Ika-155 anibersaryo ng pagtatapos ng pang-aalipin sa mga Itim

Libu-libong mamamayang Amerikano ang nagmartsa sa mahigit 100 syudad sa US noong Hunyo 19 upang gunitain ang Juneteenth, araw na itinuturing na upisyal na pagtatapos ng pang-aalipin ng mga puti sa mamamayang Itim sa bansa noong 1865.
Karamihan sa mga paggunitang ito ay idinaan sa protesta upang patuloy na igiit ang hustisya sa brutalidad ng pulis at rasistang pagpatay sa mga Itim na Amerikano. Sa iba’t ibang bahagi ng US, laganap at malakihan pa rin ang mga protesta laban sa pagpatay ng pulis kay George Floyd. Noong Hunyo 12, pumatong sa galit ng mamamayan ang pamamaril ng pulis sa Atlanta, Georgia, kay Rayshard Brooks habang tumatakbo ito palayo. Isang tama ng bala sa likod ang ikinamatay ni Brooks, isang empleyado sa restawran.
Bilang pakikiisa, nagwelga ang libu-libong manggagawa mula sa International Longshore and Warehouse Union sa Oakland, California noon ding Hunyo 19. Walong oras na natigil ang operasyon ng aabot sa 29 pantalan sa West Coast.
Daan-daang guro at kanilang mga pamilya ang nagmartsa rin para ipanawagan ang dagdag na pondo para sa mga estudyanteng itim at pagbabago sa kurikulum upang maglakip ng mas malaking bahagi ng kasaysayan ng mga Itim. Marami nang simbolo ng pang-aalipin ng mga puti sa mga itim ang itinakwil ng mamamayan. Kabilang dito ang pagwasak ng mga istatwa ng dating mga nagmamay-ari ng aliping itim, pagtanggal ng mga bandila ng malalaking panginoong maylupa na tumangging palayain ang kanilang mga alipin at samutsaring imahe at simbolo ng diskriminasyon.
Tanggalan ng pondo ang pulis
Mula sa panawagang Black Lives Matter, iginiit ng maraming grupo ang reporma sa institusyon ng pulis— mula sa pagtatanggal ng matataas na upisyal, pagkakaroon ng batas para sila’y makasuhan, pagtanggal ng marami sa kanilang mga pribilehiyo, pagtanggal ng pondo, hanggang sa pagbuwag sa buong institusyon. Tumugon ang di bababa sa siyam na estado sa mga panawagang ito. Kabilang dito ang Minneapolis, kung saan pinatay si George Floyd, na kumilos para tanggalan ng pondo at buwagin ang pulis ng estado. Ipinagbawal na rin ang paggamit ng pulis ng dahas laban sa suspek tulad ng pananakal at pagpasok sa mga bahay ng pinaghihinalaan ng hindi kumakatok. Sa Washington D.C., may resolusyon nang nagbabawal ng paggamit ng pulis ng tear gas, pepper spray, mga gomang punglo at stun grenade para magbuwag ng mga protesta.
Panawagan ng kilusang Black Lives Matter ang trabaho, dagdag na sahod, pabahay at pagrespeto sa karapatan. Anila, maraming krimen sa kanilang mga komunidad ang nakaugat sa kahirapan, pagpapabaya ng estado at diskriminasyon.