Sariwang gunita ng mga magsasaka sa lagim ng batas militar

,

Ipinahayag kamakailan ni Ferdinand Marcos Jr sa isang panayam na makatwiran umano ang pagdeklara ng batas militar ng kanyang ama noong Setyembre 1972. Inamin din ng anak ng diktador na nagkaroon ng mga pag-abuso sa karapatang-tao, ngunit ang mga gayon umano ay nagaganap “tulad sa alinmang gera.”

Inabswelto ng gayong pahayag ni Marcos Jr ang militar at pulis sa katakut-takot na abuso at paglabag sa karapatang-tao noong panahon ng batas militar. Higit dito, nais ni Marcos Jr na gawing normal o kalakaran ang mga pang-aabusong ito, katulad din na binigyang matwid ito noon ni Duterte.

Ang mga abusong ito rin mismo ang ayaw nang maulit ng mga magsasakang nakapanayam ng mga reporter ng Ang Bayan. Kahit mahabang panahon na ang lumipas, nakakintal pa rin sa kanilang mga isip ang lagim na kakabit ng mga pangalan ng batalyon at upisyal. Hindi kailanman malilimutan ng mga magkakabaryo ang dinanas nilang lupit ng mga tauhan ni Marcos Sr.

Si Nay Lorena mula sa Agusan del Norte, ay 17 taong gulang nang mabiktima ng mga sundalo. Ngayon ay 56 taong gulang na siya, pero malinaw sa kanya ang pagkatao ng militar na kung tawagin niya’y “mga tuta ni Marcos.”

“Kung mag-imbestiga sila, hindi ka makakasagot nang maayos dahil sabay sa tanong ang kulata ng baril. Mayroong nakalimot na ng pangalan dahil sa pagkataranta,” salaysay niya.

“Kung magrekisa sila sa aming mga babae, hinihipuan kami sa dibdib, sa ari…Mga bastos talaga! Hindi namin masabi na ‘huwag, ser…’ dahil kukulatahin ka, dadalhin ka sa kanilang detatsment. Pakakawalan ka pa kaya?”

“Kulata ng baril” ang pagmamalupit na karaniwang dinaranas ng mga magsasaka, na walang kasalanan kundi ang makatagpo ng sundalo sa bukid. Ganito ang sinapit ni Tatay Rolando nang siya ay minsang inimbestiga.

Mas matindi ang sinapit ng kanyang mga kababaryo. Ang kapitbahay niya ay bugbog-sarado sa kulata dahil lamang sumagot na “Matagal na kami dito, wala kaming nakikitang rebelde.” Ang dalawang matandang kapitbahay niya ay pinatay matapos pagdudahang sumusuporta sa BHB.

Nailagay na rin siya sa bingit ng kamatayan nang dakpin at dalhin sa detatsment dahil sa paratang na sumusuporta siya sa BHB. “Tinortyur ako. Tinanggalan na ako ng gapos at dinala sa hukay kung saan nauna na nilang inilibing yung isang binata. Kinabahan talaga ako na isusunod na.”

Ang kumander ng detatsment? “Si Sgt. Sumayo,” walang pag-aatubiling sagot ni Tatay Rolando. Kung si Nay Lorena naman ang tatanungin kung ano’ng batalyon? “29th IB, na mas malupit kesa sa 54th (IB),” malinaw na sagot niya. Pumipintig ang kanilang mga salita na tila kahapon lamang naganap ang mga pangyayari.

Paano nga malilimutan ang brutalidad ng batas militar, kung matapos ang 50 taon, ay siya pa ring brutalidad ang kinakaharap nila ngayon. “Napakaliit lang ng pagkakaiba ng mga sundalo noon at ngayon,” sabi ni Tatay Rolando. “Noon, sabay ang kulata at pag-imbestiga, bago ang pagsalbeyds. Ngayon, iuumang muna ang armalayt bago mangkulata.”

Pinanaig ni Marcos Sr at pinananaig ngayon ni Marcos Jr ang kaisipang pasista at kawalang-pananagutan na siyang nagbibigay lisensya sa mga terorista ng estado na gamitin nang buong-lupit ang kapangyarihan laban sa mamamayan.

Hanggang ngayon ay walang hustisyang nakakamit sina Tatay Rolando at Nay Lorena, gayundin sina Tay Nardo at Nanay Paning, na kabilang sa di mabilang na biktima ng lagim ng batas militar. Magkakatulad ang sagot nila. “Kami’y mga pobreng magsasaka lamang. Wala kaming natapos na grado. Ano ang ipambabayad namin para sa mga papeles na hinihingi para magkaso?”

Silang mga dinurog ang pagkatao ng batas militar, ay naglalagay ng kanilang pag-asa sa armadong pakikibaka. “Itinutulak ng mga abusong militar na lumahok ang mamamayan sa armadong paglaban,” sabi ni Nay Lorena na nagbabalang baka ulitin ni Marcos Jr ang ginawa ng kanyang ama. Sang-ayon dito ang tindig ni Tay Nardo, “ang sagot sa martial law,” sabi niya, “mag-armas na ang mga tao. Kung parehas na tayo may armas (sa militar), hindi na tayo matatakot.”

Para naman kay Tay Rolando, “Importanteng mawala agad itong Junior Marcos, kasi baka sundan niya ang pamamalakad ng kanyang ama. Mas matindi pa ang anak… Kailangan hikayatin natin ang kabataan na lumahok sa rebolusyon, para matigil na ang pangtotortyur ng militar. Magpunyagi tayo!”

Sariwang gunita ng mga magsasaka sa lagim ng batas militar