Sunud-sunod na BKP, inilunsad sa Bikol


Apat na bats ng pag-aaral sa Batayang Kurso ng Partido (BKP) at isang bats ng pagsasanay sa mga instruktor ng BKP ang inilunsad sa isang prubinsya ng Bikol. “Mas napalalim ng BKP yung kagustuhan ko na sumapi. Natutunan at mas nalinawan ako sa mga ginagawa dito sa hukbo,” ani Ka Troy, isa sa mga estudyante sa pag-aaral.
Isinagawa ang koordinadong mga pag-aaral bilang pagkonsolida sa baseng masa at hukbo. Tugon din ito sa pasistang kontra-insurhensya ng rehimeng Duterte. Itinaon ito sa panahong hindi nakapokus ang operasyon ng kaaway sa larangan.
Sa loob ng limang linggo, simula Marso hanggang unang linggo ng Abril, 84 ang nakapagtapos ng BKP mula sa hanay ng masa at hukbong bayan.
Bunga ng pag-aaral
Kasapi si Ka Troy ng samahang masa ng kabataan at kalaunan ay naging susing katuwang ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa kanilang komunidad. Isa siya sa 70 magsasaka na nakagradweyt ng BKP. “Mas nalaman ko ang mga patakaran… doon ko nagustuhan ang pamamalakad sa hukbo,” komento niya pagkatapos ng pag-aaral.
Sa tulong ng BKP, nagdesisyon si Ka Troy na sumapi sa BHB. Isa lamang siya sa ilang nagpasyang mag-pultaym sa hukbong bayan pagkatapos ng pag-aaral.
Nadagdagan ng 18 bagong instruktor para sa BKP ang larangang gerilya pagkatapos ng isang bats ng pagsasanay para sa mga instruktor. Isinagawa ito sa pagitan ng sunud-sunod na mga pag-aaral ng BKP. Kagyat silang isinabak sa pagtuturo at igrinupo para magturo ng kanya-kanyang paksa.
“Sa una, talagang hindi pa masyadong naipaliliwanag ang paksa… Medyo nahihiya pa sa pagtuturo,” pagsasalaysay ni Ka Nati, isa sa mga bagong instruktor. Nakatulong ang itinurong teknik sa pagtuturo tulad ng pagguhit, dagdag pa niya.
Mapagpasyang paglulunsad
Noong nakaraang taon, hindi naging mabunga ang paglulunsad ng mga Pampartidong pag-aaral sa saklaw na erya ng larangan dahil nagkulang sa pagpaplano at tulak. Ngayong taon, mapagpasyang tinutukan ng pamunuan ng prubinsya ang paglulunsad ng pag-aaral sa naturang larangan.
Simpleng pagpaplano at kagustuhang makapagpatapos ng pag-aaral, ito ang isinalaysay na susi sa paglulunsad ng BKP at ibang edukasyong pampartido.
Kagyat na ipinatawag ng larangan ang komite ng mga lokal na sangay ng Partido at ipinahanay ang pangalan ng mga bibigyan ng pag-aaral. Ikinoordina din ito sa mga kasapi ng Partido sa urban para makapagpadalo. Tiniyak ang mga benyu na pagdadausan ng pag-aaral at ang karampatang pagtugon sa seguridad dito.
Isang pag-aaral sa bawat linggo ang abereyds ng pag-aaral. Koordinado ang naging mga pag-aaral sa iba’t ibang barangay. Mabilis na nakatugon ang instruktor ng ibang bats ng BKP sa iba pang mga bats na inilunsad sa ibang erya.