Remitans, nakatakdang bumagsak ngayong taon

Noon pang Abril, tinaya na ng National Economic Development Authority na babagsak nang hanggang 30% ang remitans ng mga Pilipinong migrante ngayong taon dulot ng pandemyang Covid-19. Ito ay dahil halos kalahati ng mga migranteng Pilipino ay nagtatrabaho sa mga sektor na pinakatinamaan ng mga lockdown sa iba’t ibang bansa. Milyun-milyong migranteng Pilipino ang mawawalan ng trabaho dulot ng resesyon.
Malaking dagok ito para sa lokal na ekonomya lalupa’t mahigpit itong nakasandig sa remitans. Noong nakaraang taon, umabot sa P1.68 trilyon ang kabuuang remitans ng mga migrante, katumbas ng 10% ng naitalang gross domestic product (kabuuang lokal na produksyon) ng taon. Ang remitans ng mga OFW ang isa sa pangunahing pinagkukunan ng pondo ng rehimen para sustentuhan ang lokal na konsumo sa bansa at resolbahin ang patuloy na lumalaking depisito sa balance of payments nito.