Protesta kontra ATB: “Hindi ito rali, isa itong mañanita”


Koordinadong mga kilos protesta na tinaguriang “mañanita” ang inilunsad sa Metro Manila at 14 na prubinsya bilang pagtutol sa Anti-Terrorism Bill noong Hunyo 12. Ang mga pagkilos ay harap-harapang paghamon sa idineklara ng Malacañang na bawal magrali. Tinawag itong mañanita para kutyain ang piging na isinagawa ng mga pulis ng National Capital Region para sa kanilang hepe na si Debold Sinas noong Mayo. Itinaon ng mga raliyista ang pagkilos sa ika-122 Araw ng Kalayaan. Kalakhan ng mga dumalo ay kabataan.
Sa loob ng kampus ng University of the Philippines (UP) sa Diliman, Quezon City, umabot sa 5,000 ang nagtipon sa isang “Grand Mañanita.” Gaya ng pagdiriwang ng kaarawan, nagdala ang iba’t ibang grupo ng mga party hat, lobo, pagkain at may ilan na gumawa pa ng birthday cake na may nakasulat na “Junk Anti-Terror Bill.” May sayawan at kantahan, mga pahayag at kultural na pagtatanghal.
Ang rali sa UP ay pinamunuan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga kaanib nitong organisasyong manggagawa, kabataan, kababaihan, manggagawang pangkalusugan, kawani, maralitang lunsod at iba pa. Lumahok din ang kilalang mga personahe ng Liberal Party at iba pang organisasyon, gayundin ang ilang mga kilalang artista at manggagawang pangkultura.
Ayon kay Neri Colmenares, tagapangulo ng Bayan Muna, mapanganib ang Anti-Terror Bill sapagkat magagamit ito laban sa ordinaryong mamamayan na pumupuna o naglalabas ng saloobin laban sa rehimen.
Bago magsimula ang pagtitipon, nagtayo ang pulis ng tsekpoynt sa UP para pigilan ang mga dadalo. Inasahan na ito ng mga raliyista kaya nakahanda ang mga tim ng abugado para sumalo sa mga aarestuhin. Nakahanda rin ang mga manggagawang pangkalusugan na nagtiyak na nasusunod ang mga hakbang para ligtas sa Covid-19 ang pagtitipon.
Tiniyak din ng mga nagprotesta ang panuntunang isang metrong pagitan sa bawat isa. Namigay ng mga face mask, face shield at alkohol. Nagtagal ang pagtitipon nang tatlong oras.
Binigyan-diin ng mga raliyista na habang ang rali ay laban sa Anti-Terror Bill, kasinghalaga ang pagpapanagot sa rehimen sa kainutilan nitong tiyakin ang kalusugan at kabutihan ng mamamayan sa gitna ng pandemyang Covid-19. Panawagan nila ang mass testing, tracing at validation ng mga kaso ng Covid-19, tiyakin ang ayuda sa mamamayan at itaguyod ang kalayaan at demokrasya.
Naging tampok sa rali ang talumpati ni Marie Dinglasan, isang ordinaryong manininda na nagpapahayag ng kanyang saloobing kontra-Duterte sa social media. Nakilala siya sa matapang na pagsagot sa mga “troll” ni Duterte na kumuyog at nag-akusa sa kanya na “suporter ng NPA.” Patok din ang pagtatanghal ni Mae Paner, isang artista sa teatro, na gumanap bilang si Debold Sinas, at ang kolektibong pagsayaw sa at pagkanta ng awiting “Don’t call me terorista” (Huwag mo akong tawaging terorista).
Bago ang Grand Mañanita, nagkaroon ng mga pagkilos sa loob ng De La Salle University sa Maynila at sa loob ng komunidad ng San Roque sa Barangay Pag-asa, Quezon City.
ALAM NIYO BA?
Ang Mañanita (“maliit na bukas” sa wikang Espanyol) ay isang harana na inihahandog sa isang taong nagdiriwang ng kaarawan sa madaling araw o takipsilim ng naturang araw. Sa ilang bahagi ng Pilipinas, naging tradisyon ito ng simpleng pagtitipon ng pamilya ng nagdiriwang sa simula ng kaarawan. Isang partikular na haranang mañanita ang laganap na kinakanta ng mga Pulang mandirigma sa kanilang kapwa mandirigma sa Mindanao. Ang kantang ito, “Malipayong Adlaw,” ay sinulat at pinalaganap ng Agaw-Armas.
Sa buong bansa, lumabas sa mga bahay at nagrali rin ang maraming grupong aktibista at kabataan laban sa Anti-Terror Bill.
Baguio. Isandaan ang nagprotesta sa harap ng UP Baguio. Bago nito, may 62 organisasyon ng kabataan ang pumirma laban sa Anti-Terror Bill sa pangunguna ng Youth Act Now Against Tyranny-Baguio-Benguet noong Hunyo 3.
Nueva Vizcaya. Nagtipon ang mga kontra-mina at maka-kalikasang residente ng Didipio, Kasibu sa kanilang komunidad.
Isabela. Pinigilan ng mga pulis ang kabataan na magsagawa ng programa sa harap ng kanilang paaralan sa Santiago, Isabela. Sinabihan silang “kumuha na lamang ng piktyur” at agad na magdispers.
Pampanga. Limang aktibista ang sinundan at ininteroga ng mga ahente ng AFP pagkatapos ng kanilang programa sa Plaza Miranda, Angeles City.
Albay at Naga. Pinangunahan ng Youth Act Now-Albay ang protesta sa Pinaglabanan Monument, Legazpi City. Ayon kay Justine Mesias, tagapagsalita ng Youth Act Now, pinalalala lamang ng Anti-Terror Bill ng rehimen ang kalunos-lunos nang kalagayan ng mamamayan. Nakapaglunsad din ng protesta ang may 200 kasapi ng Anakbayan-Naga City at Bayan-Camarines Sur sa Plaza Quince Martires, Naga City.
Negros. Raling iglap naman ang isinagawa ng Bacolod Youth Alliance sa anim na lokasyon sa syudad—Rizal Freedom Park, Bacolod City Plaza, Fountain of Justice, San Sebastian Cathedral, istasyon ng ABS-CBN at sa harap ng tanggapan ni Cong. Greg Gasataya. Kasabay nito nagkaroon din ng pagkilos ang Paghiliusa, Liberal Party Negros at Federation of Urban Poor sa harap ng San Sebastian Cathedral bilang pagkundena sa Anti-Terror bill. Kinahapunan, nagkaroon ng katulad na protesta ang Bayan at Karapatan Negros sa harap ng Fountain of Justice, Bacolod City.
Iloilo. “Mañanita Kontra-Terorismo” ang isinagawa ng mga mag-aaral at guro ng UP Visayas, mga taong-simbahan at Commission on Human Rights Region 6 sa loob ng UP Visayas, Iloilo.
Cebu. Dahil sa pagkampo ng mga pulis sa harap ng UP-Cebu at pagtanggi ng administrasyon nito na kilalanin ang kalayaan ng mga mag-aaral na magtipon sa loob ng kampus, isang raling iglap na lamang ang ginawa ng mga progresibong organisasyon sa Gorordo Avenue at Escario Street sa Cebu, bandang ala-6 ng umaga.
Davao. Pinangunahan ng PASAKA Confederation of Lumad Organization ang programa sa UCCP Haran sa Davao City. Dumalo dito ang 500 bakwit at nagprotesta habang istriktong nagmamantine ng distansya sa isa’t isa. Kinagabihan, nagsindi ng sulo ang mga lider Lumad bilang simbolo ng pagbibigay liwanag sa gitna ng kadiliman at tiraniya ng rehimeng Duterte at kung paano nito pinag-iinit ang alab ng paglaban ng mamamayan.
Ani Datu Minstroso Malibato: “Sa kabila ng pagsisikap namin bigyan ng edukasyon ang aming mga anak, marahas kaming sinusupil ng gubyerno sa pamamagitan ng pagpapasara sa aming mga paaralan at pamamaslang sa aming mga Lumad.” Pagdidiin ng grupo, ang totoong terorista ay ang gubyerno ni Duterte.
Butuan. Nagkaroon din ng “mañanita” sa Freedom Park, Butuan City.
Nakiisa naman sa “Grand Mañanita” ang ibang mga grupo ng kabataan at abugado sa mga lunsod ng Cagayan de Oro, Dumaguete, Zamboanga at Bulacan.