Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

G. Ang Partido sa panahon ng patuloy na pagkatalong militar

Matapos madakip ang Secretariat o Politburo-In sa Maynila, idinaos ng Politburo-Out ang isang komperensya ng Komite Sentral noong Pebrero at Marso 1951 upang talakayin ang bagong kalagayan. Bilang malinaw na katibayan ng lumulubhang kalagayan ng Partido, ang komperensya mismo ay napailalim sa panggigipit na militar na likha ng malakihang pagkubkob ng kaaway. Ang komperensya na may kakarampot na pwersang pananggol ay umasa lamang sa pisikal na pagkukubli sa loob ng pagkubkob.

Hindi iniharap at pinuna ng komperensya ng Komite Sentral ang mga adbenturistang kamalian ng lideratong Jose Lava sa larangan ng organisasyon, pulitika at ideolohia. Sa buod, ang lideratong Jesus Lava na inihalal ng komperensya ay bahagi pa rin ng naunang liderato; hinalinhan lamang ng Politburo-In ay mga kamaliang pantaktika tulad ng kapabayaan sa seguridad lalo na sa lunsod. Ang Komite Sentral ay hindi nakagawa ng masusi at sistematikong pagpuna-sa-sarili bilang saligan ng isang kilusang pagwawasto.

Taglay ang labis na pagtitiwala sa sarili na tulad ng sa lideratong Jose Lava, basta na lamang inulit ng "mga Resolusyon ng Komite Sentral" ng 1951 ang "PB Resolutions" ng 1950. Ang lideratong Jesus Lava na walang kaalam-alam sa estratehia at taktika ng digmang bayan ay hindi tahasang nakapagsabi na ang digmang bayan ay nasa estratehikong depensiba; sa halip, magulong-isip na sinabi nitong ang yugto ng sandatahang pakikibaka noon ay "estratehikong kontraopensiba". Tulad ng mga nakaraang yugto ng kasaysayan ng Partido, naganap sa loob ng Partido ang isang bagong kalagayang bunga ng malulubhang pagkakamali ng nakaraang liderato ng Partido; gayunma'y wala rin inilunsad na kilusang pagwawasto upang maituwid ang mga pangunahing pagkakamali at kahinaan sa ideolohia, pulitika, organisasyon at sandatahang pakikibaka.

Ang mga kamalian ng lideratong Jose lava ay natakpan ng hidwaan sa loob ng Partido sa pagitan nina Jesus Lava at magkapatid na Taruc hinggil sa hiwa-hiwalay na mga isyu. Sa bagay na ito, ang lideratong Jesus Lava ay gumamit ng mga maniobrang pang-organisasyon upang pagtakpan ang mga adbenturistang pagkakamali ng liderato ng Partido at labanan ang kapitulasyonismo ng magkapatid na Taruc.

Bunga ng hindi naiwastong mga kahinaang pang-ideolohia at pampulitika at bunga ng kapaha-pahamak na adbenturang militar ng lideratong Jose lava, ang kapitulasyonismo ay nagsimulang umusbong sa hanay ng liderato ng Partido katulad ng ipinamalas ng disgustado at taksil na si Luis Taruc na sumuko sa reaksyonaryong papet na pamahalaan ni Ramon Magsaysay noong 1954. Ang tahasang tunguhin ng kapitulasyonismo ay lumala at naging pangunahing agos bunga ng sunod-sunod na pagkatalong militar, ng talamak na kamalian sa paghawak sa mga kadre at ng sektaryo at liberal na paggamit sa mga kadre upang ipagpatuloy ang kawing-kawing na liderato ng angkang Lava.

Nang umakyat ito sa panunungkulan, ang lideratong Jesus Lava ay hinagupit ng sunud-sunod na pagkatalong militar. Makaraan ang komperensya ng Komite Sentral ng 1951, ang himpilan ng Partido at ang kasama nitong mga tauhan at pwersa sa seguridad ay kusang naghati-hati sa maraming maliliit na grupo at ang mga ito ay tulirong nagpanakbuhan sa loob ng malakihang pagkubkob ng kaaway na pumaligid sa Sierra Madre mula sa Laguna hanggang Nueva Ecija at sa magkabilang panig ng lalawigang Quezon. Kung kailan kailangang tipunin ng liderato ng Partido ang sandatahang lakas upang wasakin o lusutan ang mahihinang bahagi ng kumukubkob na kaaway, wala itong sapat na bilang ng tauhang maaaring pamatnugutan. Mula noon, ang lideratong Jesus Lava ay nawalan na ng epektibong kontrol sa anumang malaki-laking pwersa sapagkat ang pinakamalakas na panrehiyong pamatnugutan (Reco 2) na malapit kay Luis Taruc ay naging disgustado sa lideratong Lava at ang lahat ng iba pang pwersa ay nagkawatak-watak dahil sa banat-na-banat na pagkakalat ng mga sandatahang pangkat sa panahon ng adbenturistang liderto ni Jose Lava.

Noong 1951-55, maraming pangunahing lider ng sandatahang pakikibka ang nasukol ng malakihang kampanya ng pagkubkob sa Timog Luaon, Gitnang Luson, Bikol at Panay. Sa panahong ito sumulpot ang tunguhing rebeldeng lagalag sa HMB bunga ng di-epektibong pamatnugutang sentral at ng taktikang paghihiwa-hiwa ng kaaway.

Noong pa mang 1954 ay binuwag na ng lideratong Jesus Lava ang mga sandatahang yunit na naabot pa nito, at ginawa iyong mga "brigada sa organisasyon".

Sa udyok at kalagayan ng pagkatalong militar, ang lideratong Jesus Lava ay nagpasyang pormal na itaguyod ang parlamentaryong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka noong 1956, kaya't nabulid ito sa kapitulasyonistang linyang katulad ng kay Luis Taruc. Ang patakaran ng sandatahang pakikibaka ay tinalikdan at ang mga dating tumutol sa patakarang ito ay nangatuwa sa maling akalang sila'y nabigyang-matwid ng adbenturistang kamalian ng lideratong Jose Lava at Kanang oportunistang pagbaligtad ng lideratong Jesus Lava.

Udyok ng pandaigdigang kampanyang rebisyonista na inilulunsad ng mga rebisyonistang Khrushchov, ang lideratong Jesus Lava sa mga sumunod na taon ay lalong nakumbinsing makatwiran ang maling patakaran nito. Noong 1958, binuwag ni Jesus Lava ang kanyang pwersang panseguridad at iniwan ang kanayunan patungong lunsod upang magsimulang mamuhay na isang puganteng-lunsod na hiwalay sa masa. Ang kalakarang ito ng pagtakas sa kanayunan tungo sa lunsod ay naging sanhi ng pagkakadakip sa mga pangunahing lider ng Partido sa Kamaynilaan. Ito ang palatandaan ng ganap na kabiguan ng sunud-sunod na lideratong Lava sa Partido Komunista ng Pilipinas.

Habang namumuhay na isang puganteng-lunsod, sumulat si Lava ng mga "political transmission" at direktiba at humirang ng mga tauhan nang walang kolektibong talakayan sa Partido. Sa panahon ding ito mag-isang pinagtibay ni Jesus Lava ang likidasyonistang patakarang "isang pila" (single file). Itinakda ng patakarang ito na ang isang kasapi ng Partido sa isang panahon ay dapat na makipag-alam lamang sa isang kasapi ng Partido. Ang buong Partido ay nauwi muna sa iilang isang-direksyong pila hanggang sa ang pagkawala ng isang kasapi sa isang pila ay humantong sa dagliang pagkahiwalay sa Partido ng iba pa o sa ganap na pagkalansag ng buong pila. Ang kaparaanang ito ay humantong sa malubhang pagkasira ng organisasyon ng Partido. Pagkaraan ng ilan pang taon,si Jesus Lava ay nawalan ng ugnay sa mga legal at armadong kadre ng Partido.

Sa panahong ito ng likidasyonismo nahuli ang Partido, mas huli pa sa pambansang burgesia at petiburgesiang lunsod na nagtataas na ng bandila ng nasyonalismong tatak-Recto noon pa mang 1957 at lalo na noong 1961. Hanggang sa lumitaw ang mga bagong kadre at muling kumilos ang ilang datihang kasapi,ang Partido ay lubhang nahuli sa mga kasalukuyang pangyayari. Samantala, si Jesus Lava ay mag-isang nagpasya para sa Partido, ayon sa nabubunyag ngayon sa mga talakayan sa Partido. Noong Mayo 1964, si Jesus Lava ay tuluyang nadakip sa Sampaloc, Maynila sa mga kalagayang malinaw na nagpapakitang kusa siyang sumuko. Una sa lahat, dahil na rin sa kanyang Kanang oportunismo, solong takboismo at likidasyonismo, isinubo niya ang sarili sa bungangang-lunsod ng reaksyonaryong balyena.

Party Constitution Bottom I II III IV V
Back to top


Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itatag ang Partido

NILALAMAN:



I. MARXISMO-LENINISMO-KAISIPANG MAO TSETUNG ANG PATNUBAY NATIN SA PAGPUNA SA SARILI AT MULING PAGTATAYO NG PARTIDO

II. PAGLALAGOM NG ATING KARANASAN AT PAGHANGO NG MGA REBOLUSYONARYONG ARAL

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

A. Pagtatatag ng Partido at ilegalisasyon nito
B. Pagsasanib ng Partido Komunista at ng Partido Sosyalista
K. Ang Partido sa panahon ng pananakop ng Hapon
D. Ang Partido sa pagbalik ng imperyalismong Amerikano
E. Ang Partido sa panahon ng adbenturismong militar
G. Ang Partido sa panahon ng patuloy na pagkatalong militar

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

A. Mga kahinaan sa ideolohia
B. Mga kamalian sa pulitika
K. Mga kamalian sa militar
D. Mga kamalian sa organisasyon

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

A. Pagtatayo ng Partido
B. Sandatahang pakikibaka
K. Ang pambansang nagkakaisang prente


Download Pilipino | English


Basahin sa Ingles

Basahin sa Hiligaynon


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.