Ang pagsibol ng rebolusyon sa Niyog


Isang mahirap, pero mapanghamong gawain sa hukbong bayan ang magbukas ng bagong erya na makikilusan o ang gawaing ekspansyon. Sa Negros, isa sa mga eryang ito ang Niyog, isang baryong medyo nasa liblib na bahagi ng isla. Halos lahat ng mga residente dito ay mahihirap na magsasaka. Ilan ay manggagawang bukid. Nagtatanim sila ng niyog at nagkokopra.
Sa gawaing ekspansyon, lagi’t laging daraan sa pagsubok ang yunit sa simula. Pero sa pamamagitan ng mahigpit na pagtangan sa linyang masa, tuluy-tuloy na pag-iimbestiga at disiplina bilang hukbo, maoorganisa at mabubuo ng mga Pulang mandirigma ang mga organisasyong masa. Mula rito sisibol ang Pulang kapangyarihan sa lugar.
Sa Niyog, unang hinanap ng mga kasama ang maayos na pwesto ng kanilang pansamantalang kampo sa labas ng komunidad. Dahil hindi pa sila kilala ng masa sa lugar, lumabas ang pagkamapanlikha at mapamaraan ng mga kasama sa pagpapalitaw ng pagkain.: paramihan ng nakuhang palaka, talangka, mga gulay sa gubat at kung anu-ano pa.
Hindi lamang hindi kilala ng mga residente ng Niyog ang BHB, laganap dito ang paninira ng AFP sa hukbong bayan. Batid ng mga kasama may takot ang mga residente sa mga “NPA” dahil dito. Napag-alaman nilang ipinagkakalat ng AFP na ang mga Pulang mandirigma ay “may sungay, may buntot, at nagagalit kung walang lamang kanin ang kaldero.”
Dahil dito, hindi agad na nagpakilala ang mga kasama sa mga residente para hindi magdulot ng pangamba. Nakipagkaibigan muna sila habang sinisiyasat ang mga kalagayan ng baryo at inaalam ang mga usapin ng mamamayan. May pagkakataong nagtatanong muna sila kung saan nakabibili ng mga hayop at nakikinig ng mga kwentong baryo. Minsan, tinanong ng isang kasama ang isang nanay na nakasalubong niya sa daan kung ano kaya ang mangyayari kung makasalubong siyang “NPA?”
“Naku, pasensya ka na, iyan ang hindi ko alam. Hindi ko pa kasi nakikita yang tinatawag nilang mga NPA kung tao ba yan o hayop o ano. Basta mag-ingat lang kayo,” sagot ng isang nanay.
Hindi na pinatagal ng kasama at nagpakilala siya. “Salamat, Nay. Pero kami naman yung hihingi ng pasensya. Mga NPA po kami. Wala po kaming buntot at sungay, ordinaryong tao lang. Narito po kami para buong-pusong magsilbi sa inyo nang walang hinihinging kapalit kundi ang inyong suporta.
“Ay, Diyos ko! Akala ko masasamang tao yung NPA, eh ang gagwapo at ang gaganda niyo pala!” gulat na tugon ng nanay. “Pasok muna kayo sa loob, nang maipagtimpla ko kayo ng kape,” sabi niya habang natutuwang pinatutuloy ang mga Pulang mandirigma sa kanyang bahay. Mula noon, lagi’t lagi na niyang hinahanap ang mga mandirigma. Isa sa pinakamaaga niyang alala sa mga ito ang mabilis na pag-ani ng kanyang palay dahil sa pagtulong ng 10 Pulang mandirigma. Ang masayahing nanay na ito, na 54 taong gulang, ang isa pinakamatatag na tagasuporta ng hukbong bayan.
Minsan, nerbyos na nerbyos ang mga kasama dahil may kakausapin silang nakatira sa isang malaking bahay. Naisip nilang kailangan nilang mag-adjust sa mga sasabihin dahil baka mataas ang uri ng kausap nila. Pero hindi pala bahay, kundi barangay hall ng Niyog ang kanilang pulungan. Mga upisyal ng barangay pala ang kanilang kausap na gusto ring sumapi sa organisasyon..
Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pakikisalamuha at pagpapaliwanag, nabaliktad ng mga kasama ang masamang imahe na ipininta ng AFP sa Pulang hukbo at nabuo ang pagkakaisa sa pagitan ng mamamayan at kanilang hukbo. Napalitan ang dating mga pangamba at pag-aalinlangan ng saya at di matatawarang suporta sa pagsusulong ng mga pakikibakang masa.
Naidaos ang unang pag-aaral sa basketbol court ng barangay para itayo ang Pambansang Katipunan ng mga Magsasaka at talakayin ang Maiksing Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino. Dinaluhan ito ng 40 katao at mula sa kanilang hanay, lumitaw si Tatay Abraham bilang una nilang pangulo.
Sa sumunod na mga buwan, inilunsad ng hukbo at organisasyong masa ang mga kampanyang masa para sa ikabubuti ng komunidad. Hindi nag-atubili ang mga residente ng Niyog na sumuporta sa mga ito dahil alam nilang para ito sa kanilang kapakanan.
Di nagtagal, ang dating eryang ekspansyon ay konsolidado na. Nag-ambag ito ng una nilang Pulang mandirigma at martir, si Ka Marmar, noong 2018. Namatay siya sa isang labanan ngayong 2020. Maraming mahuhusay na anak ng Niyog ang sumapi at sasapi pa sa hukbong bayan.
Tuwing binabalikan ng mga kasama at ng masa sa Niyog ang mga di-malilimutang pinagdaanan, natatawa na lamang sila sa mga naaalala nilang eksena. Gayunpaman, batid nilang marami sa mga pangyayari sa panahong iyon ang naghubog kapwa sa mga Pulang mandirigma at sa masang kanilang pinagsisilbihan.
Sa ngayon, nahaharap ang rebolusyonaryong mamamayan sa Niyog sa hamon ng pagpapatatag at ibayo pang pagpapalawak ng saklaw ng kanilang organisasyon at pagkilos sa gitna ng maiigiting na operasyong militar sa Negros. Tiwala sila na malalagpasan nila ang mga kagipitan ng sitwasyon, hanggang katuwang nila ang pinakamamahal nilang hukbong bayan.