Mga protesta
Protesta laban kay Marcos sa US. Protesta ang isinalubong ng mga progresibong organisasyong Pilipino sa pagdating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa US. Nagrali sila sa New Jersey kung saan nagtalumpati si Marcos noong Setyembre 18 at muli sa New York noong Setyembre 19 kung saan nakipagpulong siya sa mga lider ng ibang bansa. Nasa US si Marcos para lumahok sa UN General Assembly na nagsimula Setyembre 20 hanggang 26.
LFS@45. Ginunita ng League of Filipino Students ang ika-45 anibersaryo nito sa isang protesta noong Setyembre 11 sa harap ng embahada ng US sa Maynila. Kinundena nila ang mga gerang agresyon ng US at panghihimasok militar nito sa mga bansang tulad ng Pilipinas. Binatikos din nila si Marcos Jr sa paglalalagay sa bansa sa gitna ng inter-imperyalistang tunggalian ng US at China.
Ayaw namin sa Gened 1 at 2. Nagpiket sa harap ng upisina ng National Commission on Indigenous Peoples sa Quezon City ang mga katutubong Isnag kasabay ng pakikipagdayalogo nila sa mga upisyal ng ahensya noong Setyembre 14. Bumyahe pa sila mula Kabugao, Apayao upang ipakita ang kanilang mariing pagtutol sa proyektong Gened 2 sa Apayao-Abulog River. Inalmahan ng mga Isnag ang pagratsada ng NCIP sa pagproseso ng free, prior and informed consent (FPIC) para sa proyekto.
Alyansa kontra reklamasyon sa Bacolod. Mahigit 80 lider-komunidad mula sa iba’t ibang purok, kasama ang mga taong simbahan at tagapagtaguyod ng karapatang-tao ang nagkaisang ilunsad ang Banago Against Reclamation Movement noong Setyembre 10 sa Nuestra Señora de Salvacion Parish sa Barangay Banago, Bacolod City.
Tatamaan ng planong reklamasyon ang mahigit 6,000 kabahayan na nakatira sa baybay-dagat ng Sibucao sa Barangay Banago hanggang Barangay Punta Taytay sa Bacolod City.