Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

E. Ang Partido sa panahon ng adbenturismong militar

Noong 1948 matatag na iniharap ng mga rebolusyonaryong kadre ng Partido at rebolusyonaryong masa ang usapin sa sandatahang pakikibaka sa harap ng mga pasistang pang-aabuso ng papet na pamahalaang Roxas laban sa Partido Komunista, Hukbalahap, mga demokratikong organisasyong pangmasa at mga lider nila, at sa malawak na masang sambayanan. Gayunman, ang interpretasyon ng lideratong Jose Lava sa usapin ng sandatahang pakikibaka ay ibinatay nang pangunahin sa mga panlabas na kondisyon. Umiral ang isahang-panig na pag-asa ng liderato ng Partido na ang napipintong marahas na hidwaan sa loob ng mga naghaharing uri bunga ng pandaraya sa halalan ng 1949, ang rebolusyonaryong tagumpay ng sambayanang Tsino, ang digmaang Koreano at ang resesyon ng ekonomia sa Estados Unidos ay ganap na magbubukas ng landas sa tagumpay ng hukbong bayan sa Pilipinas, nang walang pagsasaalang-alang sa mga kahinaang panloob ng Partido at ng hukbong bayan bunga ng mga nakaraang Kanang oportunistang kamalian. Mga panlabas na kalagayan ang ipinalagay na pinakadahilan ng madaliang tagumpay sa militar.

Ang liderato ng Partido na kinatawan ni Jose Lava ay hindi nakapagbigay ng mga pinakaesensyal na dahilan sa pagbubunsod ng sandatahang pakikibaka, tulad ng programa sa sandatahang pakikibaka laban sa imperyalismong Amerikano at mga katutubong utusang aso nito at para sa rebolusyong agaryo, bukod sa iba pa, at hindi rin ito nakabatid na magiging matagalan ang sandatahang pakikibaka sa kalagayang umiiral sa Pilipinas. Salungat sa mabababaw na dahilang ibinigay ng lideratong Lava upang bigyang-matwid ang patakarang pagsikapan ang mabilisang tagumpay sa militar, ang mga Kanang oportunista ay nanindigan sa linyang gawing malaking hayag na "partidong pangmasa" ang Partido Komunista ng Pilipinas para sa parlamentaryong pakikibaka, at nanindigan sa makitid na palagay na ang mga unyonista ang dapat awtomatikong mangibabaw sa liderato ng Partido.

Hindi masaklaw na naisaalang-alang ang dalawang magkasalungat na panig ang suliranin kung sa lunsod o sa kanayunan ilalagay ang punong-himpilan at sentro ng gawaing pampulitika ng Partido. Nagkasundo ang mga Kanang oportunista at mga "Kaliwang" oportunista na manatiling partidong lunsod ang Partido Komunista ng Pilipinas.

Sa kabila ng pagtataguyod nito sa sandatahang pakikibaka, ang lideratong Jose Lava ay nagpasyang pamunuan ang Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB) mula sa lunsod. Bagamat pinairal ng lideratong Jose Lava ang patakaran ng sandatahang pakikibaka, hindi naman nito inilahad ang mga tumpak na batayan sa teorya at pulitika ng mga pagsisikap nito sa organisasyon at militar. Sa dahilang ito ay walang konsistensyang pinahintulutan nito si Luis Taruc bilang punong komander ng hukbong bayan na makipagnegosasyon sa pamahalaang Quirino para sa amnestia.

Pinairal ng komperensya ng Politburo ng Enero 1950 ang isang pananaw na lantay-militar at pinagtibay nito ang "PB Resolutions" na nagtaguyod ng isang linya ng madaliang tagumpay na pangmilitar. Inihanda ng lideratong Jose Lava ang programa sa pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika sa lunsod sa loob ng dalawang taon, nang walang pangkabuuan at dialektikong pagsasaalang-alang ng lakas ng Partido at hukbong bayan sa isang panig at ng lakas ng kaaway sa kabilang panig.

Isang adbenturistang patakaran sa militar ang pinasimulan ng liderato ng isang partidong nakabaseng-lunsod na tinawag na Secretaiat o Politburo-In. Sa halip na sumulong nang paalon sa loob ng matagal na panahon,ang hukbong bayan sa kanayunan ay inutusang gumawa ng sabay-sabay at banat-na-banat na pagsalakay sa kaaway sa lubhang magkakalayong lugar sa Gitnang Luson at Timog Luson bilang bahagi ng planong maghanda sa pag-agaw ng Maynila. Ang mga layuning militar ay malalaking kampong militar, lunsod at kabisera ng lalawigan. Ito ay buong pagmamadaling ginawa noong Marso 29 at Agosto 26, 1950, alinsunod sa "mga Resolusyon ng Politburo" ng Enero 1950, nang walang anumang pagsasaalang-alang sa darating na ganting-salakay ng kaaway sa pamamagitan ng malakihang kampanya ng "pagkubkob at paglipol".

Sa adbenturistang paraan ay itinalaga ang mga banat-na-banat at di-sapat na nasasandatahang yunit sa "tarangkahan" ng Maynila upang buhayin ang ilusyong "malapit" nang bumagsak ang luklukan ng reaksyonaryong paghahari. Sa kabilang dako, ang himpilan ng Politburo-Out ay namugad sa di-tinitirhang kalawakan ng parteng Laguna ng Sierra Madre at nang hiwalay sa pangunahing lakas ng hukbong bayan. Kung ang Secretariat o Politburo-In (ang pangunahing liderato ng Partido) ay pisikal na hiwalay sa Politburo-Out, ang huli ay pisikal na hiwalay rin sa sandatahang lakas ng bayan na dapat nitong pamatnugutan sa utos ng Politburo-In. Banat-na-banat din sa hindi matatatag na purok ang mga operasyong militar at linya ng panustos at komunikasyon.

Noong Oktubre 1950, ang Politburo-In ay lubusang nadurog sa lunsod at kasama sa mga nadakip ang iba pang kasapi, simpatisador at kuryer ng Partido. Nakasamsam ang kaaway ng maraming dokumento ng Partido na kinabibilangan ng listahan ng mga kasapi at planong pantaktika at ito'y nakatulong sa kaaway upang wasakin ang organisasyon ng Partido sa lunsod sa lansagin ang sandatahang lakas ng bayan sa kanayunan.

Party Constitution Bottom I II III IV V
Back to top


Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itatag ang Partido

NILALAMAN:



I. MARXISMO-LENINISMO-KAISIPANG MAO TSETUNG ANG PATNUBAY NATIN SA PAGPUNA SA SARILI AT MULING PAGTATAYO NG PARTIDO

II. PAGLALAGOM NG ATING KARANASAN AT PAGHANGO NG MGA REBOLUSYONARYONG ARAL

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

A. Pagtatatag ng Partido at ilegalisasyon nito
B. Pagsasanib ng Partido Komunista at ng Partido Sosyalista
K. Ang Partido sa panahon ng pananakop ng Hapon
D. Ang Partido sa pagbalik ng imperyalismong Amerikano
E. Ang Partido sa panahon ng adbenturismong militar
G. Ang Partido sa panahon ng patuloy na pagkatalong militar

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

A. Mga kahinaan sa ideolohia
B. Mga kamalian sa pulitika
K. Mga kamalian sa militar
D. Mga kamalian sa organisasyon

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

A. Pagtatayo ng Partido
B. Sandatahang pakikibaka
K. Ang pambansang nagkakaisang prente


Download Pilipino | English


Basahin sa Ingles

Basahin sa Hiligaynon


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.