Magsasaka, pinatay sa Negros Oriental

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Pinatay ng 62nd IB si Greg Cantela, magsasaka at residente ng Sityo Manlibod, Barangay Trinidad, Sa Guihulngan City, Negros Oriental, alas-6 ng umaga noong Setyembre 7. Pinakahuli siya sa mga pinaslang sa militarisadong isla.

Iniulat ng BHB-Negros ang bata-batalyong operasyon ng AFP sa kabundukan at komunidad ng Negros Occidental. Sa mga barangay ng Calatrava at Toboso sa Negros Occidental, isang batalyong tropa ng 79th IB ang naglulunsad ng nakapokus na operasyon mula Agosto 26.

Samantala, tinatayang 200 tropa ng 94th IB at SAF ang nakakampo sa kabundukan at mga barangay ng Himamaylan City, Binalbagan at Isabela mula Agosto 11.

Pagdukot at iligal na detensyon. Apat na araw na itinago ng 4th ID ng Armed Forces of the Philippines si Raquel Dahoyla Santillano, isang rebolusyonaryo na kumikilos sa North Central Mindanao, bago siya ilitaw at iprisintang “sumurender.” Dinakip ng pinagsanib na pwersa ng 1st Special Forces Battalion, Military Intelligence Battalion at 51st IB si Santillano noong Setyembre 4 sa Bumbaran, Lanao del Sur. Nagmula siya sa pagpapatingin ng iniindang sakit sa gulugod.

Ang pagdukot at iligal na pagbimbin kay Santillano ay inilantad at binatikos sa social media. Ito ang nagtulak sa 4th ID na maghabi ng kwento ng pagsurender para bigyang matwid ang mga paglabag nila sa mga karapatan ng biktima. Napalaya siya noong Setyembre 16.

Pandarahas. Iniulat ng Bayan-Gitnang Luson ang paniniktik ng mga elemento ng estado sa kanilang pangkalahatang kalihim na si Au Santiago noong Setyembre 17. Ayon kay Santiago, nagpakilala ang mga pulis na mula sa DILG Region 3 at bumisita sa bahay ng kanyang anak noong Setyembre 16. Bago nito, nakatatanggap si Santiago ng mga banta mula sa kanila sa pamamagitan ng text.

Noong araw ding iyon, pinilit ng mga pulis mula sa PNP-Quezon City na sumuko bilang Pulang mandirigma si Aries Soledad, kasapi ng Pamalakaya-Cavite.

Sa Bohol, tatlong aktibista ang sinampahan ng gawa-gawang kaso. Sa ulat ng HUMABOL-KMP, kinasuhan ng homicide sina Joemar Pogio, dating koordineytor ng organisasyon; Racquel Autida, dating koordineytor ng Gabriela-Bohol; at ang executive director ng Women’s Development Center na si Maria Ira Pamat. Idinadawit ang tatlo sa naganap na engkwentro sa pagitan ng mga elemento ng 47th IB at hukbong bayan sa Barangay Bayawahan, Sevilla, Bohol noong Hunyo 26, 2020.

Magsasaka, pinatay sa Negros Oriental