Asukal, bawang at bigas: Biktima ng neoliberal na importasyon

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Umalma ang mga magsasaka ng tubo, bawang at palay sa kawalang suporta ni Ferdinand Marcos Jr, pareho bilang presidente ng bansa at kalihim ng Department of Agriculture, sa lokal na produksyon sa agrikultura.

Noong Setyembre 13, iniulat ng grupo ng mga kababaihang magsasaka na Amihan ang pagsadsad ng bilihan ng palay tungong ₱13 sa ilang bahagi ng bansa ngayong anihan. Sa harap ito ng nakaambang pagtaas ng presyo ng bigas nang ₱4-₱5 kada kilo sa Oktubre. Ayon sa grupo, dapat kumilos ang estado para isalbah sa pagkalugi ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbili ng lokal na palay sa halagang ₱20 kada kilo.

Ayon sa Amihan, dapat gawing prayoridad ng estado ang pagpapaunlad ng lokal na mga palayan, at hindi umasa nang umasa sa importasyon. Mula Enero hanggang Agosto ngayong taon, nag-angkat ang Pilipinas ng 2.7 milyong metrikong tonelada (MT) ng bigas, mas mataas nang 64% kumpara sa inangkat nito sa parehong panahon noong 2021. Tinatayang papalo sa 3.34 milyong MT ang iaangkat na bigas ng bansa para sa buong 2022.

Binatikos din ng mga magsasaka ang desisyon ni Marcos na mag-angkat ng 150,000 MT asukal sa Nobyembre. Hindi ito kailangan, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, lalupa’t papasok na sa produksyon ang mga lokal na gilingan. Ayon din sa grupong Masipag, ang pag-aangkat ng asukal ay magreresulta sa pagbagsak ng lokal na produksyon nang 6.8%. Pinirmahan ni Marcos ang kautusan ng importasyon matapos ang pakitang-tao nitong pagbawi sa naunang kautusan noong Agosto na nagtakda ng pag-import ng 300,000 MT asukal.

Samantala, umalma ang mga magsasaka sa paninisi sa kanila ng isang upisyal ng DA dahil sa lumitaw na “sobrang suplay” ng bawang at repolyo noong unang linggo ng Setyembre. Ito ay matapos umapela ang meyor ng Batanes na bilhin ang nakaimbak nilang lokal na bawang para punan ang kakulangan sa Metro Manila. Ayon sa DA, kasalanan ng mga magsasaka na hindi nila naibebenta ang kanilang mga produkto dahil hindi umano nito isinaalang-alang ang kundisyon ng pamilihan. Sa datos ng estado, 4,817 MT lamang ang lokal na produksyon ng bawang, habang 78,133 MT nito ay inaangkat. Nagsimula ang pag-aangkat ng bawang noon pang dekada 1990, kung kailan pinirmahan ng reaksyunaryong estado ang neoliberal na patakarang General Agreement on Tariffs and Trade.

Asukal, bawang at bigas: Biktima ng neoliberal na importasyon