, pagtatayo ng partido at proletaryong rebolusyong pangkultura. Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay maaaring maging rebolusyonaryong partidong proletaryo kung masasapol lamang nito ang mga kaunlaran sa pilosopia, ekonomiang pampulitika at siyensiyang panlipunan na iniambag ni Kasamang Mao Tsetung at ang teorya at praktika niya sa digmang bayan, pagtatayo ng partido at dakilang proletaryong rebolusyong pangkultura.

Bilang rebolusyonaryong partidong proletaryo, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay masaklaw na iniiba ang sarili sa mga huwad at rebisyonistang partido at grupo sa pamamagitan ng paggamit ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung bilang kataas-taasang patnubay at paggamit nito sa rebolusyonaryong praktika. Sa pagtataguyod sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung sa teorya at praktika, iwinawaksi ng Partido ang subhetibismo, Kanan at "Kaliwang" oportunismo at iba pang bakas ng burges na reaksyonaryong linya. Tanging sa pamamatnubay ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung maiwawaksi ng Partido ang burges na reaksyonaryong linya ng mga Lava at lahat ng iba pang kamalian sa ideolohia, pulitika at organisasyon na humahadlang at pumipigil sa matagumpay na pagsulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa Pilipinas.

Iginuguhit ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ang linyang naghahati sa mga tunay na rebolusyonaryong proletaryo sa isang panig at sa mga burges na nagkukunwang rebolusyonaryo at mga rebisyonista sa kabila. Sa pandaigdigang kilusang rebolusyonaryo na binabantaan ng makabagong rebisyonistang pinamamatnugutan at pinamumunuan ng taksil na rebisyonistang pangkatin ng Mosku, ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ay nagniningning upang tanglawan ang buong daigdig, kabilang ang Pilipinas, at upang itaboy sa pinakamadidilim na sulok ang mga mapagkanulong makabagong rebisyonistang pakana ng tatlong "mapayapa" at dalawang "buo". Ang Partido Komunista ng Pilipinas, na nagtataguyod sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung at matatag na naninindigang sentral ng tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan ang pag-agaw at pagpapatatag ng kapangyarihang pampulitika, ay hindi malilinlang ng mga huwad na teoryang rebisyonista ng "mapayapang pakikipamuhayan", "mapayapang transisyon", "mapayapang kompetisyon", "partido ng buong sambayanan" at "estado ng buong sambayanan" na ipinaglalako ng rebisyonistang naghaharing pangkatin ng Unyon Sobyet sa buong daigdig at ng taksil na mga rebisyonistang Lava sa ating bayan. Makabagong rebisyonismo ang pangunahing panganib ngayon sa pandaigdigang kilusang komunista at maging sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas.

Pinatatatag ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Pangkultura ang Republikang Bayan ng Tsina bilang isang bayang sosyalista at sentro ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo sa pamumuno ni Kasamang Mao Tsetung. Ang rebolusyong ito ay lumilitaw na makasaysayang sandata laban sa makabagong rebosyonismo sa buong daigdig at laban sa panunumbalik ng kapitalismo sa loob ng lipunang sosyalista. Ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ay malalim na nagkakaugat sa hanay ng 700 milyong mamamayang Tsino at sa buong daigdig sa pamamagitan ng mga tunay na rebolusyonaryong partidong proletaryo.

Sa Pilipinas ngayon, ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ay pumapatnubay sa kilusang pagwawasto sa nukleo ng diktadurang proletaryo, ang Partido Komunista ng Pilipinas. Isang puspusang kilusang pagwawasto, isang malawakang kilusan sa pag-aaral ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, ang inilulunsad ngayon upang iligtas ang Partido at ang mga organisasyong pangmasa nito sa mga kabiguan at kamalian ng mga Lava at patuloy na namamalagi sa larangan ng ideolohia, pulitika at organisasyon. Ang burges na reaksyonaryong linya ng mga Lava sa kabuuan ay Kanang oportunismo na siyang matabang lupang burges ng makabagong rebisyonismo sa Pilipinas. Ang mapagkanulong impluwensya ng makabagong rebisyonismo ay nagkaugat sa subhetibista at Kanang oportunistang linya na binubuhay ng mga Lava sa loob ng mahigit na tatlumpung taon at pinauusbong ng malakolonyal at malapyudal na kalagayan ng lipunang Pilipino. Sa ilalim ng bandila ng makabagong rebisyonismo, ang mga ahenteng pampulitika ng mga Lava ay puspusang nagsisikap na ihiwalay ang sandatahang pakikibaka sa legal na pakikibaka sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga paninirang-puri at kasinungalingan laban sa mga nagpapaunlad ng sandatahang pakikibaka at laban sa mga pinakamilitanteng kadre ng Partido.

Ayon sa balangkas ng pagkakaisa-pagpuna-pagtatakwil-pagkakaisa, dapat ilunsad sa hanay ng mga kadre ang puspusang kilusang pagwawasto na pangunahing nakatuon sa burges na reaksyonaryong linyang mga Lava at makabagong rebisyonismo. Ang kilusang pagwawastong ito ay pagsubok sa kakayahan ng Partido Komunista ng Pilipinas na gumawa ng pagpuna sa sarili at magwaksi ng nananatili at malalaking kamalian at kakulangan na napakatagal nang nagpahina sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas at nagkait sa mga mamamayan ng rebolusyonaryong tagumpay. Kung wala ang kilusang ito sa pagwwasto ay hindi matatamo ang muling pagtatayo ng partido.

Pang-ideolohiang pagtatayo ayon sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung ang unang rekisito sa muling pagtatayo ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang Rebolusyonaryong Paaralan ng Kaisipang Mao Tsetung sa loob ng Partido Komunista ng Pilipinas ay naglilingkod nang malaki sa layunin ng rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung at pagganap ng mapagpasyang papel sa kasalukuyang kilusang pagwawasto. Ang kilusang ito sa pagwawasto ay dapat gawin lalo na sa panahong kailangan nating muling itayo ang Partido sa solidong pundasyon ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung at pinasisidhi ang mga aktibidad ng katutubong rebisyonistang taksil sa tulong ng naghaharing rebisyonistang pangkating Sobyet at imperyalismong Amerikano upang palaganapin ang makabagong rebisyonismo, paunlarin ang isang partidong nakabaseng-lunsod at may oryentasyong-lunsod at takot sa sandatahang pakikibaka, itaguyod ang ugnayan ng reaksyonaryong pamahalaan ng Pilipinas at ng mga taksil na naghaharing pangkating rebisyonista at disarmahan ang mga magsasaka sa pulitika sa pamamagitan ng pangunahing pag-asa sa programang "reporma sa lupa" ng reaksyonaryong pamahalaan. Sinabi ni Kasamang Mao Tsetung: Isang disiplinadong partidong nasasandatahan ng teorya ng Marxismo-Leninismo, gumagamit ng paraan ng pagpuna sa sarili at nakaugnay sa masa ng sambayanan; isang hukbong pinamumunuan ng gayong partido; isang nagkakaisang prente ng lahat ng rebolusyonaryong uri at lahat ng rebolusyonaryong pangkat na pinamumunuan ng ganoong partido - ito ang tatlong pangunahing sandatang ipinanggapi natin sa kaaway.

Ito ang tatlong pangunahing sandatang dapat pagsumikapang mapaunlad ng Partido at lahat ng kadre at kasapi nito upang matupad ang kasalukuyan nitong tungkuling mang-agaw ng kapangyarihang pampulitika.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay dapat muling itayo bilang pinakamataas na anyo ng organisasyon ng namumunong uri, ang proletaryado. Upang magkagayon ay dapat itong masandatahan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Sa pagkakasapol sa rebolusyonaryong ideolohia ng proletaryado ay malinaw na pinatutunayan ng ating Partido ang makauring katangian nito; ngunit ang pinakamataas na pagsubok ay nasa rebolusyonaryong praktika at higit pang rebolusyonaryong praktika. Hindi sapat ang maglahad ng isang programang maganda ang pagkakasulat. Kailangang buhayin iyon ng patuloy at masigasig na pakikibakang pang-masa, gawing makapangyarihang pwersang materyal ang Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung sa pamamagitan ng pagpukaw at pagpapakilos sa malawak na masang sambayanan upang sila'y magrebolusyon. Sa ibang salita, bilang rebolusyonaryong partidong proletaryo, dapat pagsanibin ng ating Partido ang teorya at praktika. Ang ating mga kadre ay dapat malalim na magkaugat sa masang manggagawa at magsasaka. Sila'y dapat mahusay na nakatalaga sa buong bayan upang makapagtatag ng partidong may pambansang saklaw. Dapat puspusang harapin ng Partido ang pagpukaw at pagpapakilos sa masang magsasaka, kabilang ang mga manggagawang bukid, bilang pangunahing alyado ng proletaryado at bilang pangunahing lakas ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Dapat ipatupad ng Partido ang dakilang estratehikong prinsipyo ng paggamit ng kanayunan sa pagkubkob sa mga lunsod, at bigyan ng pangunahing diin ang gawaing Partido sa kanayunan sa halip na sa lunsod, samantalang hindi naman kinaliligtaan ang gawaing partido sa huli. Dapat gampanan ng ating mga kadre ang kanilang gawaing pampulitika, taglay ang estilo ng puspusang paggawa at katipiran at sa mapanlikhang diwa ng pag-asa sa sarili, at dapat na lagi silang handang gumawang pagpuna sa sarili upang patuloy na mapahusay ang kanilang gawaing pampulitika. Sila ay dapat magtiwala at umasa sa masa, pinupukaw at pinakikilos ito laban sa mga mapagsamantala.

Sa kanayunan, ang hukbong bayan ay dapat patuloy na itatag mula sa hanay ng pinagsasamantalahang uring magsasaka sa pamumuno ng proletaryado at Partido. Dapat isakatuparan ang programang rebolusyong agraryo upang matamo ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Upang matamo at mapangalagaan ang mga tagumpay ng rebolusyong agraryo, ang Partido ay dapat magtatag ng mga baseng bukid at mamatnugot sa iba't ibang tipo ng purok ng pakikibaka, mula sa mga matatag na base hanggang sa mga sonang gerilya.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay gumagawa ng pagsusuri sa uri at ng pag-iiba sa mga kaibigan at kaaway nito. Kinikilala ng Partido ang mga magsasakang maralita at manggagawang bukid bilang pinakamapagkakatiwalaang alyado ng uring manggagawa. Upang magtagumpay sa demokratikong rebolusyon ng bayan, dapat buuin ang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka na siyang saligan ng isang pambansang nagkakaisang prente na kinabibilangan ng petiburgesiang lunsod at mga makabayang bahagi ng pambansang burgesia bilang mga karagdagang alyado. Kaalinsabay nito, laging handa ang Partido sa dalawahan at mabuway na makauring katangian ng pambansang burgesia bilang isang alyado sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Sa pagpapanatili at paggamit sa pambansang nagkakaisang prente, nauunawaan ng Partido na dapat nitong panatilihin ang sariling makauring pamumuno,kasarinlan at inisyatiba. Ang proletaryong makauring pamumuno, kasarinlan at inisyatiba ay buong husay na napananatili habang patuloy na itinatayo ng ating mga kadre ang Partido at ang hukbong bayan. Ang pambansang nagkakaisang prente ay dapat pangunahing nakahanay laban sa mga makauring pwersa ng kontrarebolusyon - ang mga imperyalistang Amerikano, mga komprador, mga panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista - at dapat maglingkod sa pagtatatag at pagsulong ng Pulang kapangyarihang pampulitika. Sa mga kongkretong kalagayan ng Pilipinas ngayon, dapat gamitin ng Partido ang sandatahang pakikibaka at ang pambansang nagkakaisang prente nang buong kasanayan, gayundin ang mga paraang legal at ilegal at gawaing lihim at hayag.

Taglay ang proletaryong internasyonalismo, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay may kapasyahang gampanan ang pandaigdigang tungkulin nitong labanan hanggang wakas ang imperyalismong Amerikano at lahat ng katutubong reaksyonaryong ahente nito, ang mga komprador, mga panginoong maylupa at mga burukratang kapitalista. Itinuturing ng Partido na pandaigdigang tungkulin nito ang makibaka sa makabagong rebisyonismo at nagbabangong militarismong Hapones na ngayo'y nag-iibayo sa pakikipag-alyansa sa imperyalismong Amerikano upang panatilihin ang Pilipinas sa pagkaaliping kolonyal. Ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa mga kaaway na ito ng pambansang kasarinlan, pagpapalayang panlipunan at kaunlaran ay ambag sa pandaigdigang pakikibakang inilulunsad ngayon ng lahat ng bansa at mamamayang api. Sa Asya, lalo na sa Timog-silangang Asya, ang Pilipinas ay napakalaon nang nagsisilbing kuta ng imperyalismong Amerikano, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Kung ang sambayanang Pilipino ay magbibigay ng matitinding dagok sa mga ito, matutulungan nila ang iba pang bansa at mamamayang api sa pamamagitan ng panlahatang pakikibaka. Nababatid ng Partido Komunista ng Pilipinas na ang lahat ng iba pang bansa at mamamayang nakikibaka sa imperyalismong Amerikano at mga reaksyonaryong alyado nito ay tumutulong din sa bansa at sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng panlahatang pakikibaka. Ang proletaryadong Pilipino at ang lahat ng manggagawa at mamamayan ng daigdig ay pinagbubuklod ng diwa ng proletaryong internasyonalismo.

Party Constitution Bottom I II III IV V
Back to top


Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itatag ang Partido

NILALAMAN:



I. MARXISMO-LENINISMO-KAISIPANG MAO TSETUNG ANG PATNUBAY NATIN SA PAGPUNA SA SARILI AT MULING PAGTATAYO NG PARTIDO

II. PAGLALAGOM NG ATING KARANASAN AT PAGHANGO NG MGA REBOLUSYONARYONG ARAL

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

A. Pagtatatag ng Partido at ilegalisasyon nito
B. Pagsasanib ng Partido Komunista at ng Partido Sosyalista
K. Ang Partido sa panahon ng pananakop ng Hapon
D. Ang Partido sa pagbalik ng imperyalismong Amerikano
E. Ang Partido sa panahon ng adbenturismong militar
G. Ang Partido sa panahon ng patuloy na pagkatalong militar

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

A. Mga kahinaan sa ideolohia
B. Mga kamalian sa pulitika
K. Mga kamalian sa militar
D. Mga kamalian sa organisasyon

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

A. Pagtatayo ng Partido
B. Sandatahang pakikibaka
K. Ang pambansang nagkakaisang prente


Download Pilipino | English


Basahin sa Ingles

Basahin sa Hiligaynon


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.