Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

B. Sandatahang pakikibaka

Isang pundamental na tungkulin ng Partido Komunista ng Pilipinas ang magbigay ng rebolusyonaryong pamumunong proletaryo sa uring magsasaka. Ang demokratikong rebolusyon ng bayan na inilulunsad ng ating Partido sa esensya ay isang digmang magsasaka. Ang pakikibaka para sa lupa ng malawak na nakararami sa ating sambayanan ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon ng bayan na pinagsisikapan nating matamo sa ating bayang malakolonyal at malapyudal. Ang pagpapalaya sa uring magsasaka mula sa pagsasamantalang pyudal at ang pagpapakilos dito bilang pangunahing pwersa ng demokratikong rebolusyon ng bayan ay may mapagpasyang kahalagahan sa rebolusyonaryong tagumpay ng proletaryado bilang uring namumuno.

Dahil sa hindi pa gaanong maunlad ang industria sa ating bayang malakolonyal at malapyudal, maliit ang bilang ng mga manggagawang industrial. Kung gayo'y dapat paunlarin ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido nito ang pakikipag-alyansa sa uring magsasaka at dapat nitong pamunuan ang uring magsasaka bilang pangunahing pwersa ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Dahil sa pinagsasamantalahan, ang uring magsasaka ang pinakamapagkakatiwalaang alyado ng proletaryado. Ang malaking pwersa nito ang nagbibigay ng nakapananaig na suportang popular sa rebolusyonaryong partidong proletaryo. Sa pagbibigay ng suportang ito ay tinitiyak ng uring magsasaka ang tagumpay ng makauring lideratong proletaryo. Bilang rebolusyonaryong partidong proletaryo, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay dapat pangunahing umasa sa uring magsasaka upang ilunsad ang sandatahang pakikibaka at agawin ang kapangyarihan. Ang demokratikong rebolusyon ng bayan, sa saligan,ay digmang magsasaka sa pamumuno ng proletaryado at ng partido nito na pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung.

Sa pagtungo sa kanayunan, ang Partido ay dapat gumawa ng tumpak na pagsusuri sa uri at sumunod sa tumpak na linyang makauri. Sa ating malakolonyal at malapyudal na lipunan, ang suliraning magsasaka ang pangunahing suliranin sa pulitika at ekonomia. Kung gayon ay kinakailangan ng Partido Komunista ng Pilipinas na gumawa ng masusing pagsusuri sa uri upang maunawaan nito ang mga suliranin sa kanayunan nang sa gayon, sa pamumuno sa tunggalian ng uri sa kanayunan, ay makilala nito ang tunay na mga kaibigan at mga kaaway sa uri at mapakilos nito ang mga tumpak na pwersang makauri na magtutuon ng kanilang baril sa kanilang kaaway sa uri.

Ang batayan ng pagsusuri sa uri ay ang ugnayan ng pinagsasa- mantalahan at nagsasamantala at ang pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon. Sa pag-alam sa mga relasyon ng pagsasamantala ay matitiyak natin ang posisyon sa ekonomia ng bawat uri o saray at ang katugong aktitud nila sa pulitika. Sa pamamagitan ng kanilang pag-aari sa mga kasangkapan sa produksyon ay napananatili ng mga uring mapagsamantala ang isang sistema ng pagsasamantala. Sa kanayunan ay pinananatili nila ang pyudal at malapyudal na sistema ng pagsasamantala. Sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyon ng bayan, nilalayon ng Partido na ibagsak ang sistemang ito ng pagsasamantala sa pamamagitan ng digmang magsasaka laban sa mga pyudal at malapyudal na mapagsamantala. Sa kanayunan, ang pangunahing mapagsamantala ay ang uring panginoong maylupa. Ang uring ito ay pangunahing umaasa sa pagsasamantalang pyudal. Ang panginoong maylupa ang may-ari ng mga lupang binubungkal ng maralitang magsasaka na nagbabayad ng upa sa kanya at pinagsasamantalahan pa sa iba't ibang paraan, tulad ng usura, pang-aalila at buwis.

Ang saray ng mayamang magsasaka ay nagsasamantala rin; malaki- laking bahagi ng kabuhayan nito ang iniaasa sa pagsasamantala, ngunit naiiba ang mayamang magsasaka sa panginoong maylupa dahil sa bagamat nag-aari siya ng lupang higit sa sapat para sa kanyang pamilya, siya ay nagbubungkal pa rin. Ang mayamang magsasaka ay nagsasamantala sa pag-upa ng manggagawang bukid, pagpapaupa ng labis na lupa, labis na hayop at kagamitan, at sa pamamagitan ng usura at iba pang anyo ng pagsasamantala. Ang panggitnang magsasaka ay may kapirasong lupa na sapat para sa kanyang pamilya; ngunit ang kalagayan niya'y mula sa pagiging nasa bingit ng pagkabangkarote hanggang sa pagkakaroon ng kapirasong lupang bahagyang nakasasapat sa pangangailangan ng kanyang pamilya at sa pagkakaroon ng iba pang pinagkakakitaan. Ang mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid ay gayong kailangang magtrabaho para sa mga panginoong maylupa at pinagsasamantalahan ng mga ito. Sila ang pinakaaping saray ng uring magsasaka at kung gayo'y pinakainterasado sa demokratikong rebolusyon ng bayan at pinakamapagkakatiwalaang alyado ng proletaryado. Sila ang nakararami sa populasyon sa kanayunan ng Pilipinas.

Ang tumpak na linya sa kanayunan ay mapaiiral sa pamamagitan ng pagpukaw at pagpapakilos unang-una'y ng mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, at as pamamagitan ng paghikayat at pakikiisa sa mga panggitnang magsasaka lalo na sa mababang panggitna at gitnang panggitnang magsasaka sa rebolusyonaryong nagkakaisang prenteng anti-pyudal. Ang mga mayamang magsasaka, kabilang yaong kinaugalian nang nasa namumunong posisyon sa mga baryo,ay maaaring neutralisahin sa patuloy na paglakas ng maralitang magsasaka at manggagawang bukid. Dapat magsumigasig ang Partido sa pagpukaw at pagpapakilos sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid at sa pagpapataas ng kanilang prestihiyo upang makaganap sila ng tungkulin sa rebolusyon. Dapat tiyakin ng Partido na ang isang rebolusyonaryong komiteng anti-pyudal sa baryo na kontrolado ng mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid ay tuluyang hahalili o hahawak sa mga "barrio council" na kontrolado ngayon ng mga panginoong maylupa, tiwaling opisyal ng pamahalaan at mayamang magsasaka.

Ang pagpapairal sa makuring linya sa kanayunan ay mababatay sa matiyagang pagpapanibagon-hubog ng aktitud ng mga kadre ng Partido sa maralitang magsasaka, mababang panggitnang magsasaka at manggagawang bukid. Dapat sanayin ng Partido ang mga kadre nito sa pamamagitan ng rebolusyonaryong praktika upang maunawaan nila na sa sandaling mapukaw at mapakilos ang mga maralitang magsasaka, mababang panggitnang magsasaka at manggagawang bukid, sila ang pinakamatibay na tagapagtaguyod ng rebolusyon. Hindi tayo pangunahing makaaasa sa panggitnang magsasaka. Ang batayang panlipunan ng rebolusyon sa kanayunan ay ang maralitang magsasaka, mababang panggitnang magsasaka at manggagawang bukid. Matatanggap ng panggitnang magsasaka ang liderato ng Partido kung umaayon ito sa kanilang interes ngunit kung aayon naman sa kanilang interes na tanggapin ang makauring liderato ng burgesia ay ganoon ang gagawin nila. Sa panahong nagiging malupit ang reaksyon, ang panggitnang magsasaka ay maaaring magdalawang-loob at maaari pang magtaksil sa kilusan. Mahalagang isaisip ang bagay na ito sa ating gawaing pangmasa sa kanayunan sa hanay ng uring magsasaka. Hindi lamang sa pambansang demokratikong rebolusyon tayo dapat pangunahing umasa sa maralitang magsasaka, mababang panggitnang magsasaka at manggagawang bukid; pagkaraang maagaw ng proletaryado ang kapangyarihang estado at sa panahon ng transisyon sa komunismo, ang mga saray na ito ay patuloy na magiging batayang panlipunan sa konsolidasyon ng diktadura ng proletaryado.

Ang Partido Komunista ng Pilipinas ay dapat umasa sa mga rebolusyonaryong baseng magsasaka upang magapi ang reaksyonaryong kapangyarihang estado sa kanayunan bago agawin ang mga lunsod. Masaklaw na ipinakita ni Kasamang Mao Tsetung sa kanyang teorya at praktika kung paano nakukubkob ang mga lunsod mula sa kanayunan sa pamamagitan ng sandatahang pakikibaka sa bayang malakolonyal at malapyudal. Napatunayang walang pagkagapi ang unibersal na katotohanan ng paggamit sa kanayunan upang paligiran ang lunsod. Ngunit naririyan ang mga katutubong rebisyonista na nagtatakwil sa unibersal na katotohanan ng rebolusyonaryong teoryang ito at labis na nagdidiin sa katunayang ang Pilipinas ay isang kapuluan, hindi tulad ng Tsina na may malawak na lupang kabit-kabit at malaking populasyon, sa layuning palabuin at ipagkaila ang saligang pagsusuri sa uri at dialektikang napapaloob sa teorya ng paggamit sa kanayunan upang kubkubin ang lunsod.

Ang teorya ng digmang bayan ay unibersal at magagamit sa kalagayan ng Pilipnas. Dahil sa tagibang na pag-unlad sa pulitika at ekonomia sa panahon ng imperyalismo, ang mahihinang kawing ng burges na kapangyarihang estado ay matatagpuan sa kanayunan. Ang kontrarebolusyonaryong hukbo ay manipis na nakakalat sa buong bayan upang panatilihin ang kontrol sa mga pangunahing linya ng komunikasyon at transportasyon. Ang disposisyon ng pwersa ng kontrarebolusyon ay mag-iiwan ng pinakamalalawak na lugar sa kanayunan para sa pag-unlad ng digmang magsasaka sa pamumuno ng proletaryado. Sa kanayunan, ang Partido ay dapat malalim na magkaugat sa hanay ng masang magsasaka upang paunlarin ang pangunahing pwersa ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Ang mga demokratikong pwersa ng bayan ay dapat magpaunlad at mag-ipon ng sandatahang lakas sa di-mauunlad na lugar sa kanayunan at lumikha roon ng mga pinakasulong na muog sa pulitika, ekonomia, militar at kultura kung saan mailulunsad ng hukbong bayan ang matagalang pakikibaka upang matamo ang pangkalahatang tagumpay sa kontrarebolusyonaryong hukbo. Mangyari pa, ilang ulit ang lawak ng lugar na maniobrahan sa kanayunan kaysa sa lunsod. Sa Pilipinas, ang lugar na maniobrahan sa lunsod ay lubhang makitid para sa sandatahang pakikibaka. Ang mga lunsod sa katunayan ay muog ng burges na kapangyarihang estado bago mapaunlad ng demokratikong pwersa ng bayan ang kakayahang agawin ang mga iyon. Ang kontrarebolusyonaryong hukbo ay dapat munang gapiin sa kanayunan. Ang ikinahihina rin ng burges na kapangyarihang estado sa kanayunan ay ang laging pagsulpot ng mga kontradiksyon sa loob ng kontrarebolusyonaryong hanay. Ayon sa sarili nitong batas ng paggalaw, alinmang grupo sa hanay ng kontrarebolusyon ang nangingibabaw ay magpapanatili ng malaking sandatahang pwersa sa lunsod upang panatilihin ang nakabaseng-lunsod na kapangyarihang pampulitika nito.

Alinsunod sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, dapat kusang ilipat ng Partido Komunista ng Pilipinas ang sentro ng grabidad nito sa kanayunan. Lahat ng naunang liderato ng Partido sa Pilipinas ay dumanas ng mga kabiguang iisa ang katangian - ang pagkakasentro ng gawaing pampulitika sa lunsod ng Maynila. Ang paglipat mula sa lunsod tungo sa kanayunan ay ngangahulugang ang punong himpilan ng demokratikong rebolusyon ng bayan ay dapat ilipat mula sa lunsod tungo sa kanayunan na kinatatagpuan ng pangunahing pwersa ng rebolusyon. Ang paglipat na ito ay hindi nangangahulugang pagpapabaya sa pakikibakang lunsod kundi pagkilala kung alin ang pangunahin at alin ang pangalawa. Ang pangunahing anyo ng pakikibaka ay inilulunsad sa kanayunan, ang pangalawa'y sa lunsod. Sa kanayunan makapaglulunsad ng opensiba ang sandatahang lakas ng bayan laban sa kaaway, samantalang sa lunsod ay dapat manatili sa depensiba ang mga rebolusyonaryong pwersa hanggang sa panahong maaari nang agawin ng sandatahang lakas ng bayan ang lunsod.

Ang pagpapaunlad ng digmang bayan sa kanayunan ay nangangailangan ng tatlong di-mapaghihiwalay na bahagi: sandatahang pakikibaka, rebolusyong agraryo at baseng bukid. Sa paglulunsad ng sandatahang pakikibaka at pagtatagumpay sa mas maraming labanan ay nalilikha ang mga kalagayan sa pagpapalawak ng mga base. Ang mga base ay ginagamit ng mga sandatahang pwersa ng bayan upang bitagin ang pwersa ng kaaway, maging ito'y anyong "special forces", malaking operasyon o anumang maaaring ilunsad ng kaaway. Kung mas marami ang base ay mas marami ang lugar na mapaglulunsaran ng rebolusyong agraryo. Sa paglulunsad ng rebolusyong agraryo, ang mga base ay lalong napatatatag sapagkat nalilipol ang mga pwersang pyudal at ang kapangyarihang pampulitika niyon. Ang rebolusyonaryong pwersa ay umuunlad habang sumisigla ang mga magsasaka at sumasanib sila sa sumusulong na Pulang hukbo. Ang sandatahang pakikibaka, rebolusyong agraryo at mga baseng bukid at nagtutulungan. Sa pakikidigma napauunlad ang demokratikong kapangyarihang bayan sa kanayunan. Habang tumitibay ang mga baseng bukid sa pulitika at ekonomia, nalilikha ang isang estado sa loob ng isang estado. Isang sandatahang nagsasariling rehimen, isang pamahalaang base ng mga mamamayan, ang nalilikha sa kanayunan.

Ang rebolusyong agraryo na dapat pagsikapan ng Partido sa paglulunsad ng digmang bayan ay dapat na pangunahing kinapalolooban ng pagkumpiska sa lupa ng mga panginoong maylupa at libreng pamamahagi ng mga lupang ito sa mga magsasaka. Ang pyudal na pag-aaring lupa ay papawiin sa loob ng mga base. Alinsunod sa tumpak na makauring linya sa kanayunan, ang Partido at hukbong bayan ay dapat umasa sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, makiisa sa mga panggitnang magsasaka, magneutralisa sa mga mayamang magsasaka at lumipol sa pamamanginoong-maylupa at magpaunlad sa produksyon.

Sa paglulunsad ng rebolusyong agraryo, dapat mabatid ng Partido at ng sandatahang lakas ng bayan ang dalawang saligang yugto ng pag-unlad. Sa yugtong hindi pa matatag ang isang lugar, dapat silang magsagawa ng patuloy na paghahanda upang gawin itong base sa pamamagitan ng sandatahang kapangyarihan sa paglipol sa mga katutubong maniniil, destakamento at espiya ng kaaway, mga bandido at mangangalabaw at sa pagbababa ng upa sa lupa at interes sa pautang nang sa gayo'y mapahina ang kaaway at mapakilos ang masa. Habang lubusang pinakikilos ang masa sa organisasyon, pulitika at ideolohia at militar ang matatag na base mula sa pakikibaka ng masa mismo, maisasagawa ang kumpiskasyon ng lupa ng mga panginoong maylupa at ang pantay na pamamahagi ng mga lupang ito sa mga magsasaka.

Ang Partido at ang sandatahang lakas ng bayan ay dapat magtiwala at umasa sa masa sa pagtataas sa kanilang kamalayan sa pulitika. Dapat nilang hayaang turuan ng masa ang kanilang sarili. Sa simula, dapat nilang kilanlin ang ugat ng paghihirap ng masa; pagkatapos, sa pamamagitan ng mga pulong ng pakikibaka ay maaaring ibuhos ng mga magsasaka ang hinaing nila laban sa mga uring nagsasamantala upang maturuan nila ang sarili. Habang pinapatnubayan ng Partido at sandatahang lakas ng bayan ang digmang magsasaka laban sa tatlong haligi ng kapangyarihang pyudal - ang malalaking panginoong maylupa, ang mga despotikong panginoong maylupa at ang mga panginoong maylupang nasa kapangyarihan - ang mga magsasaka ay nagkakaroon ng karanasan sa makauring diktadura laban sa mga nagsasamantalang uri. Sa pamamagitan ng mga pulong ng pakikibaka at sa pamamagitan ng mga hukumang bayan at pagpapataw ng parusang katugon ng mga krimen ng mga nagsasamantalang uring pyudal at iba pang kriminal, lalong napapalapit ang damdamin ng masang magsasaka sa demokratikong rebolusyon ng bayan at malugod nilang pinasasapi ang kanilang pinakamahuhusay na anak sa Partido Komunista ng Pilipinas at hukbong bayan. Sinabi ni Kasamang Mao Tsetung:

Ang pag-agaw ng kapangyarihan sa pamamagitan ng sandatahang lakas, ang paglutas ng suliranin sa pamamagitan ng digma, ang sentral na tungkulin at pinakamataas na anyo ng rebolusyon. Ang Marxista-Leninistang prinsipyong ito ng rebolusyon ay may katuturang unibersal para sa Tsina at para sa lahat ng bayan. Subalit habang iisa ang prinsipyo, ang paggamit dito ng partido ng proletaryado ay nagkakaanyo sa iba't ibang paraan alinsunod sa iba't ibang kalagayan.

Sentral na tungkulin ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika. Sa paglulunsad ng sandatahang pakikibaka upang matamo ang demokratikong rebolusyon ng bayan, dapat masapol ng Partido ang teorya ni Kasamang Mao Tsetung tungkol sa paggamit ng kanayunan upang kubkubin at agawin ang mga lunsod, gayundin ang kanyang pagsusuri sa uri sa bayang malakolonyal at malapyudal. Gayunman, sa Pilipinas ay may espesyal na kondisyon ng pagiging kapuluan na dapat bigyan ng partikular na pansin. Samantalang kailangang buuin ang pangunahing pwersang militar ng bayan sa pangunahing pulo ng Luson upang ibagsak ang burges na kapangyarihang estado na nakasentro sa lunsod ng Maynila, ang iba namang pulo ng Kabisayaan at Mindanaw ay magagawang bentahe sa katagalan mula sa pagiging disbentahe sa pamamagitan ng itinatatag doong mga sandatahang larangan at baseng bukid na magkakalat at magpapahina sa kontrarebolusyonaryong sandatahang lakas na ngayo'y nakatipon sa Luson, lalo na sa Gitnang Luson at Kamaynilaan. Sa paano't paano man, kung isasaalang-alang ang lahat ng espesyal na kalagayan, ang teorya ni Kasamang Mao Tsetung tungkol sa paggamit sa kanayunan upang kubkubin ang lunsod at ang kanyang pagsusuri sa uri ay may unibersal na katuturan para sa Pilipinas at sa bawat mahalagang pulo ng Pilipinas. Sa yugto ng estratehikong depensiba, ang pagpapaunlad ng digmang gerilya sa pambansang saklaw ay tiyak na uubos sa lakas ng kaaway at magbibigay-daan sa ganap na pagkalipol nito.

Ang imperyalismong Amerikano, ang pangunahing kaaway ng mamamayan ng daigdig at prinsipal na haligi ng reaksyong pandaigdig, ay banat na banat sa buong daigdig. Ang mga mamamayang api, tulad ng sambayanang Pilipino, ay maraming lugar na maniobrahan at makapagbibigay ng matitinding dagok sa bawat kawing ng banat-na-banat na tanikalang imperyalista. Hindi makakayang panatilihin ng imperyalismong Amerikano ang pantay at epektibong lakas sa buong daigdig samantalang kailangan nitong sabay-sabay na ipataw ang sariling makauring interes laban sa mga kilusan sa pambansang pagpapalaya, estadong sosyalista, mamamayang Apro-Amerikano, uring manggagawang Amerikano at maging sa sarili nitong mga karibal na kapitalista sa napakaraming bahagi ng daigdig. Samantalang limitado ang lakas-tauhan at kagamitan ng imperyalismong Amerikano, ang pinakaesensyal ay kinamumuhian ng lahat ng mamamayan ng daigdig at nilalabanan ng mga makatarungan at progresibong rebolusyonaryong digmang bayan ang agresibong makauring katangian nito. Sa Bietnam na lamang, hindi makapagtagumpay ang imperyalismong Amerikano at ang mga alyadong tropa nito laban sa magiting at makabayang sambayanang Bietnames. Sa marami pang lugar ay patuloy itong didikdikin ng rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka. Taglay ang sandata ng di-magagaping Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung, ang mamamayan ng daigdig ay naglulunsad ng mga rebolusyonaryong pakikibaka at sa gayon ay nagpapatunay sa pangkasaysayang katotohanan na ang imperyalismo ay naghihingalo na at ang sosyalismo ay malusog na umuunlad.

Party Constitution Bottom I II III IV V
Back to top


Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itatag ang Partido

NILALAMAN:



I. MARXISMO-LENINISMO-KAISIPANG MAO TSETUNG ANG PATNUBAY NATIN SA PAGPUNA SA SARILI AT MULING PAGTATAYO NG PARTIDO

II. PAGLALAGOM NG ATING KARANASAN AT PAGHANGO NG MGA REBOLUSYONARYONG ARAL

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

A. Pagtatatag ng Partido at ilegalisasyon nito
B. Pagsasanib ng Partido Komunista at ng Partido Sosyalista
K. Ang Partido sa panahon ng pananakop ng Hapon
D. Ang Partido sa pagbalik ng imperyalismong Amerikano
E. Ang Partido sa panahon ng adbenturismong militar
G. Ang Partido sa panahon ng patuloy na pagkatalong militar

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

A. Mga kahinaan sa ideolohia
B. Mga kamalian sa pulitika
K. Mga kamalian sa militar
D. Mga kamalian sa organisasyon

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

A. Pagtatayo ng Partido
B. Sandatahang pakikibaka
K. Ang pambansang nagkakaisang prente


Download Pilipino | English


Basahin sa Ingles

Basahin sa Hiligaynon


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.
Click here to send your feedback.