Puksain ang mga halimaw na iniluwal ng batas militar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaHiligaynon

Limampung taon mula nang ideklara ni Ferdinand Marcos Sr ang batas militar at itatag ang pasistang diktadura, patuloy na sinasalanta ang sambayanan ng mga halimaw na iniluwal ng brutal at bulok na paghahari ng teroristang estado. Higit sa pagpapatibay ng paninindigang “hindi na muli,” ang pagbabalik-tanaw at paghalaw ng mga aral sa kasaysayan ng batas militar ay dapat ituon sa patuloy na paglaban para puksain ang mga halimaw na ito.

Ang pinakamalaking halimaw na iniluwal ng batas militar ay mismong pamilyang Marcos na ngayon ay naghahari-harian sa bansa sa katauhan ni Marcos Jr. Mula sa pagiging katamtamang laki, naging higanteng burukratang kapitalista ang mga Marcos at kanyang mga kroni. Buong pagmamalaki ni Imelda Marcos, asawa ni Marcos Sr, na pag-aari nila ang lahat sa Pilipinas. Walang negosyong tumakbo o imprastrukturang itinayo na hindi tunay na pag-aari o hinuhuthutan ng mga Marcos. Pinagpasasaan ng mga Marcos ang ekonomya at kabuhayan ng sambayanan.

Sa loob ng mahigit isang dekada, tinatayang nasa 10-15 bilyong dolyar ang kinamkam ng mga Marcos. Malaking bahagi nito ay nakalagak sa mga dayuhang bangko, o nasa anyo ng mga dyamante, mga mansyon, lupa sa ibang bansa at iba pang mamahaling bagay. Walang kahihiyang nabuhay sa karangyaan ang mga Marcos habang kayod-kalabaw at subsob sa lusak ng karalitaan ang malawak na masa ng sambayanan.

Sa kabila nang sila’y napatalsik noong 1986, nanatili sa kamay ng mga Marcos ang malaking bahagi ng kanilang nakaw na yaman. Ito ang ginamit ng mga Marcos mula nang makabalik sa Pilipinas para bilhin ang mga pampulitikang katapatan, lunurin ang bansa sa kasinungalingang pangkasaysayan, at ibalik ang sarili sa kapangyarihan. Ito ang pondong bumuo ng pampulitikang alyansa sa mga Duterte para dayain ang resulta ng nakaraang eleksyon at iluklok si Marcos Jr sa poder. Ang pagluklok ni Marcos Jr sa trono ng Malacañang ang pinakamalaking pakinabang niya sa 14-taong diktadura ng kanyang ama.

Pinakabrutal na halimaw na iniluwal ng batas militar ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Constabulary-Integrated National Police (sa ngayon ang Philippine National Police o PNP). Sa ilalim ng batas militar, nagsilbi silang tau-tauhan o instrumento ni Marcos Sr para maghasik ng pasistang terorismo laban sa sambayanan. Binusog ni Marcos ang mga upisyal ng AFP at ng PC-INP na lumaki mula mahigit lamang 50,000 noong 1972 tungong mahigit 200,000 bago siya pinatalsik. Apat na ulit na lumaki ang badyet ng AFP sa unang mga taon ng batas militar. Sa ilalim ng diktadurang Marcos, militar ang batas, at sinumang hindi tumalima ay sinusupil nang buong bagsik.

Ginamit ni Marcos Sr ang monopolyo sa kapangyarihan para supilin ang lahat ng tumututol, kabilang ang mga karibal na pangkatin ng naghaharing uri. Tinapos ng diktador ang dating hatian sa kapangyarihan ng mga naghaharing uri, ipinasara ang Kongreso at pinatakbo ang mga korteng militar na tagapatupad ng kanyang mga hatol.

Naghari-harian ang militar. Higit 70,000 ang ipinakulong, 34,000 ang tinortyur, 3,257 ang pinatay, at mahigit 1,300 ang desaparesido. Marami pa ang hindi naisadokumentong biktima na mayorya’y mga manggagawa at magsasaka sa tangkang sikilin ang kanilang pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang interes at kapakanan. Kabi-kabila ang masaker laluna sa kanayunan kung saan mga pasistang tropa ni Marcos ang naghari sa tabing ng pagsupil sa armadong rebolusyon. Ibinigay ng gubyernong US ang buong suporta kay Marcos na naggarantiya sa patuloy na operasyon ng mga base militar ng US. Katulad ito ng pagsuporta ng US sa iba pang diktador sa ibang mga bansa sa Asia, Latin America at iba pang lugar.

Wala ni isa sa mga upisyal militar ang nanagot sa laksa-laksang krimen ng AFP at PC-INP. Nang mapatalsik si Marcos Sr, marami sa kanila ang parang hunyangong naging mga upisyal sa burukrasya o negosyo, gamit ang kapit nila sa kapangyarihan. Sa tulak ng US—ang numero unong tagasulsol at tagabenta ng mga armas para sa mapanupil na gera sa bansa—pilit na binago ang imahe ng AFP at PC-INP para palabasing sila’y tagapagtaguyod sa karapatang-tao at maka-kapayapaan, tuwirang kabaligtaran ng esensya nitong marahas na instrumento ng panunupil sa bayan.

Bigyan man ng bagong bihis, nananatiling dambuhalang halimaw ang AFP at PC-INP na iniluwal ng batas militar ni Marcos Sr. Bumagsak man ang diktadura, hindi binaklas ang pasistang makinarya ng AFP at PC-INP. Katunayan, lalo pa itong lumaki at bumagsik. Sa lumang tabing ng kontra-insurhensya at bagong karatulang “kontra-terorismo,” walang patid ang mga kaso ng pagpatay, pagdukot, iligal na pag-aresto, pagmomolestiya at panggagahasa, pagkulong at pagtortyur ng militar sa mamamayang lumalaban. Lalo itong nagiging matakaw sa pondo na dapat sana’y napupunta sa mas produktibong pamumuhunan o pagpapalawak ng serbisyong panlipunan. Lalo pang lumaki ang kapangyarihan at pinalakas ang panghihimasok ng AFP-PNP sa iba’t ibang aspeto ng estado at lipunan sa ilalim ng National Task Force (NTF)-Elcac.

Higit sa lahat, iniluwal ng batas militar ni Marcos Sr ang halimaw na krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal na lumalamon nang buhay sa malawak na masang anakpawis. Gamit ang absolutong kapangyarihan, binigyang daan ni Marcos ang todo-todong pandarambong na nagresulta sa malawakang pagkakalbo ng mga bundok, pagkalason ng mga ilog, pagkawasak ng kapaligiran at pag-agaw ng lupa ng mga magsasaka at minorya.

Sa ilalim ng batas militar, ipinatupad ni Marcos Sr ang mga patakarang dikta ng International Monetary Fund at World Bank (IMF-WB) kapalit ng pautang na may mataas na interes. Ipinako sa mababang antas ang sahod ng mga manggagawa para akitin ang mga dayuhang kapitalista. Ipinatupad ni Marcos Sr ang huwad na reporma sa lupa, ang coco levy o buwis sa mga magniniyog, ang paghila sa presyo ng asukal para pagkakitaan sa pag-eeksport at ang Masagana 99 na pawang mga programa na nagsadlak sa milyun-milyong magsasaka sa utang at krisis sa kabuhayan.

Sinimulan ang mga “export processing zone” na lalong nagtali sa bansa sa internasyunal na assembly line ng mga korporasyong multinasyunal. Lalong isinadlak ang ekonomya ng Pilipinas sa pagiging atrasado, agraryo at hindi industriyal. Ginawang programa sa ekonomya ang pagluluwas ng murang lakas-paggawa bilang hungkag na solusyon sa malawakang problema ng disempleyo at nagpain sa mga Pilipino sa malupit na pagsasamantala at pagkaalipin sa ibang bansa. Ilang ulit ang debalwasyon ng piso kontra sa dolyar ng US. Nabaon ang bansa sa dayuhang utang na ginamit ni Marcos Sr sa mga programang pang-imprastruktura na pawang batbat ng korapsyon.

Nang mapatalsik ang mga Marcos noong 1986, kilala ang Pilipinas na “sick man” ng Asia dahil sa pagkaratay nito sa krisis sa ekonomya. Malakas ang panawagan noon ng taumbayan na itakwil ang mga patakaran ng IMF-WB at ang pagiging palaasa sa dayuhang utang; kaya nang binuo ang konstitusyon ng 1987, kinilala ang pangangailangang bigyang proteksyon ang lokal na mamumuhunan at paunlarin ang ekonomya.

Subalit sa halip na ituwid ang mga baluktot na patakaran ni Marcos Sr na nagsadlak sa ekonomya sa krisis, ipinagpatuloy ang mga ito at lalo pang pinalala. Ang mga patakarang neoliberal sa ekonomya na sinimulan noong katapusan ng dekada 1970 ay lalong iniratsada sa tulak ng IMF-WB. Ang lokal na produksyon ay nanatiling nakaasa sa pag-iimport at nakatuon sa pag-eeksport. Walang ginawa para itatag ang saligang mga industriya at paunlarin ang agrikultura.

Ipinatupad ang pribatisasyon ng serbisyong tubig at kuryente, deregulasyon sa industriya ng langis, pagkakaltas ng badyet sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan at iba pa. Ibinenta at nasaid ang mga ari-arian ng gubyerno sa ilalim ng mga kontratang batbat ng korapsyon. Tinanggal ang mga taripa sa mga produktong inaangkat na nagresulta sa malawakang pagkalugi, pagsasara ng mga negosyo, at papatinding kahirapan ng mga magsasaka. Lalo pang itinulak ang pagpapangibang-bayan ng mga manggagawang Pilipino, pati na ang mga nars at iba pang propesyunal.

Matapos ang tatlong dekada, ang mga patakarang sinimulan sa ilalim ng batas militar ni Marcos Sr ay nagresulta sa pamalagiang depisito sa kalakalan, sa pagwasak ng lokal na ekonomya, pagbagsak ng agrikultura, krisis sa pagkain at lubos na pagiging palaasa sa importasyon at dayuhang remitans. Sa gitna ng krisis sa ekonomya, lalong naging sugapa ang mga burukratang kapitalista sa pagnanakaw sa pondo ng taumbayan, na nagbubunsod naman ng tumitinding alitan ng iba’t ibang pangkatin ng naghaharing uri.

Ang tatlong halimaw na itong iniluwal ng batas militar ni Marcos Sr—ang korapsyon ng dinastiyang Marcos, ang pasistang-terorismo ng AFP-PNP, at ang mga patakarang neoliberal na dikta ng imperyalismo—ay patuloy na nananalanta sa sambayanang Pilipino. Sa pagbalik-tanaw ng sambayanang Pilipino sa batas militar, dapat matalas na ituon ang kolektibong lakas ng pakikibaka para labanan at puksain ang mga halimaw na ito. Dapat lalong patatagin at puspusang isulong ang pakikibaka para tuluyang wakasan ang mga saligang problema ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at kamtin ang hinahangad na tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

Puksain ang mga halimaw na iniluwal ng batas militar