Hirap at dusa, pamana ni Danding

Pumanaw noong Hunyo 16 ang panginoong maylupa at kumprador na si Eduardo “Danding” Cojuangco, Jr. Kilala siya bilang pinakamalapit na kroni ng dating diktador na si Ferdinand Marcos, at sa pangungulimbat sa pondong coco levy at pangangamkam ng lupa. Kawalan ng lupa at pang-aapi ang pamana niya sa mahihirap na magsasaka at manggagawang bukid.
Sa Negros Occidental, minonopolyo niya ang 11 asyenda na sumasaklaw sa 4,461-hektaryang lupain na kinyang kinamkam mula sa mga magsasaka. Notoryus siya sa pagpanig sa sinumang nasa poder para mapatibay ang kanyang kontrol sa mga asyenda. Siya rin ang utak sa pagpapalayas at pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga magsasaka sa nasabing mga asyenda na naggigiit ng kanilang karapatan sa lupa.
Notoryus siya sa pagnakaw sa pondong coco levy mula sa mga magniniyog na ginamit niya sa pagbili sa San Miguel Corporation. Hindi pa rin naibabalik sa mga magniniyog ang P105-bilyong pondong kanyang kinamkam. Malawakan niyang pinairal ang kontraktwalisasyon at iba pang porma ng pleksibleng paggawa sa kanyang mga kumpanya.