Home   CPP   NPA   NDF   Ang Bayan   KR Online   Public Info   Publications   Kultura   Specials   Photos  

 
 
CPP Documents
Saligang Batas
CPP History
Rectify Errors and Rebuild the Party
Specific Characteristics of our People's War
Our Urgent Tasks
Program

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

B. Mga Kamalian sa Pulitika

May mga kamaliang Kanang oportunismo at "Kaliwang" oportunismo sa kasaysayan ng Partido Komunista ng Pilipins. Ang mga kamaliang ito sa pulitika ay nagmumula sa subhetibistang pananaw-sa-daigdig. Humahadlang ang mga ito sa pagtatayo ng Marxista-Leninistang partidong matatag at mahigpit na nakaugnay sa masa sa buong bayan, may wastong estilo ng paggawa at nagsasagawa ng pagpuna at pagpuna sa sarili, nagpapairal ng programa sa rebolusyong agraryo at gumagamit ng pambansang nagkakaisang prente upang magpalawak ng impluwensiya at suporta sa pakikibaka laban sa imperyalismong Amerikano, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Ang pagigiging panlunsod, parlamentaryo at hayag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga unang buwan nito noong 1930 at 1931 ang pangunahing dahilan ng kapahamakan at kahirapan sa pulitika na kaagad nitong dinanas. Sa maagang panahong ito, ang liderato ng Partido ay nahirati sa "Kaliwang" pananalita sa publiko laban sa buong burgesia at hindi mahusay na nagampanan ang gawaing ilegal kasabay ng gawaing legal.

Hindi pinukaw at pinakilos ng Partido ang uring magsasaka bilang pangunahing lakas ng rebolusyon. Gayong napatapon sa iba't ibang lalawigan ang mga pangunahing lider ng Partido at ng mga organisasyong pangmasa nito, hindi naman nila batid ang kahalagahan ng paghahasik ng binhi ng bagong demokratikong rebolusyon sa kanayunan. Ang idea ng pambansang nagkakaisang prente ay hindi rin kaagad iniharap at isinagawa. Maging ang petiburgesiang lunsod ay hindi nabigyan ng masusing pansin bilang alyado sa uri at mapagkukunan ng mga kadre.

Gayunman, sa panahong idineklarang ilegal ang Partido, ang mga kadre na nagmula sa petiburgesia ay pumuslit sa Partido at pagsapit ng 1935 ay naging litaw na litaw nga sa loob nito. Dahil sa nanatili sila sa petiburges na kalagayang panlipunan at hindi nagbago ng kanilang pananaw, hinadlangan ng mga kadreng ito ang pagbibigay-diin sa gawain ng Partido sa hanay ng masang anakpawis, lalo na sa kanayunan. Sa mga unyon ng manggagawa, mabibilang sa daliri ang mga kadre ng Partido na kumikilos nang lihim. Hanggang 1937 ay mangilan-ngilan pa rin ang kadreng kumikilos sa hanay ng mga magsasaka sa ilang bayan sa Gitnang Luson. Ang Partido Sosyalista ni Pedro Abad Santos ay siya pang nagkaroon ng malaki ngunit buhaghag na masang kasapi sa kanayunan. Ilang aktibista ng repormistang partidong ito ay nakabasa nga ng literaturang Marxista ngunit wala namang disiplina ng kadreng Komunista.

Sa pagsasanib ng Partido Komunista ng Pilipinas at Partido sosyalista noong 1938 naging pormal ang burges na reaksyonaryong linya ng rebisyonismo. Sa preambulo ng saligang batas ng Partido ng pagsasanib ay may pariralang nagsasaad na "ipinagtatanggol nito ang Saligang Batas (ng papet na pamahalaang Komonwelt ng Estados Unidos) at ang mga karapatang inihahayag doon..." at sa Seksyon 1 ng Artikulo III nito ay napapaloob ang pahayag na "tinututulan nang buong lakas ang anumang pangkatin, grupo, sirkulo, paksyon o partido na nagpapakana o kumikilos upang wasakin, sirain papanghinain o ibagsak ang anuman o lahat ng institusyon ng demokrasyong Pilipino na kasangkapan upang matamo ng nakakarami sa sambayanang Pilipino ang kapangyarihang pagpasyahan sa papaano man ang kanilang kapalaran". Pangangayupapa kay Quezon sa Prente Popular ang pinagkaabalahan noon ng karamihan sa mga lider ng Partido.

Hindi ganap na nasapol ng mga lider ng Partido ang pangangailangang maghanda at magpaunlad ng mga baseng bukid sa harap ng lumalaking banta ng pasismo; at napag-isip-isipan man iyon, hindi sapat ang paghahandang ginawa para sa sandatahang pakikibaka. Ang kalagayang pandaigdig na malinaw na nagpapahiwatig sa nakaambang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay hindi lubusang naiugnay sa kalagayan sa Pilipinas. Mula 1938 hanggang 1942, ang una at pangalawang linya ng liderato ay nagkasundo sa pangunahing kahalagahan ng gawaing lunsod ng Partido, labis na nagdiin sa pagtatanggol sa mga "karapatang sibil" habang tumatawad sa kahalagahan ng pagbubuo ng Partido at pagbubuo ng hukbo sa hanay ng mga magsasaka. Ipinalagay na lamang at sukat na sa pagsasanib ng Partido Komunista at Partido Sosyalista ay mapagbubuklod ang uring magsasaka sa panig ng Partido. Sa ilalim ng bandilang Prente Popular at sa tangkilik ng pamahalaang Komonwelt, ang mga namumunong kadre ng Partido ay kumandidato sa halalan ng reaksyonaryong pamahalaan lalo na sa Kamaynilaan at sa ilang lalawigan at hindi nagsumikap sa pangunahing rebolusyonaryong gawain sa kanayunan.

Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Partido ay nagharap sa pangulo ng pamahalaang Komonwelt na si Manuel L. Quezon ng isang memorandum na humihingi ng armas sa pamahalaang burges, ngunit ang huli na nakatitiyak sa kanyang makauring interes ay tumanggi kahima't may Pente Popular. Sa halip na bigyan ng pangunahing diin ang rebolusyonaryong gawain at pakilusin ang masang magsasaka, ipinasya ng liderato ng Partido na bigyan ng pangunahing diin ang pumapangalawa, ang gawaing legal at panlunsod sa ilalim ng bandila ng Prente Popular. Nailigaw ito ng maling pag-asa sa tulong na sandata mula sa papet na pamahalaang kontrolado ng imperyalistang Amerikano.

Nang lusubin ng mga imperyalistang Hapones ang Maynila, nadakip sa lunsod ang unang linya ng liderato at hindi alam ng iba pang kadreng lunsod kung saan uurong. Dito natin makikita ang kamalian ng Kanang oportunismo ay umusbong sa loob ng Partido nang hindi pinupuna at puspusang iwinasto.

Dahil sa natuon ang gawain ng Partido sa parlamentaryong pakikibaka, ang Partido ng pagsasanib ay hindi nakagawa ng mga pinakaesensyal na paghahanda sa antipasistang sandatahang pakikibaka. Ang mga kadreng lunsod na nagpanakbuhan sa kanayunan nang lumusob ang mga Hapones ay hindi nakaurong sa organisadong paraan, kaya'y dito nabunyag ang kabiguan ng lideratong Crisanto Evangelista na magtatag ng partidong may malalim na pundasyon sa masang magsasaka batay sa kanilang pakikibaka para sa lupa na siyang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Walang naihandang baseng bukid na paglulunsaran ng digmang bayan laban sa mga pasistang Hapones.

Sa aral na dulot ng kagyat na kalagayan, idinaos ng liderato ng Partido ang Komperensya ng Kawanihan ng Gitnang Luson at hindi nagtagal ay itinatag nito ang Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) upang mamuno sa paglaban ng sambayanan sa mga malulusob na Hapones at papet na pamahalaan. Kasama ang Hukbalahap na pinamumunuan nito, sinimulan ng Partido ang pagbubuo ng kapangyarihang pampulitika sa kanayunan.

Ngunit nagpatuloy ang Kanang oportunistang linya sa pulitika at nang danasin ng Partido at hukbo ang unang kabiguan sa pakikibakang anti-Hapones noong March Raid, isinulong ng lideratong Vicente Lava ang Kanang oportunismo sa pagpapatibay ng patakarang "umurong upang magtanggol". Ito ay patakarang lumabag sa Marxista-Leninistang prinsipyo na ang Pulang kapangyarihang pampulitika ay maitatayo sa pamamagitan lamang ng sandatahang pakikibaka. Ang patakarang ito ay dili iba't isa lamang porma ng patakarang "magtago" ng USAFFE na pag-iwas sa sandatahang pakikibaka sa mga manlulusob na Hapones. Hinadlangan ng kanang oportunistang linyang ito ang paglitaw ng demokratikong kapangyarihan ng bayan hindi lamang sa maikling panahon kundi sa matagal na panahon pagkaraang ihayag na ito ay isang maling patakaran.

Ang kusang paglaban ng masa ay naglantad sa pagkabangkarote ng patakarang "umurong upang magtanggol" at idineklarang mali ng Konperensyang Bagumbali ang patakarang ito. Bagamat ang komperensyang ito ay humantong sa pagkakababa sa tungkulin ng ilang Kanang oportunista at sa muling pagbubuo ng mga "iskwadron" ng Hukbalahap para sa ibayong pakikibaka, hindi lubusang naiwasto ang Kanang oportunistang kamalian at nanatili pa rin ang malaking impluwensya ng mga Kanang oportunista sa Komite Sentral. Bukod dito, ang mga "sosyalista" na awtomatikong naging "komunista" sa bisa ng pagsasanib noong 1938 ay hindi binigyan ng liderato ng Partido ng tumpak na edukasyong Marxista-Leninista at sila'y nanatiling madaling hawakan ng Kanang oportunismo. Ang palasuko at taksil na si Luis Taruc ang mananatiling pangkalahatang kinatawan ng napakarami sa kanilang hindi nakasulong sa antas ng mga Marxista-Leninista.

Ang pagtalikod sa patakarang "umurong upang magtanggol" ay nagdulot ng ilang limitadong tagumpay sa Partido at hukbo. Sa loob ng ilang buwan, lumaki ang lugar at populasyon na saklaw ng mga ito hanggang sa ang malaking bahagi ng Gitnang Luson ay napailalim sa mabisang liderato ng Partido at hukbong bayan ay nakapagtalaga ng malaki-laking yunit upang magtayo o magpatatag ng mga sandatahang base sa Timog Katagalugan.

Gayunman, sa huling dako ng pakikibakang anti-Hapones, nang lumunsad ang mga imperyalismong Amerikano upang muling sakupin ang Pilipinas, ang Kanang oportunistang linya ay kapansin-pansing lumitaw muli bilang pangunahing linya. Sumulpot ang ilusyong sawa na ang sambayanan sa digmaan at maisasakatuparan ng Partido ang mga simulain nito sa ilalim ng "demokratikong kapayapaang" ipagkakaloob ng imperyalismong Amerikano at mga panginoong maylupa. Salungat sa mga ilusyong ito ang ginawang mga kalupitan ng pulis militar, gwardyang sibilyan at lahat ng klaseng ahenteng Amerikano laban sa sambayanan at ang mga di-makatwirang pagdakip at pagbilanggo sa mga prinsipal na pinuno at mandirigma ng Hukbalahap. Kaya pinagtibay ang estratehikong dalawahang linya na may umano'y linyang "propaganda" at nagsasaad na lantarang nais ng Partido ang "demokratikong kapayapaan", ang paglahok sa pulitikong burges sa pamamagitan ng Democratic Alliance; at ang "tunay" na linya ay nagsasaad na hawak pa rin nito ang sandatahang kapangyarihan sa anyo ng mga nakatagong imbak na armas. Iniutos ng liderato ng Partido na lansagin ang karamihan sa mga "iskwadron" ng Hukbalahap at isinagawa ang pakunwang pagsuko ng armas. Ibinalik nito sa lunsod ang sentro ng pagkilos na pampulitika sa ilalim ng bandila nga parlamentarimosmong burges.

Sa pagkakapagpatibay sa naturang dalawahang linyang estratehiko, ang panlilinlang ay walang katwirang itinuring na mahalagang bahagi ng linyang estratehiko. Ngunit samantalang hindi nalinlang ang kalaban ng pakunwang pagsuko ng sandata ng Hukbalahap naghasik naman ito ng kalituhan sa hanay ng mga kadre at masa. Ang liderato ng Partido ay hindi nakapagbigay ng tumpak na linyang pangmasa nang pagtibayin nito ang dalawahang linyang estratehiko at nawalan ito ng hawak sa sandata.

Patuloy na tinaglay ng saligang batas ng Partido ng 1946 ang burges na reaksyonaryong linyang rebisyonismo sa pagsasaad sa Artikulo VIII. Seksyon 2 na "Ang pagsapi o paglahok sa mga aktibidad ng anumang grupo, uri, paksyon o partido na naglalayon o kumikilos upang wasakin, papanghinain o ibagsak ang demokratikong Saligang Batas ng Pilipinas ay parurusahan ng kagyat na pagtitiwalag sa Partido".

Hanggang Mayo 1948, nang umakyat sa sentral na pamunuan ang lideratong Jose Lava, naranasan ng Partido ang lantarang pangingibabaw ng Kanang oportunismo o rebisyonismo. Noong katatapos lamang ng digmaan ay nanaig ang Kanang oportunistang impluwensya nina Vicente Lava, Pedro Castro at Jorge Frianeza. tinuligsa at pinalitan ang lideratong Pedro Castro dahil sa Kanang oportunismo at buntotismo nito at sa pagtataguyod nitong paunlarin ang isang pangmasa at hayag na partidong umano'y lalahok lamang sa eleksyong burges. Ngunit ang mga kamalian ng lideratong ito ay hindi kailanman tuluy-tuloy na iwinasto sa ideolohia at pulitika sa buong Partido bagamat ginawa ang mararahas na hakbang sa organisasyon laban sa mga pumanig kay Pedro Castro nang walang gaanong pagpapaliwanag sa masa ng kasapi ng Partido. Pumalit sa kanya si Jorge Frianeza na di naglao'y tinanggal sa pagiging pangkalahatang kalihim at itiniwalag dahil sa Kanang pagtataguyod nitong makipag-isang prente sa papet na pamahalaang Roxas, gayunma'y wala na namang inilunsad na puspusang kilusang pagwawasto upang bunutin ang makapit na ugat ng mga kamalian.

Sinamantala lamang ng lideratong Jose Lava ang mariing kahilingan ng Partido at ng sambayanan na kailangan ang sandatahang pakikibaka sa harap ng pasistang pagsalakay sa kanila at sa ilang halal na kinatawan sa Kongreso na tutol sa Batas Bell sa Kalakalan at Susog-Parity, nang walang paglilinaw sa mga batayan sa ideolohia, pulitika at organisasyon para sa matagalang digmang bayan. Basta na lamang iniasa ng lideratong ito ang tagumpay ng rebolusyon sa mga panlabas na kalagayan.

Dahil sa kawalan ng puspusang kilusang pagwawasto laban sa naunang Kanang liderato bukod sa mga hakbang na pang-organisasyon at administratibo, ang Kanang oportunismo ay nakapanatili pa ring isang malakas na pailalim na agos o pangalawang aspekto ng oportunismo maging sa ilalim nga "Kaliwang" oportunistang lideratong Jose Lava. Pagkaraang-pagkaraang ito'y manungkulan at magpatibay ng linya ng sandatahang pakikibaka, pinahintulutan nga nito si Luis Taruc na makipagkasundo sa pamahalaang Quirino tungkol sa mga kondisyon ng pagsuko at amnestia para sa sandatahang lakas ng bayan. Ito ay isa pang halimbawa ng oportunistang linyang higit na nakapagpahina sa rebolusyonaryong kalooban ng masa kaysa nakalinlang sa kaaway. Walang tunay na Marxista-Leninistang liderato ng Partido ang kailanma'y mag-iisip na sumuko o humingi ng amnestia sa kaaway. Ang ganoon ay pagkakanulo sa masang nakikibaka, pagtataguyod sa kapitulasyonismo at paglilingkod sa kaaway.

Ang pangunahing kamalian ng lideratong Jose Lava ay "Kaliwang" oportunismo sa dogmatikong pagpapalagay na ang kaaway sa uri ng proletaryado ay nanghihina at lubusang nahahati na at ang Partido'y makapang-aagaw ng kapangyarihan sa napakaikling panahon. Hindi nito naunawaan na sa bayang malakolonyal at malapyudal ay dapat ilunsad ang matagalang digmang bayan nang may karampatang pagsasaalang-alang sa lakas ng kaaway.

Sa pakikibakang anti-Hapones, ang Partido ay nakaasa lamang sa mga mamamayan sa mga lugar na saklaw ng Hukbalahap at Barrio United Defense Corps. Dahil sa dating kabiguang magtalaga ng mga kadre sa mahahalagang bahagi ng kapuluan liban sa Gitnang Luson, Maynila-Rizal at Timog Katagalugan at dahil sa Kanang oportunismo ng mga sinundang taon, ang Partido at ang hukbong bayan ay hindi nakapagpalawak sa pambansang saklaw at sa gayo'y hindi nagkaroon ng kakayahang makipagkaisa sa mga mamamayan sa pambansang saklaw. Kakailanganin ng Partido ang matagal na panahon upang magawang rebolusyonaryong bentahe ang panimulang disbentahe ng pakikipaglaban para sa demokratikong kapangyarihan ng bayan sa kapuluang tulad ng Pilipinas.

Hindi masaklaw na naunawaan ng "Kaliwang" oportunistang lideratong Jose Lava ang mga pangangailangan ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Hindi nito nakita ang kahalagahan ng matibay na pagtatayo ng Partido, ng pagpapaunlad ng mga sandatahang baseng bukid batay sa rebolusyong agraryo, at ng pambansang nagkakaisang prente. Kung nakilala nito ang kinakailangang kombinasyon at tumpak na paggamit ng mga sandatang ito, madali sana nitong naipalagay na ang digmang bayan ay matagalan at masalimuot.

Sa panahong nabanggit, lumaganap ang palagay na ang pagtatatag ng mga baseng bukid ay ideang kakatwa at utopiko "sapagkat ang Pilipinas ay maliit na bayan at kapuluang walang likurang kalapit at karugtong ng isang malaking kaibigang bayan". Ang idea ng baseng bukid ay buong kayabangang binale-wala ng noo'y pangkalahatang kalihim na si Jose Lava at tinawag na "ambisyosong idea". Hindi man lamang natalos noon na ang matatag na baseng bukid mismo ay siyang sentro o malaking likuran ng mga sonang gerilya. Ang kampo ng Politburo-Out sa parteng Laguna ng Sierra Madre ay umasa lamang sa nakatagong baseng pisikal sa halip na sa isang matatag na baseng bukid na may malakas na pagtangkilik ng mamamayan dahil sa sandatahang pakikibaka at rebolusyong agraryo.

Dapat sana'y inilunsad ang matagalang rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka kaagapay ng rebolusyong agraryo at pagpapaunlad ng mga baseng bukid. Dapat sana'y sumulong nang paalon ang hukbong bayan mula sa matatatag na base. Ngunit ang petiburges na lideratong ito'y lubhang nagmamadali, sobra ang pusok na makapang-agaw sa napakaikling panahon ng kapangyarihan ng estadong burges na nakasentro sa Maynila. Hindi kailanman nabatid ng petiburges na lideratong ito na malalabanan ng Partido ang estadong burges sa pamamagitan ng demokratikong kapangyarihang bayan na itinatag sa kanayunan. Sa kasagsagan ng adbenturistang kahangalang ito, ang mga lider ng Partido ay lantarang nagpapaalamang: "See you in Malacanang!" Ipinakikita ng musmos na salitang ito ang adbenturistang pagnanasa ng lideratong Jose Lava na italaga ang hukbong bayan sa tarangkahan ng Maynila sa loob ng maikling panahon nang hindi muna pinauunlad ang sandatahang kapangyarihan ng masa at pagkatapos ay sumulong nang paalon mula sa matatatag na baseng bukid.

Ang plenum ng Komite Sentral na idinaos ng Politburo-Out sa ilalim ng lideratong Jesus Lava noong Pebrero-Marso 1951 matapos madakip ang Politburo-In ay hindi nakapagbigay-linaw sa paggamit sa tatlong sandata ng rebolusyong Pilipino: ang pagtatayo ng partido, sandatahang pakikibaka at pambansang nagkakaisang prente. Pinalabo nito ang mga saligang kamalian ng lideratong Jose Lava sa pamamagitan ng mabababaw na katwirang tulad ng "kapabayaan" ng mga nadakip na lider ng Partido at kamalian sa taktika ng mga nakabababang kadre at komander at ng mga karaniwang kasapi. Naibunyag sana ng isang kilusang pagwawasto ang batayan sa ideolohia at pulitika ng mga kabiguan ng lideratong Jose Lava at sa gayo'y naalis ang panganib na magpatuloy ang oportunismo sa Kanan o "Kaliwang" anyo.

Ang pag-akyat ni Jesus Lava sa liderato ng Partido ay hindi nangahulugan ng kagyat na pagtalikod sa "Kaliwang" oportunistang linyang pampulitika ni Jose Lava. Naganap ang pagbaling sa Kanang oportunistang linya nang mawalan ang lideratong Jesus Lava ng epektibong sentral na pamumuno sa lahat ng yunit ng hukbong bayan at nang lalo itong ginipit ng sunud-sunod na kahirapang militar na gawa ng kaaway at ng kapitulasyonismo at paksyonalismo ni Luis Taruc at mga maka-Titong kabig niya. Naging litaw na litaw ang Kanang oportunismo nito sa pormal na pagkakapagpatibay sa parlamentaryong pakikibaka bilang pangunahing anyo ng pakikibaka noong 1956 at sa pagbuwag sa mga sandatahang yunit na pinamatnugutan nito. Ang Kanang oportunismong ito ay patuloy na napatunayang lalo sa mga sumunod na indibidwal na pagtakas ng mga pangunahing lider ng Partido mula sa kanayunan tungo sa lunsod. Ang indibidwal na pagtakas na ito ay humantong sa pinakamasamang patakaran ng lideratong Jesus Lava, ang patakarang "isang pila", na pumawi sa kolektibong buhay ng Partido at bumuwag sa halos lahat ng yunit ng Partido at sandatahang yunit, kaya't nabigo rin maging ang Kanang oportunistang layong lumahok nang pangunahin sa parlamentaryong pakikibaka.

Ang militanteng muling pagsulong ng Partido Komunista ng Pilipinas ay dahil sa paglitaw ng mga bagong kadre ng Partido at muling pagkilos ng mga datihang kadre ng Partido na ngayo'y pinapatnubayan ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung.

Subalit sa kasalukuyan, ang burges na reaksyonaryong linya ng mga Lava ay nananatili pa ring isang pamanirang impluwensya sa loob ng Partido. Ang burges na reaksyonaryong linya na napakatagal na ipinaghirap ng Partido nang hindi puspusang pinuna bago sumapit ang yugtong ito ng pag-unlad ng ating Partido, ay hindi magagapi sa loob ng ilang linggo, buwan o taon. Kung hindi natin babakahin ang ugat ng kanilang mga kamalian sa ideolohia at pulitika, hindi ito maaalis sa Partido maibagsak man ang mga tuwirang kinatawan nito mula sa kanilang panunungkulan sa Partido. Kung isasaalang-alang ang kalagayan ngayon, ang panganib ng Kanan o "Kaliwang" oportunismo ay laging nakaharap sa atin. Ngunit yaong mga matatag na naninindigan sa Marxismo-Leninismo- Kaisipang Mao Tsetung at sa tumpak na linyang pangmasa ng Partido ay magpapanatili at magsusulong lagi ng kanilang rebolusyonaryong lakas at kagitingan upang manaig.

Ngunit dapat tandaan na pangunahi'y Kanang oportunismo at pangalawa'y "Kaliwang" oportunismo ang burges na reaksyonaryong linya ng mga Lava. Sa ngayon, labis ang pagpapahalaga ng ilang kasapi ng Partido sa legal na "makabansang organisasyong pangmasa na nakabaseng-lunsod tulad ng Movement for the Advancement of Nationalism at sa mga hakbangin ng pamahalaan tulad ng Magna Karta ng Paggawa, Kodigo ng Reporma sa Lupang Agrikultural at iba pa. Sa kabilang dako, may bahagyang pailalim na agos ng musmos na "Kaliwang" oportunismo na labis ang pagtawad sa halaga ng mga legal na organisasyong pangmasa at nahahaling sa "Kaliwang" satsat nang hindi talaga lumalahok sa puspusang gawain at pakikibakang pangmasa laban sa mga nagsasamantala sa sambayanan.

Ang makabagong rebisyonismo ay nagkakaroon ng maliit na tuntungan sa lipunang Pilipino sa pamamagitan ng mga taksil na rebisyonistang Lava at iba pang Kanang oportunista. Kailangang bakahin ang makabagong rebisyonismo sa pamamagitan ng rebolusyonaryong teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Tsetung. Kung hindi, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay patuloy na hindi uunlad at mabibigo sa pakikibaka para sa demokratikong kapangyarihan ng bayan.Back to top Party Constitution Bottom I II III IV V
Back to top


Iwasto ang mga Kamalian at Muling Itatag ang Partido

NILALAMAN:



I. MARXISMO-LENINISMO-KAISIPANG MAO TSETUNG ANG PATNUBAY NATIN SA PAGPUNA SA SARILI AT MULING PAGTATAYO NG PARTIDO

II. PAGLALAGOM NG ATING KARANASAN AT PAGHANGO NG MGA REBOLUSYONARYONG ARAL

III. MAIKLING BALIK-ARAL SA KASAYSAYAN

A. Pagtatatag ng Partido at ilegalisasyon nito
B. Pagsasanib ng Partido Komunista at ng Partido Sosyalista
K. Ang Partido sa panahon ng pananakop ng Hapon
D. Ang Partido sa pagbalik ng imperyalismong Amerikano
E. Ang Partido sa panahon ng adbenturismong militar
G. Ang Partido sa panahon ng patuloy na pagkatalong militar

IV. MGA PANGUNAHING KAMALIAN AT KAHINAAN

A. Mga kahinaan sa ideolohia
B. Mga kamalian sa pulitika
K. Mga kamalian sa militar
D. Mga kamalian sa organisasyon

V. TATLONG PANGUNAHING TUNGKULIN

A. Pagtatayo ng Partido
B. Sandatahang pakikibaka
K. Ang pambansang nagkakaisang prente


Download Pilipino | English


Basahin sa Ingles

Basahin sa Hiligaynon


[ HOME | CPP | NPA |NDF | Ang Bayan | Public Info]
[Publications | Specials]

The Philippine Revolution Web Central is maintained by the Party Information Bureau
of the Communist Party of the Philippines.