Mga protesta

,
Ang artikulong ito ay may salin sa Bisaya

Protesta ng mga maralita sa Quezon City. Daan-daang maralitang residente mula sa Barangay Tatalon, Sityo San Roque, Payatas at Commonwealth sa Quezon City ang nagprotesta noong Setyembre 5 sa harap ng city hall para igiit ang ayuda, sahod, trabaho, at abot-kayang pabahay para sa lahat. Pinamunuan ang protesta ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay.

Dahil sa pagkilos, napilitan ang lokal na pamahalaan na humarap sa isang dayalogo kasama ang mga lider ng bawat komunidad para makausap ang Housing Community Development and Resettlement Department (HCDRD) ng syudad. Noong Agosto pa nagpadala ng sulat ang Kadamay-San Roque sa lokal na gubyerno ng Quezon City kaugnay ng kanilang mga hinaing.

Martsa sa Navotas kontra reklamasyon. Ilampung mangingisda, magtatahong at residente ng Navotas City ang nagmartsa tungong Navotas City Hall noong Setyembre 5 para tutulan ang bantang 576-ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation na proyekto ng lokal na gubyerno at San Miguel Corporations na magpapalayas sa 1,000 mangingisda, magtatahong at manggagawa sa palaisdaan. Makasisira rin sa kalikasan ang planong reklamasyon. Pinamunuan ang protesta ng katatatag na Samahan ng Mangingisda at Magtatahong sa Navotas.

Protesta sa unang araw ng klase. Inilunsad ng mga grupong kabataan ang mga protesta sa unang araw ng harapang klase sa kani-kanilang unibersidad noong Setyembre 5. Nagsagawa ng protesta ang mga mag-aaral ng University of the Philippines (UP)-Manila, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, UP-Diliman at De La Salle University. Tutol sila sa kaltas-badyet sa edukasyon, mandatory ROTC, red-tagging sa mga progresibong organisasyon at panggigipit sa akademikong kalayaan.

Tigil-operasyon ng 500 drayber ng Grab sa Pampanga. Naglunsad ng tigil-operasyon ang 500 rider ng kumpanyang Grab noong Agosto 25 bilang protesta sa bagong patakaran ng kumpanya na nagbaba ng delivery fee (bayad sa pagdeliber ng mga rider sa costumer) mula ₱49 kada 3 kilometro tungong ₱26 kada 3 kilometro. Nagtipon ang mga rider sa harap ng upisina ng kumpanya sa Balibago, Angeles.

Ika-7 anibersaryo ng Lianga Massacre, ginunita. Naglunsad ng protesta at nagtirik ng kandila ang mga grupo sa karapatang-tao at mga pambansang minorya sa Commission on Human Rights noong Setyembre 1 bilang paggunita sa ika-7 anibersaryo ng pagpaslang ng mga paramilitar kina Dionel Campos, Aurelio Sinzo, at direktor ng paaralang Lumad na si Emerito Samarca sa Han-ayan Village, Diatagon, Lianga, Surigao del Sur o tinaguriang Lianga Massacre.

Pauwiin si Mary Jane Veloso. Sa pangunguna ng Migrante International, nagsagawa ang mga progresibong grupo ng isang prayer rally noong Setyembre 5 sa harap ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Pasay City para kay Mary Jane Veloso, isang migranteng Pilipino na biktima ng human trafficking at 12 taon nang nakakulong sa Indonesia. Iginigiit ng mga grupo na dapat itulak ng gubyerno ng Pilipinas na palayain at pauwiin na si Veloso sa Pilipinas. Kasabay ito ng isinagawang pagbisita ni Ferdinand Marcos Jr sa Indonesia.

Hepe ng BJMP sa Panay, napatalsik. Napalayas ng protesta at noise barrage ng mahigit isang daang bilanggo sa Pototan, Iloilo ang korap at malupit na warden sa kanilang kulungan noong Agosto 24. Umakyat sa bubong ng gusali ang mga preso at nagpakita ng mga plakard na “Layas Warden!” at “Gutom kami!” Dahil dito, tinanggal sa pwesto si Chief Inspector Norberto Miciano Jr.

Reklamo nila, bukod sa walang makain, pinagbabawalan ng warden na makapasok ang pagkain na hatid ng kanilang dalaw. Kabilang sa mga nakapiit sa naturang kulungan ay mga detenidong pulitikal na aktibista at organisador sa isla ng Panay.

Mga protesta