Mga gawa-gawang kaso, ibinasura
“NOT GUILTY” o walang sala ang hatol ng isang korte sa Galimuyod, Ilocos Sur sa desisyon noong Setyembre 17 laban sa limang kababaihang tagapagtaguyod sa karapatang-tao. Isinampa ng 81st IB ang mga kasong bigong pagpatay noong Enero 26, 2018 laban kina Sarah Abellon-Alikes, Sherry Mae Soledad, Joanne Villanueva, Rachel Mariano at Asia Isabella Gepte.
Ang lima ay isinangkot ng 81st IB sa isang ambus ng Bagong Hukbong Bayan noong Hulyo 22, 2017 laban sa nagpapatrulyang mga sundalo sa Salcedo, Ilocos Sur.
Pinawalang-sala naman ng Court of Appeals (CA) ang organisador ng manggagawa na si Maoj Maga sa kasong illegal possession of firearms with live ammunition. Sa desisyon noong Setyembre 15, binaliktad ng korte ang naunang paghatol ng San Mateo Regional Trial Court na maysala ang unyonista. Mula Pebrero 2018, iligal nang nakadetine si Maga sa Metro Manila District Jail 4 sa Taguig City. Sa kasalukuyan, humaharap pa siya sa kasong pagpatay sa Cabadbaran, Agusan del Sur na isinampa laban sa kanya ng AFP.
Para sa Kapatid, grupo ng mga kaanak at kaibigan ng bilanggong pulitikal, dapat matulak ng desisyong ito ng CA ang lahat ng mga korte na dumaan sa mas mahaba at mas masusing pagrepaso sa mga kaso ng estado laban sa mga ikinulong na aktibista at kritiko. Sa tingin ng grupo, lubhang signipikante ang bagong desisyon dahil hindi lamang nito binabaliktad ang hatol laban sa isang aktibista kundi binibigyan-diin din nito ang pangunahing konstitusyunal na proteksyon mula sa iligal na paghahalughog at pagsamsam.